Matinding Pahiwatig ng Espiritu
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa mga kabataan sa Salta, Argentina, noong Nobyembre 2011.
Ang patotoo ay maaaring dumating sa sinumang pangkaraniwang tao, saanman siya naroon, dahil kilalang-kilala ng ating Ama sa Langit at ng Espiritu Santo ang bawat isa sa atin.
Paghahanap ng Sagot sa Sagradong Kakahuyan
Noong bata pa ako, nagkaroon ako ng pagkakataong makapunta sa Palmyra, New York, isang gabi ng tag-init. Naroon ako sa Sagradong Kakahuyan, nag-iisa. Lumuhod ako para manalangin, hinihiling sa Ama sa Langit na ipakita sa akin o bigyan ako ng pahiwatig na ang alam ko na noon pa man ay nangyari sa sagradong lugar na iyon. Taos-puso akong nagdasal, nang mahabang oras, nang may pagpipitagan. At hindi ako nakatanggap ng anumang sagot o pahiwatig mula sa Espiritu Santo. Walang dumating. Sa huli, sumuko na ako at malungkot na umalis, iniisip na, “Ano ang hindi ko nagawa nang tama? Bakit? Ano pa ang kailangang gawin?” Para sa akin wala nang mas mainam pang lugar para makatanggap ng sagot sa gayong panalangin.
Natutuhan ko sa karanasang iyon na hindi natin maaaring utusan ang Diyos. Hindi natin maaaring sabihing, “Kailangang sagutin Ninyo ako sa ganitong paraan, ngayon din.” Nasa Kanya ang pagpapasiya kung paano at kailan Siya makikipag-usap sa atin at kung ano ang sasabihin Niya sa atin. Responsibilidad natin na palaging maging marapat upang makatanggap ng mga pahiwatig o bulong, ng paghahayag, at ng inspirasyon ng Espiritu. Subalit Siya ang nagpapasiya kung paano at kailan.
Natanggap ang Sagot sa Tahanan
Ang hinahanap ko noon—na hindi dumating noon—ay talagang dumating sa akin makalipas ang lima o anim na linggo. Nagbabasa ako ng Aklat ni Mormon sa bahay noon. At kahit hindi ko hiniling, may nadama akong matinding impresyon, damdamin, at pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nagpatibay sa aking paniniwala at patotoo.
Napakalakas nito kaya’t napaiyak ako. Napakadalisay rin nito na hindi na kailangang sambitin pa. Hindi na kailangang mangusap pa ang Espiritu; maaari Siyang makipag-ugnayan nang Espiritu sa espiritu na may wikang hindi mapag-aalinlanganan dahil wala itong mga salita. Ito ay pakikipag-ugnayan ng dalisay na kaalaman at katalinuhan mula sa Espiritu, at nalaman ko na talagang pinakamainam itong paraan para magtamo ng kaalaman. Ito ay mas nakaaantig at panghabambuhay kaysa paghawak o pagkakita lamang sa isang bagay; maaari nating pag-alinlangan ang ating mga pisikal na pandamdam, ngunit hindi tayo maaaring mag-alinlangan kapag ang Banal na Espiritu na ang nangusap sa atin. Napakatiyak na patotoo ito. Kaya nga, ang pagtatatwa sa Espiritu Santo o sa patotoo mula sa Espiritu Santo ay kasalanang walang kapatawaran.
Damhin ang Pagmamahal at Pag-unawa ng Diyos
Talagang natuwa ako na hindi ako sinagot ng Panginoon sa Sagradong Kakahuyan dahil baka maisip ko na kailangang magpunta ang isang tao sa Palmyra para makatanggap ng patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith. Alam ko na ngayon na maaari itong dumating sa kahit saang lugar. Hindi mo na kailangang magpunta sa Jerusalem upang makatanggap ng patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo. Ang patotoong iyan ay maaaring dumating sa sinumang pangkaraniwang tao, saanman siya naroon, dahil kilalang-kilala ng ating Ama sa Langit at ng Espiritu Santo ang bawat isa sa atin. Alam Nila kung nasaan tayo at kung paano tayo hahanapin. At hindi Nila kailangan ng visa. Sa katunayan, kilala Nila ang lahat ng tao sa buong mundo! Kilalang-kilala Nila.
Ipinapangako ko sa inyo, mga kabataan, na kung mananatili kayong tapat at magtatanong, ibibigay ng Panginoon ang gayon ding sagot, ang gayon ding patotoo, ang gayon ding pagpapatibay na ibinigay Niya sa akin, dahil alam kong mahal Niya kayong lahat tulad ng pagmamahal Niya sa akin o kay Pangulong Thomas S. Monson o sa sinuman sa Kanyang mga anak.
Ang pagmamahal ng Diyos ay para sa lahat, at ito ay walang hanggan. Alam niya kung paano makikipag-usap sa bawat tao. Alam Niya kung nasaan kayo at kung paano aantigin ang inyong puso at espiritu sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Huwag tumigil sa pagdarasal. Huwag tumigil sa pagtatanong. Huwag tumigil sa pagsunod sa mga kautusan. Darating ang panahon, kung hindi pa nangyari iyon, na matatanggap ninyo ang malakas na patotoong ito. At ito ay hindi lang minsan. Sa halip, sa awa ng Panginoon, darating ito nang paulit-ulit sa buong buhay ninyo.
Patuloy na Tumatanggap ng Patotoo
Ganyan ang nangyari sa akin. Noong nagmisyon ako sa Tucumán, Argentina, may tinuturuan akong isang pamilya at nagpatotoo ako tungkol sa Unang Pangitain ni Propetang Joseph Smith. Hindi ito pinaniwalaan ng pamilya. Gayunpaman, nang magpatotoo ako, nakatanggap ako ng isa pang pagpapatibay sa aking patotoo. Sinabi ng Espiritu, “Totoo ang sinabi mong patotoo.” Siya ay nagpapatotoo sa akin tungkol sa aking patotoo.
Sa buong buhay ninyo paulit-ulit kayong makatatanggap ng katunayan na may Diyos, na Siya ang ating Ama sa Langit, na Siya ay buhay, na tinawag Niya si Propetang Joseph Smith upang maglingkod bilang Propeta ng Panunumbalik, na ang Kanyang Anak ay buhay, at ang Kanyang biyaya ay sapat para mailigtas tayo, malinis tayo, at mapatawad tayong lahat. Dumarating ang patotoong iyan nang paulit-ulit sa buong buhay natin.
Alam ko ang mga bagay na ito. Ako ay natatanging saksi ng mga ito. Alam kong buhay ang ating Panginoon, na Siya ay literal na nabuhay na muli, na Siya ang gumagabay at pinuno ng Simbahang ito na nagtataglay ng Kanyang pangalan, na ito ay sa Kanya, at kayo ay Kanyang mga tupa.