2013
Pagkakaroon ng Kanlungan sa Ebanghelyo
Agosto 2013


Pagkakaroon ng Kanlungan sa Ebanghelyo

Ang mga miyembro sa Kenya ay kapansin-pansin habang ipinamumuhay nila ang ebanghelyo at lumilikha ng mga kanlungan mula sa mundo.

Sa populasyon na mahigit tatlong milyon, ang Nairobi, Kenya, ang lungsod na may pinakamaraming naninirahan sa East Africa. Ito ay mataong lugar na puno ng mga kotse, trak, at mutatus— mga van na nagsisilbing pribadong bus system—na humahagibis sa mga kalsada. Ito ay lungsod na puno ng mga railway, turismo, at industriya at kinaroroonan ng ikalawang pinakamatandang stock exchange sa kontinente.

Ngunit sa bandang timog, wala pang limang milya (7 km) mula sa pinakasentro ng kabiserang lungsod ng Kenya, ay naroon ang isang tahimik na nayon. Sa Nairobi National Park ang lupain ay protektado at ganoon pa rin ang hitsura nito makalipas ang daan-daang taon. Di-kalayuan sa nagtataasang gusali ng lungsod makikita ang mga giraffe, water buffalo, wildebeest, zebra, hippo, hartebeest, eland at rhino na pagala-gala at nanginginain. Ang mga leon ay natutulog sa ilalim ng mga punong acacia. Ang parke ang nagsisilbing kanlungan ng mga hayop mula sa kaabalahan ng sibilisasyon.

Sa buong Kenya ay may mas maliliit na iba pang uri ng mga santuwaryo. Ang mga miyembro ng Simbahan ay lumilikha ng mga kanlungan mula sa impluwensya ng mundo. Sa pamumuhay ng ebanghelyo, lumilikha sila ng mga banal na lugar na tatayuan (tingnan sa D at T 45:32; 87:8).

Pagkakaroon ng Lakas sa Pamamagitan ng mga Pinahahalagahan

Sinabi ni Opra Ouma na ang pag-alaala sa mga pinahahalagahan ng Young Women ay nagbibigay sa kanya ng lakas na ipamuhay ang ebanghelyo. “Kahit hindi ko kasama ang mga LDS young single adult, kapag ako ay nasa labas, maaari kong ipamuhay ang mga pinahahalagahan ng Young Women at manatili pa ring ligtas,” sabi niya.

Alam na ni Opra ang mga pinahahalagahang ito bago pa siya nabinyagan. Noong 17 anyos siya, nakita ni Opra ang mga misyonero sa kalye isang araw at inisip kung sino sila. Pinag-aralan niya ang ebanghelyo sa loob ng isang taon at nabinyagan nang siya ay mag-18 taong gulang. Pinalalakas ng komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanyang espirituwalidad.

“Kapag nasa simbahan ako kasama ang kapwa ko mga young single adult, nadarama kong ligtas ako, ngunit kapag nasa labas na ako, hindi ko dama na talagang ligtas ako dahil kadalasan ay ako lang ang Latter-day Saint sa grupo,” sabi niya. “Kung minsan mahirap dahil ang mga pamantayan ng mundo at ang mga pamantayan ng Simbahan ay talagang magkaiba.”

Paghawak sa Gabay na Bakal

Nakatulong ang pag-aaral ng banal na kasulatan kay Stephen Odhiambo Mayembe para mahanap ang mga sagot na sinabi niya na hindi kaya ng sarili natin na mahanap. “Sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, mahahanap natin ang mga sagot sa ilan sa mga problema natin sa ating araw-araw na buhay,” sabi niya. “At sa pag-aaral din ng mga banal na kasulatan, binibigyan tayo nito ng tapang na magtiis hanggang wakas dahil ang mga banal na kasulatan ay laging nariyan para turuan tayo at sabihin sa atin kung ano ang gagawin.”

Ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon ay nakatulong kay Stephen na magkaroon ng patotoo tungkol sa Simbahan. Sa pagbisita sa kanyang tiya na miyembro ng Simbahan, inanyayahan siya nito na pumunta sa simbahan. Nang simulan niyang basahin ang Aklat ni Mormon, nanalangin siya upang malaman kung totoo ito at nakatanggap siya ng sagot.

Sinasabi niya na ang regular na pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay tumutulong sa kanya na sundin ang mga pamantayan ng Simbahan kahit pinag-aalinlanganan ng mga nakapaligid sa kanya ang kanyang pinaniniwalaan. “Sa pagiging miyembro ng Simbahan, naging malakas ang aking pananampalataya, at dahil diyan masasabi kong hindi ako maaaring matinag [tingnan sa Jacob 7:5],” sabi niya.

Paghihintay sa Panginoon

Nalaman ni Sharon Poche na ang desisyon na maging kakaiba ang nagpapadali sa pamumuhay ng ebanghelyo. Siya ay tapat sa pagsunod sa mga kautusan, at iginagalang ng mga kaibigan niya ang desisyong iyan. Pinipili niyang huwag ilagay ang sarili sa mga situwasyon kung saan mahihirapan siyang mamuhay nang matwid.

“Kapag nagdesisyon ka na tumulay-tulay sa linyang iyan, sa napakanipis na linyang iyan, mahihirapan ka na dahil maaari kang bumagsak anumang oras,” sabi niya tungkol sa linya sa pagitan ng mabuti at masama.

Natagpuan ni Sharon ang Simbahan noong 14-na-taong-gulang siya nang magdesisyong magpabinyag ang kanyang ina. Nangailangan ng malaking pagsisikap sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon dahil si Sharon, na miyembro ng liping Nandi, ay nagsasalita ng Kalenjin bilang kanyang katutubong wika. Kahit nahirapan, sinimulan niyang pag-aralan ang Aklat ni Mormon sa wikang Ingles. “Nadama kong mabuti ito, at maganda ang pakiramdam ko, kaya nagpatuloy ako. Nagdasal ako hanggang sa malaman ko na ito ay totoo,” sabi niya.

Gusto ni Sharon na magpabinyag, ngunit ayaw pumayag ang kanyang ama. Kaya’t sa loob ng apat na taon, si Sharon ay nagsimba, dumalo sa seminary, at aktibidad ng mga kabataan habang hinihintay niya ang pagkakataong sumapi sa Simbahan.

Nang si Sharon ay mag-18 anyos na, nabinyagan siya at nakumpirma. Nag-aral siya sa kolehiyo at nag-aral ng psychology. Ikinasal siya kay Joseph Poche noong Pebrero 2013. Di nagtagal pagkatapos niyon, nagpunta sila sa Johannesburg South Africa Temple upang mabuklod. Sinabi niya na ang pag-aaral ng ebanghelyo ay tumutulong sa kanya na magtuon sa mahahalagang bagay sa mundo na madaling makagambala.

“Alam ko ang layunin ng buhay at kung bakit tayo narito sa lupa,” sabi niya. “Tinutulungan ako ng kaalamang iyan na magtuon sa mga bagay na pinakamahalaga.”

Nag-iibayong Lakas

Sa loob ng Nairobi National Park ay may kanlungan para sa mga itim na rhino. Sa pasilidad na ito pinalalaki ang hayop na ito na nanganganib nang maubos at inililipat sa ibang parke para makatulong sa pagpapanumbalik ng populasyon ng hayop, na patuloy na tinutugis at malapit nang maubos. Ito ay kilala bilang isa sa mga pinakamatagumpay at mahalagang santuwaryo sa Kenya.

Gayundin, ang ebanghelyo ay naglalaan ng santuwaryo kung saan ang mga miyembro ng Simbahan ay makakapunta, makatatanggap ng lakas, magkakaroon ng tapang na ipalaganap ang ebanghelyo, at makapagpapalakas ng pananampalataya.

Opra Ouma

Stephen Odhiambo Mayembe

Sina Joseph at Sharon Poche

Ibaba: Mga rhino na nanginginain sa Nairobi National Park.