Mga Tanong at mga Sagot
Paano ako “tatayo sa mga banal na lugar” kung napakarami namang kasamaan sa paligid ko, tulad sa paaralan?
Upang makapaghanda tayo para sa mahihirap na panahon, iniutos sa atin ng Panginoon na “[tumayo] sa mga banal na lugar” (D at T 45:32; tingnan din sa D at T 87:8). Upang magawa iyan, kailangang mamuhay tayo nang karapat-dapat at nasa atin ang Espiritu Santo. Tutulungan tayo ng Espiritu na madaig ang tukso at masasamang impluwensya. Narito ang ilang paraan para maanyayahan ang Espiritu sa iyong buhay:
-
Manalangin. Simulan ang araw mo sa pagdarasal, at lalong manalangin sa araw na naroon ka sa paaralan o ibang lugar na napaliligiran ng masasamang impluwensya.
-
Dumalo sa seminary at pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw. Ang pag-aaral ng mga doktrina na itinuturo sa mga banal na kasulatan ay tutulong sa iyo na mapuspos ka ng liwanag at katotohanan—“liwanag at katotohanan ay tinatalikdan yaong masama” (D at T 93:37).
-
Makibahagi sa sakramento bawat linggo. Kapag taimtim mong pinanibago ang iyong tipan na ipamuhay ang ebanghelyo, tatanggapin mo ang pangako ng Panginoon na mapapasaiyo ang Kanyang Espiritu.
-
Ipamuhay ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Tutulungan ka ng mga pamantayang ito na manindigan para sa kabanalan.
-
Manatiling malapit sa iyong mga magulang. Ang mga kabataan na may mabuting ugnayan sa kanilang mga magulang ay mas matatag sa mahihirap na sitwasyon.
Ang mga mungkahing ito ay magpapalakas sa iyong espirituwalidad. Tutulungan ka nito kapag naroon ka sa di-magandang sitwasyon na hindi maiiwasan, gaya sa paaralan. Ngunit pinakamaganda kung maiiwasan mo ang di-magagandang sitwasyon hangga’t maaari.
Piliin ang Mabuti, Iwasan ang Masama
Sinisikap kong iwasan ang mga lugar sa paaralan namin kung saan alam ko na doon karaniwang gumagawa ng mali ang ibang tao. Pinipili ko ring mabuti kung kanino ako tatabi sa upuan sa klase o sa oras ng tanghalian dahil nakakaapekto sila sa iniisip at ikinikilos ko. Pero kahit gaano pa tayo kaingat, paminsan-minsan ay nakakakita o nakaririnig tayo ng masasama. Kapag nangyayari ito sa akin, kaagad kong inaalis ang paningin ko rito at kumakanta ng himno sa aking isipan para umaliwalas ang aking pag-iisip. Nakatulong din sa akin ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pakikipag-usap sa mabubuting kaibigan. Hindi natin palaging mapipili ang ating kapaligiran, pero maaari nating piliin kung paano tayo tutugon sa mga ito.
Eliza A., edad 14, Utah, USA
Manatiling Mapitagan
Nalaman ko na maaari mong gawing banal ang mga lugar sa paligid mo, dahil ang mas mahalaga ay kung sino tayo kaysa kung saan tayo naroon. Maraming tukso sa paaralan, ngunit ang talagang mahalaga ay ang pagpipitagan sa Ama sa Langit at pagsisikap na taglayin mo ang pangalan ni Jesucristo. Sa ganitong paraan, magagawa mong banal na lugar para sa iyo ang inyong paaralan dahil maaalala mo ang Ama sa Langit at ang ating Tagapagligtas.
Elder Ojeda, edad 21, Colombia Bogotá North Mission
Manindigan sa Iyong Pananampalataya
Gawing banal ang lugar sa paligid mo. Palibutan ang iyong sarili ng mga kaibigan na nakasusunod sa mga pamantayan na nasa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ipaalam sa iba ang iyong mga pamantayan at hilingin sa kanila na tumigil sa di-magandang pag-uusap o patayin ang masasamang musika kapag naroon ka. Huwag matakot na manindigan sa iyong pananampalataya.
Thomas S., edad 15, Georgia, USA
Isipin ang Templo
Ang pinakabanal na lugar na naririto sa lupa ay ang templo. Ang pag-iisip tungkol dito ay tutulong sa iyo na gawin ang tama, anuman ang sitwasyon mo. Maaari ka ring maglagay ng isang retrato ng templo kung saan makikita mo ito; ito ay tutulong sa iyo na mas gumanda ang pakiramdam mo at magkaroon ng lakas na hindi tumalima sa mga di-mabubuting bagay na umiiral sa paaralan.
Angel T., edad 18, Ecuador
Hangarin ang Espiritu
Nakakahalubilo natin ang mga tao sa paaralan na iba sa ating mga pamantayan. Subalit, sa paggabay sa atin ng Espiritu Santo, mapipili natin ang tama at makapagpapakita ng mabuting halimbawa sa kanila. Mahalaga para sa atin na laging “[tumayo] sa mga banal na lugar” para madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit. Ang isang paraan para magawa iyan ay hilingin ang patnubay ng Espiritu Santo. Kapag pinili nating maparoon sa kapaligirang puno ng pagmamahal ng Diyos, magkakaroon ng malaking kagalakan sa ating puso, nalalamang nalulugod ang Ama sa Langit sa ating mga ginagawa.
Genzen N., edad 18, Zamboanga, Pilipinas
Huwag Makipagkompromiso
Ilang taon na ang nakararaan, ako ay isa sa iilang miyembro ng Simbahan sa klase ko sa paaralan. Iniisip ng mga tao na kakatwa ako dahil masigasig kong ipinamumuhay ang lahat ng mga pamantayan ng Simbahan. Kaya isang araw nagpasiya akong ikompromiso nang bahagya ang mga pamantayan ko. Nang gawin ko ito, napuna ko na mas napansin ako ng iba. Ngunit pagkaraan lamang ng ilang linggo, nakonsensya ako at bumaling sa Panginoon at nagsisi. Tinulungan Niya ako, at kinailangan kong gumawa ng maraming sakripisyo, ngunit ikinabuti ko naman ito! Talagang nakita ko ang mga pagpapala ng pamumuhay ng ebanghelyo sa paaralan. Nawalan ako ng mga kaibigan at hindi na pinansin, ngunit nirespeto ako at naging masaya ako.
Sutton K., edad 15, Texas, USA
Maging Matatag at Matapang
Dapat tayong maging matatag at matapang. Dapat nating piliin ang tama. Kung minsan ay napakahirap nito, pero kung gagawin natin iyan, magiging masaya tayo. Kapag hiniling ng mga tao na samahan natin sila sa pag-inom o paninigarilyo, kailangan nating maging matapang at magsabi ng hindi. Maipapaliwanag natin sa kanila na gusto nating piliin ang tama, kaya hindi natin ginagawa ang mga bagay na iyon.
Anastasia N., edad 20, Ivano Frankivsk, Ukraine