Pagtitimbang-timbang ng Kasaysayan ng Simbahan
Ang nag-uumapaw na katibayan sa kasaysayan ng Simbahan ay positibo at nagpapatibay ng pananampalataya. Sa buong konteksto nito, ito ay tunay na nagbibigay-sigla.
Nasisiyahan ako sa pagbabasa ng mga makasaysayang tala ng mga naunang miyembro ng Simbahan na nilisan ang kanilang mga tahanan at, dahil sa pagsasakripisyo nang malaki, ay nakasama ang iba pang mga Banal. Nakaaantig ang kanilang kuwento, nakahuhugot ako ng matinding lakas sa nalaman kong mga pinagdaanan nila para mabuhay at maipakita ang kanilang pananampalataya sa pagsunod sa mga propeta at paggawa ng mahihirap na bagay. Kapag binasa ninyo ang ginawa nila, nalalaman ninyong kahit paano ay hindi ganoon kahirap ang inyong kalagayan sa buhay.
Gustung-gusto ko ang kasaysayan ng Simbahan. Mas binabasa ko na ito ngayon kaysa noon, at kasiya-siya ito at nagpapatibay ng pananampalataya. Halimbawa, talagang kahanga-hanga ang nagawa ng mga unang misyonero noon, kahit walang ibang mapagkukunan maliban sa matinding pananampalataya at patotoo nakagawa sila ng mga kamangha-manghang bagay. Nakatulong sa akin ang mga halimbawang iyon na maunawaan na magagawa ko ang mahihirap na bagay kung patuloy kong palalakasin ang aking pananampalataya at patotoo. Palaging napapalakas ang aking patotoo kapag nakikita ko ang nangyari sa pagsulong ng dakilang gawaing ito.
Pagtanaw sa Nakaraan mula sa Kasalukuyan
Ang kasaysayan ay magandang paraan para magkaroon kayo ng inspirasyon na espirituwal na ihanda ang inyong sarili. Makikita natin sa ating kasaysayan ang mga taong espirituwal na inihanda ang kanilang sarili at nagtagumpay at ang mga taong nangawala dahil hindi sila espirituwal na handa sa nangyari. Maaari nating matutuhan na ang katapatan sa ebanghelyo, pagdarasal, at patotoo ay makatutulong sa atin na magawa ang dakilang mga bagay at kailangan nating pagbutihin ang ating espirituwalidad o danasin natin ang bunga ng di-paggawa nito.
Ang mga tao sa ating kasaysayan ay mga karaniwang tao tulad natin, karamihan sa kanila ay nakagawa ng di-pangkaraniwang bagay. Bagama’t lahat sila ay naghangad ng kasakdalan, hindi sila perpekto. Ang mga naunang miyembro ng Simbahan ay may mga suliranin at nahirapan din tulad natin ngayon. At nagkaroon ako ng lakas sa nalaman ko na ang mga pagsubok na iyon, ang pagsisikap na iyon na maging perpekto, ay matagal nang umiiral.
Walang dudang nabago ang mundo sa nakalipas na isa o dalawang henerasyon. Inilagay sa Internet ang lahat ng uri ng impormasyon na napakadali nating makuha—ang mabuti, masama, totoo, hindi totoo—kabilang na ang impormasyon tungkol sa kasaysayan ng Simbahan. Marami kayong mababasa tungkol sa ating kasaysayan, ngunit mahalagang basahin at maunawaan ito sa buong konteksto nito. Ang mahirap sa ilang impormasyon online ay wala ito sa konteksto at hindi ninyo talagang nakikita ang kabuuan nito.
Ang impormasyong nagtatangkang ipahiya ang Simbahan ay karaniwang batay lang sa personal na opinyon at hindi patas. Dapat nating hanapin ang sources o materyal na mas walang kinikilingan sa paglalarawan ng ating mga paniniwala at kasaysayan. May ilang website na napakasama ng intensyon at ginagawang kontrobersyal ang paglalahad ng impormasyon. Hanapin ang sources na mula sa kilala at iginagalang na mga historian o mananalaysay, miyembro man sila ng Simbahan o hindi.
Nagugulat at nasisindak ang ilang kabataan sa materyal na inilalabas ng anti-Mormon sa Internet dahil hindi nila pinalakas ang kanilang sarili laban dito. Maaaring hindi sila nag-ukol ng sapat na panahon na espirituwal na ihanda at palakasin ang kanilang sarili sa anumang maaaring dumating. Kapag may mga dumating sa kanilang buhay na hindi inaasahan, mahalagang gawin nila ang mga pangunahing bagay na lagi nating pinag-uusapan: patuloy na mag-aral ng mga banal na kasulatan at taimtim na manalangin sa ating Ama sa Langit. Inihahanda ng mga pangunahing bagay na iyon ang mga tao sa lahat ng uri ng paghihirap, kabilang na ang mga artikulo mula sa mga anti-Mormon na makikita nila sa Internet.
Kailangang Pagtimbang-timbangin
Tulad sa anumang bagay, kailangang pag-aralan ninyo ang kasaysayan ng Simbahan nang may pagtitimbang-timbang. Ang totoong Simbahan noon pa man ay kakaiba na, at tila lagi tayong pinupuntirya ng pang-uusig. Palagi tayong nakakaranas ng paghihirap, at dapat masanay na tayo. Ang pinakamainam na paraan upang maharap ito ay tiyaking karapat-dapat tayo at malakas ang ating patotoo. Kung gumugugol kayo ng oras sa website na bumabatikos sa Simbahan at sa kasaysayan nito ngunit hindi nag-uukol ng panahon sa mga banal na kasulatan, hindi ninyo ito mapagtitimbang-timbang, at magkakaroon ng mas malakas na epekto sa inyo ang mga negatibong bagay na iyon. Kung alam ninyo ang totoong kasaysayan, hindi kayo maaapektuhan ng mga ito.
Noong tinedyer ako, hindi ko lubos na nauunawaan ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng espirituwalidad. Marahil mas interesado ako sa pagiging mahusay na manlalaro ng football kaysa maging isang mahusay na estudyante ng Aklat ni Mormon. Naunawaan ko lang ito nang nasa misyon na ako, at tulad ng maraming kabataang lalaki, nabago ako at naunawaan ang tunay na kahulugan ng kaligayahan. Ito ay ang kagalakan, kapayapaan na nagmumula sa paglilingkod sa Panginoon, mula sa pag-aaral at pagdarasal, mula sa pagmamahal at pagtulong sa kapwa. Natanto ko na kung babalewalain ko ang mga aspetong iyon sa aking buhay, hindi maaayos ang mga bagay-bagay na siyang nararapat. Kung gagawin ko ang mga bagay na iyon, lahat ay tila mababalanse kahit papaano.
Kapag pinanatili kong balanse ang aking buhay, mababasa ko ang kasaysayan nang walang-kinikilingan at mauunawaan na bagama’t marami sa ating mga ninuno ang dapat hangaan, sila ay mga tao rin at nagkakamali. May malulungkot o nakalilitong yugto sa ating kasaysayan na hinahangad natin na mas maunawaan, ngunit ang ilan sa mga tanong na ito ay maaaring hindi masagot sa buhay na ito. At ayos lang iyan.
Kung lalapit sa akin ang isang kaibigan at tapat na magtatanong tungkol sa mga isyung kontrobersyal sa kasaysayan ng Simbahan, gagawin ko ang makakaya ko para masagot ito. At kung matutuklasan ko na gumugugol siya ng maraming oras sa bagay na iyan, ang unang itatanong ko sa kanya ay: “Nagbabasa ka ba ng Aklat ni Mormon? Nagdarasal ka ba? Pinananatili mo bang balanse ang iyong buhay para maprotektahan mo ang iyong sarili laban sa mga unos ng buhay?”
Ang nag-uumapaw na katibayan ng kasaysayan ng Simbahan ay positibo at nagpapatibay ng pananampalataya. Kung pipiliin ninyong gugulin ang marami ninyong oras sa pag-aaral lamang ng mga kontrobersyal na kabanata ng ating kasaysayan, ilang aspeto lamang nito ang mauunawaan ninyo at hindi ang kabuuan nito. At kailangan ninyong maunawaan ang buong kuwento ng ating kasaysayan. Ang buong konteksto nito ay tunay na nagbibigay-inspirasyon.
Halimbawa, si Joseph Smith ay isang kahanga-hangang tao. Siya ba ay perpekto? Hindi. Lahat tayo ay mortal. Ngunit ang basahin ang Aklat ni Mormon at ang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan at malaman ang ginawa niya sa pagpapanumbalik ng Simbahan sa loob ng maikling panahon ay isang pambihirang patotoo. May mga pagsubok at paghihirap ang lahat ng propeta, at hindi na natin dapat ikagulat na nagdanas ng paghihirap si Joseph Smith at nakasakit ng damdamin ng ilang tao. Gayunpaman malinaw na siya ay propeta ng Diyos.
Walang Katulad ang Panahong Ito
Wala akong maisip na mas magandang panahon na maging miyembro ng Simbahan kaysa ngayon. Nang ikasal kami ng asawa ko, may 13 templo ang Simbahan, at nagkaroon kami ng mithiin na puntahan isa-isa ang mga ito. Ngayon ay may 140 templo na, at hindi na namin mapupuntahan ang lahat ng ito. Ang lahat ng mga bungang ito ng Panunumbalik—mga propeta at mga apostol, mga templo, priesthood, ang Aklat ni Mormon, mga paghahayag—ay isang malaking pagpapala sa ating buhay. At ang lahat ng ito ay ginawang posible ng Tagapagligtas, sa pamamagitan ng Kanyang ebanghelyo, sa pamamagitan ng plano ng ating Ama.
Maaaring simpleng tao ako sa maraming bagay, ngunit sapat ang alam ko para malaman na mahal ako ng aking Ama sa Langit. Mahal Niya tayong lahat. Tunay na tayo ay Kanyang mga anak na lalaki at babae. Talagang gusto Niyang makabalik tayo sa Kanya. Hindi Niya minamanipula ang kaliit-liitang detalye ng ating buhay. Bahagi iyan ng ating pag-unlad. Nais Niya tayong matuto at gamitin ang kalayaan at harapin ang paghihirap. Gayunman, tunay na nakikita ko ang Kanyang impluwensya sa aking buhay at sa buhay ng aking pamilya. At nagpapasalamat ako na naranasan natin ang mortal na buhay na ito, dahil mahal ko ang buhay. Maraming bagay ang mali, ngunit napakaraming magagandang bagay sa buhay, at nagpapasalamat ako na tayo bilang mga espirituwal na nilalang ay nagkaroon ng pagkakataong pumarito sa lupa at magkaroon ng katawan at matutuhan ang mga bagay na tutulong sa atin patungo sa kawalang-hanggan.
Nakatutulong ang kasaysayan sa ating buhay dahil binibigyan tayo nito ng pagkakataong makita ang nakaraan. Kung minsan mahirap gunitain ang sarili nating buhay, ngunit dahil sa kasaysayan makikita natin ang buhay ng iba at matututuhan ang mga bagay na nagpala sa kanila. At matutulungan natin ang ating sarili na maiwasan ang mga pagkakamali sa paggawa ng mga bagay na nagpala sa ating mga ninuno.