Limang Paraan para Masunod ang Payo ng mga Lider ng Priesthood
Ang Panginoon ay nangusap sa Kanyang mga disipulo at tinuruan ang mga tao sa Kanyang panahon. Patuloy Niya itong ginagawa ngayon.
Bagama’t ang Tagapagligtas ay hindi natin pisikal na kasama, tumatawag Siya ng mga miyembro sa Kanyang Simbahan para akayin at gabayan tayo, at iniutos Niya sa atin na sundin ang kanilang payo kapag natanggap nila ito sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
Sino ang maaaring tumanggap ng paghahayag na para sa akin?
Ang paghahayag ay maaaring dumating mismo sa iyo sa pamamagitan ng Espiritu, at maaari ding dumating sa pamamagitan ng mga lider ng priesthood na itinalaga para sa partikular na mga tungkulin para magabayan ang mga taong ipinagkatiwala sa kanila.
Ang propeta ang tumatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan; ang inyong Area Presidency ang tumatanggap para sa inyong area; ang inyong stake president para sa inyong stake; at ang inyong bishop para sa inyong ward. Dumarating ang paghahayag sa mga taong ito sa kanilang mga tungkulin, ngunit lahat ng ito ay iisa ang pinagmumulan: Ama sa Langit.
Ano ang ibig sabihin ng sang-ayunan ang ating mga lider?
Ang pagtataas ng ating kanang braso kapag sinasang-ayunan natin ang mga tao ay pisikal na pagpapakita na nangangako tayong igagalang, rerespetuhin, at susuportahan sila sa hangarin nilang gampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin. Ang pagsunod sa payo ng ating mga lider ay isang paraan ng pagsuporta sa kanila. May karunungan at pananaw ang mga lider, at ang kanilang tagubilin ay nilayong tulungan tayo na maipamuhay ang ebanghelyo. Sa pagsunod sa kanilang payo, mag-iibayo ang ating pananampalataya at lalakas ang ating patotoo.
Narito ang limang paraan para masunod ninyo ang payo ng inyong mga lider ng priesthood:
-
Dumalo sa pangkalahatang kumperensya, sa kumperensya ng stake at ward. Maaari kayong magdala ng papel at bolpen para maisulat ang mga puna. Habang nakikinig kayo sa inyong mga lider ng priesthood, isulat ang anumang impresyong nadama ninyo, ang mga bagay na dapat ninyong gawin, o mga pagbabagong dapat ninyong gawin sa inyong buhay. Tiyaking maitatala ninyo ang sasabihin nila sa inyo sa iba pang mga pulong sa Simbahan o sa interbyu.
-
Manalangin na makatanggap ng patotoo tungkol sa payong ibinibigay nila. Patototohanan sa inyo ng Espiritu Santo na ang ibinigay na payo ay kalooban ng Ama sa Langit.
-
Gumawa ng mga partikular na plano kung paano ninyo ipamumuhay ang payo sa inyo. Halimbawa, pinayuhan ng mga propeta ang mga miyembro ng Simbahan na mag-aral. Ano ang inyong mga plano? Mag-aaral ba kayo sa kolehiyo o sa vocational school? Ano ang pag-aaralan ninyo? Kailan kayo mag-aaral? Ano ang ginagawa ninyong paghahanda ngayon para matanggap sa kursong gusto ninyo?
-
Patuloy na magtamo ng kaalaman. Alamin ang kasalukuyang mga payo ng mga lider ng Simbahan sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga materyal ng Simbahan. Magandang sanggunian ang Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ang Liahona ay naglalaman ng mga salita ng mga propeta at apostol. Kung ang inyong ward o branch ay may newsletter, basahin ang anumang mensaheng ibinigay ng mga lider ng priesthood sa inyong lugar. Ang pinakamahalaga, pag-aralan ang sinabi ng mga lider sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya.
-
Magsimula kaagad. Kung minsan natutukso tayo na ipagpaliban ang pagsunod sa payo ng ating mga lider. Matapos kayong makagawa ng tiyak na plano para maisagawa ang payong iyan, kumilos kaagad.