“Sapagkat masdan, ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain.”
Pag-isipang Mabuti: Bakit ang panahon o oras ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos?
Panoorin: “Ang Kaloob na Panahon” (Walang video? Basahin ang kasunod na pahina .)
Talakayin: Ano ang natutuhan mo mula kay Sister Benkosi?
Praktis: Narito ang limang step o hakbang na magagawa mo kada araw para mahusay na magamit ang iyong oras. Basahin ang bawat isa. Ginawa ba ni Sister Benkosi ang mga bagay na ito?
❶
Maglista ng mga Gagawin
Tuwing umaga, ilista ang mga gagawin. Idagdag ang mga pangalan ng mga taong paglilingkuran.
Manalangin na mapatnubayan. Makinig. Mangakong gagawin ang lahat ng iyong makakaya.
Lagyan ng numero ang una mong mga priyoridad. Lagyan ng “1” ang pinakamahalaga, lagyan ng “2” ang kasunod, hanggang matapos.
Makinig sa Espiritu. Magtakda ng mga mithiin. Magsikap nang husto. Magsimula sa pinakamahalagang gawain at isunod ang iba pa na nasa listahan.
Tuwing gabi, magreport sa Ama sa Langit sa panalangin. Magtanong. Makinig. Damhin ang Kanyang pagmamahal. Magsisi.
Magsimula Ngayon. Isulat sa workbook na ito o sa ibang papel. Gawin ang hakbang 1: Ilista ang iyong gagawin para bukas. Ang mga ito ay dapat mahahalagang gawain para sa iyong trabaho, sa iyong pag-aaral, o para sa simbahan o paglilingkod sa pamilya—hindi lang basta gawaing-bahay.
Gawin ang hakbang 2 at 3.
Kinabukasan, gawin ang hakbang 4 at 5.
Mangakong Gawin: Mangakong gawin ang mga sumusunod sa linggong ito. Lagyan ng tsek ang mga kahon kapag nakumpleto mo ang bawat gawain:
Ginagawa ang mga step o hakbang na ito sa araw-araw para magamit nang mas matalino ang iyong oras.
Itinuro ang alituntuning ito sa iyong pamilya.
Patuloy na ginagawa ang naunang foundation principle o saligang alituntunin.
“Ang panahon ang siya lamang puhunan dito sa lupa. … Kung gagamitin sa tamang paraan, magdudulot ito sa inyo ng dagdag na kaginhawahan, kaluwagan, at kasiyahan. Isaalang-alang natin ito, at huwag nang maupo na nakahalukipkip ang mga kamay, na nagsasayang ng oras.”
Brigham Young, sa Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe (1954), 214
Kapag may katanungan ang mga group member, tulungan na sila mismo ang makahanap ng sagot.
Kung hindi ninyo mapapanood ang video, i-assign sa mga group member ang mga role mula sa script at ipabasa ito.
KOFI: Hello, Sister Benkosi. Kumusta po kayo?
SISTER BENKOSI: Okey ka ba, Kofi?
KOFI: Naku, Sister Benkosi. Marami po akong ginagawa. Kailangan kong magtrabaho at paglingkuran at tulungan ang aking pamilya … at magpraktis ng football. Kulang talaga ang oras ko!
SISTER B.: Kofi, nasa iyo ang lahat ng oras.
KOFI: Ano po?
SISTER B.: Iho, binigyan tayo ng Diyos ng magandang regalo—ang ating panahon. Gugulin natin ito sa bagay na pinakamahalaga.
KOFI: Pero paano po, Sister Benkosi? Lagi kayong maraming nagagawa. Matagumpay po kayo sa inyong pamilya at negosyo. Naglingkod kayo at natulungan ang marami, gaya ko. Di ko alam kung paano n’yo ito nagawa.
SISTER B.: Gusto mo bang malaman? Kung mauupo ka at makikinig, sasabihin ko sa iyo ang sikreto ko.
Madaling araw ako gumigising. Nagbibihis ako at naghihilamos.
Nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan. Pagkatapos inililista ko ang gagawin ko sa araw na iyon.
Iniisip ko kung sino ang paglilingkuran ko. Nagdarasal ako para malaman ang kalooban ng Diyos. At nakikinig ako.
Kung minsan pumapasok sa isip ko ang mga pangalan o mukha ng mga tao. Idinadagdag ko sila sa listahan ko.
KOFI: Kaya ba lagi ninyong nalalaman kung sino ang paglilingkuran ninyo?
SISTER B.: Oo, Kofi. At nagdarasal ako na bigyan ako ng lakas at karunungan. Dalangin ko na ang Diyos ay “[ilalaan] ang [aking] pagganap.” Sinabi iyan sa 2 Nephi 32 .
Nagpapasalamat ako sa Kanya. Nangangako na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya. Nagpapatulong sa Kanya sa mga bagay na hindi ko kayang gawin.
Pagkatapos tinitingnan ko ang listahan ko. Nilalagyan ko ng “1” ang pinakamahalaga, at ng “2” ang kasunod.
KOFI: Paano ninyo nalalaman kung ano ang uunahin?
SISTER B.: Nakikinig ako kapag nagdarasal ako! Pagkatapos ay kumikilos ako. Tinitingnan ko ang number 1 at sinisikap na gawin muna ito, pagkatapos nito ay ang number 2.
Kung minsan may nababago. Sinasabi sa akin ng Espiritu Santo na iba ang gawin ko. Maganda iyon.
Nagpapakasipag ako, at panatag ako. Alam kong tutulungan ako ng Diyos.
Kaya, sa tulong ng listahan at ng Espiritu, nagagawa ko ang mahalaga, Kofi.
KOFI: Parang simple lang gawin pero mahirap din.
SISTER B.: Tama ka! Bago ako matulog, nagdarasal ako. Nagrereport ako sa Ama sa Langit. Sinasabi ko sa Kanya ang nangyari sa maghapon. Nagtatanong ako. Itinatanong ko kung ano pa ang mas mapagbubuti ko. Nakikinig ako. Madalas kong madama ang Kanyang pagmamahal. Alam ko na pinag-iibayo Niya ang mga nagawa ko. At napapanatag ako, Kofi, at natutulog na ako.
KOFI: Ayos ‘yan, Mamma Benkosi. Gusto ko ang kapanatagang iyan. Gusto kong gamitin ang aking oras. Gusto kong gumawa at maglingkod nang mas mabuti.
SISTER B.: Hindi mo gagawin ang mga bagay na hindi mahalaga, Kofi. Gagamitin mo ang iyong oras sa paggawa ng mahahalagang bagay. At pasasaiyo ang Diyos kung mabuti ang iyong hangarin.
KOFI: Salamat po.
SISTER B.: Sige na, iho. Marami ka pang gagawin!