Buod para sa Young Women
Layunin ng Pansariling Pag-unlad
Ang Pansariling Pag-unlad ay tutulungan kang mapalakas ang iyong pananampalataya at patotoo kay Jesucristo habang pinag-aaralan mo ang Kanyang mga turo at palagi itong ipinamumuhay. Tutulungan ka nitong patatagin kapwa ang pamilya mo ngayon at ang magiging pamilya mo sa hinaharap. Tutulungan ka nitong maghandang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan at tumanggap ng mga ordenansa sa templo. At ihahanda ka nitong maging tapat at nakakatulong na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang programa sa Pansariling Pag-unlad ay gumagamit ng walong pinahahalagahan ng Young Women upang tulungan kang higit na maunawaan kung sino ka, bakit ka narito sa lupa, at ano ang dapat mong gawin bilang anak ng Diyos upang mapaghandaan ang araw ng pagpunta mo sa templo para gumawa ng mga sagradong tipan. Tutulungan ka nitong maghanda para sa mga tungkulin mo sa hinaharap bilang tapat na babae, asawa, ina, at lider sa kaharian ng Diyos. Tinuturuan ka ng paglahok sa Pansariling Pag-unlad na gumawa ng mga tapat na pangako, isagawa ang mga ito, at iulat ang pag-unlad mo sa isang magulang o lider. Ang mga halimbawang ipinapakita mo habang ginagawa mo ang Pansariling Pag-unlad—tulad ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglilingkod, at pagsulat ng journal—ay makakagawian mo araw-araw. Ang mga gawing ito ay magpapalakas sa iyong patotoo at tutulungan kang matuto at magpakabuti habambuhay.
Mga Kailangang Gawin
Para makatapos sa programa sa Pansariling Pag-unlad, kailangan mong:
-
Dumalo nang regular sa sacrament meeting (kung saan maaari).
-
Ipamuhay ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.
-
Kumpletuhin ang mga karanasan at ang proyekto sa pinahahalagahan para sa bawat isa sa walong pinahahalagahan.
-
Sumulat ng sariling journal.
-
Dumalo sa seminary o lumahok sa programa sa sariling pag-aaral (kung saan mayroon).
-
Basahin nang regular ang Aklat ni Mormon.
-
Itala ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
Matapos gawin ang mga kailangang ito, maaari ka nang tumanggap ng Pagkilala sa Pagdadalaga matapos mainterbyu ng iyong bishop o branch president tungkol sa iyong pagkamarapat.
Pagsisimula
Masisimulan mong gawin ang programa sa Pansariling Pag-unlad sa edad na 12 o kapag nabinyagan ka na kung ikaw ay nasa pagitan ng mga edad 12 at 18. Maaari ding lumahok ang mga kabataang babaeng hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Sa pagsisimula mo, tatanggap ka ng kuwintas na may nakasabit na logo ng sulo ng Young Women. Ang pagsusuot ng kuwintas na ito ay pahiwatig ng iyong tapat na pangakong itaas ang iyong ilawan at manindigan sa katotohanan at kabutihan.
Magpatulong sa iyong mga magulang sa pagpaplano at pagkumpleto ng programa sa Pansariling Pag-unlad. Ang pagbabahagi ng mga karanasang ito ay magpapatibay sa kaugnayan mo sa kanila. Maaari ninyong gawin ng iyong ina o ng isa pang ulirang babae ang Pansariling Pag-unlad, at maaari ninyong kamtin nang magkasama ang inyong Pagkilala sa Pagdadalaga. Maaari mong iakma ang mga karanasan at proyekto sa sarili mong mga sitwasyon, kinawiwilihan, at pangangailangan kapag sinang-ayunan ng isang magulang, isang lider ng Young Women, o isa pang adult.
Ang Pansariling Pag-unlad ay maaaring maging bahagi ng mabubuting bagay na ginagawa mo sa tahanan, simbahan, paaralan, seminary, at komunidad. Gamitin ang indeks ng mga paksa sa likuran ng aklat na ito upang makita ang mga natatanging paksa na interesado ka at alamin kung paano magagamit ang mga ito bilang bahagi ng Pansariling Pag-unlad. Alalahaning purihin ang sarili mo sa lahat ng mabubuting bagay na ginagawa mo bawat araw. “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).
Mga Tagubilin
Kukumpletuhin mo ang anim na karanasan (tatlong kailangan at tatlong mapipiling gawin) at isang sampung-oras na proyekto sa bawat isa sa unang pitong pinahahalagahan ng Young Women. Para sa pinahahalagahang kabanalan, kukumpletuhin mo ang apat na karanasang kailangang gawin at ang proyektong kailangang gawin sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Makapagsisimula ka sa anumang pinahahalagahan at magagawa mo ito sa anumang pagkakasunud-sunod.
Kapag nakumpleto mo na ang isang karanasan o proyekto sa pinahahalagahan, repasuhin ito sa isang magulang, isang lider, o isa pang adult. Painisyalan sa taong iyon ang nakumpletong karanasan sa iyong aklat ng Pansariling Pag-unlad. Itala ang pag-unlad mo sa Talaan ng Pansariling Pag-unlad (tingnan sa pahina 77).
Mga Karanasan sa Pinahahalagahan
-
Inirerekomendang kumpletuhin mo ang mga karanasan sa isang pinahahalagahan na kailangang gawin bago ka tumuloy sa mga karanasang mapipiling gawin sa pinahahalagahang iyon.
-
Sa mga karanasan sa pinahahalagahan na mapipiling gawin, maaari mong isulat ang hanggang dalawang sarili mong mga karanasan sa bawat pinahahalagahan o iakma ang mga karanasang nakasulat doon para umakma sa personal mong mga kinawiwilihan, mithiin, o sitwasyon. Pasang-ayunan ang mga ito sa isang magulang, lider, o isa pang adult bago ka magsimula.
Mga Proyekto sa Pinahahalagahan
-
Kumpletuhin ang mga karanasan sa isang pinahahalagahan na kailangang gawin bago simulan ang proyekto sa pinahahalagahang iyon, maliban sa pinahahalagahang kabanalan. Masisimulan mong basahin ang Aklat ni Mormon kahit kailan.
-
Pasang-ayunan sa isang magulang, lider, o isa pang adult ang bawat proyekto sa pinahahalagahan bago ka magsimula.
-
Maaari kang magpatulong sa iba sa iyong mga proyekto sa pinahahalagahan, ngunit bawat proyekto ay dapat mong gugulan nang di kukulangin sa sampung oras ng sarili mong panahon.
Bilis sa Paggawa at Pagkilala
-
Maaari kang gumawa ayon sa sarili mong bilis, ngunit dapat ay lagi kang gumagawa ng kahit isang karanasan lang o proyekto. Inirerekomenda ang sumusunod:
-
Kumumpleto ng kahit isang karanasan lang sa isang buwan at isang proyekto tuwing ika-anim na buwan (dalawang proyekto sa isang taon).
-
Regular na dumalo sa sacrament meeting at lumahok sa seminary (kung saan maaari).
-
Makipagkausap sa isang miyembro ng iyong bishopric kahit minsan sa isang taon upang talakayin ang natapos mo sa Pansariling Pag-unlad, ang mga pagsisikap mong ipamuhay ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, at anumang iba pang gusto mong itanong.
-
-
Kapag nakumpleto na ang lahat ng karanasan at ang proyekto sa isang pinahahalagahan, kikilalanin ng lider mo ang natapos mo sa isang miting ng Young Women at bibigyan ka ng isang sagisag na ilalagay sa iyong pahina ng Nagawa sa Pinahahalagahan sa Pansariling Pag-unlad sa aklat na ito (tingnan sa pahina 78) at isang ribbon na ilalagay sa iyong mga banal na kasulatan.
-
Magkakaroon ka ng pagkakataong ibahagi ang iyong mga nagawa sa Pansariling Pag-unlad taun-taon sa Mahuhusay na Kabataang Babae.
-
Ang tagumpay mo sa Pansariling Pag-unlad ay maaari ding kilalanin kapag tinanggap mo ang iyong mga sertipiko sa Beehive, Mia Maid, at Laurel paglipat mo ng klase.
Pagkumpleto sa Pansariling Pag-unlad
-
Kapag nakumpleto mo na ang lahat ng karanasan at proyekto sa pinahahalagahan sa Pansariling Pag-unlad, itala ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo sa pahina 79. Repasuhin ang bahaging “Pagkilala sa Pagdadalaga” ng aklat na ito sa isang magulang, isang lider, o isa pang adult (pahina 76). Pagkatapos ay magpa-iskedyul ng interbyu sa bishop mo upang malagdaan niya ang rekomendasyon sa pahina 82 at maisaayos ang pagbibigay ng iyong sertipiko at medalyon sa Pagkilala sa Pagdadalaga.
-
Inirerekomendang gawin mo ang iyong Pansariling Pag-unlad habang nasa Young Women ka, kahit matapos mong makamtan ang Pagkilala sa Pagdadalaga. Ang mga mungkahi kung paano magpatuloy sa pag-unlad ay nasa bahaging “Ano ang Gagawin Ko Kapag Nakumpleto Ko Na ang Pansariling Pag-unlad?” (pahina 83). Repasuhin ito sa isang magulang, lider, o isa pang adult. Maaari mong piliing magkamit ng Honor Bee charm na isasabit sa kuwintas mo kasama ng iyong medalyon, o masisimulan mong muli ang buong programa. Hinihikayat ka ring tulungan ang ibang mga kabataang babae sa kanilang Pansariling Pag-unlad. Sa pagpapatuloy mo sa pag-unlad, mananatili ka sa landas patungo sa templo at magtataglay ng mga katangiang makakatulong sa iyo habambuhay.