Pagpili at Pananagutan
Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; … nguni’t sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon (Josue 24:15).
Pipiliin ko ang mabuti sa halip na masama at tatanggapin ang pananagutan sa aking mga pagpili.
Mga Karanasan sa Pinahahalagahan na Kailangang Gawin
Kumpletuhin ang sumusunod na tatlong karanasan sa pinahahalagahan na kailangang gawin. Palagdaan at palagyan ng petsa sa iyong magulang o lider ang bawat karanasang natapos mo.
-
Ang isang anak na babae ng Diyos ay makagagawa ng matatalinong desisyon at makalulutas ng mga problema. Basahin ang 1 Nephi 15:8; 2 Nephi 32:3; Alma 34:19–27; Eter 2–3; at Doktrina at mga Tipan 9:7–9. Magkaroon ng regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at panalangin upang tumanggap ng tulong sa paggawa ng mga personal na desisyon tulad ng pagpili ng mabubuting kaibigan, kabaitan sa iba, paggising sa oras, o iba pang mga desisyon. Talakayin sa isang magulang o lider kung paano nakatulong sa iyo ang regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at panalangin sa paggawa ng mga tamang desisyon.
-
Basahin ang polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ilista sa iyong journal ang bawat pamantayan ng mabuting asal na nakabalangkas sa polyeto, at itala kung bakit mahalagang piliin na ipamuhay ang mga pamantayang iyon. Kagawiang ipamuhay ang mabubuting pamantayan sa pamamagitan ng pagpili ng tatlong pamantayang kailangan mo pang pagbutihin. Maaari mong ipasiyang maging mas mapili tungkol sa telebisyon, musika, mga aklat, o iba pang media, o maaari mo pang pagbutihin ang iyong kadisentehan, pananalita, o katapatan. Pagkaraan ng tatlong linggo ibahagi ang pag-unlad mo sa iyong pamilya, klase, o lider.
-
Ang kalayaan, o ang kakayahang pumili, ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak. Magbasa tungkol sa kalayaan sa Josue 24:15; 2 Nephi 2; at Doktrina at mga Tipan 82:2–10. Kasama ang isang magulang o lider, talakayin ang mga pagpapala at responsibilidad ng kalayaan. Itala sa iyong journal ang pagkaunawa mo sa kalayaan at mga ibubunga ng iyong mga pasiya at kilos.
Mga Karagdagang Karanasan sa Pinahahalagahan
Kumumpleto ng tatlong karagdagang karanasan sa pinahahalagahan. Maaari kang pumili sa sumusunod na mga opsyon o sumulat ng hanggang dalawa na sariling iyo. Kailangang sang-ayunan ng iyong magulang o lider ang mga isinulat mo mismo bago ka magsimula. Palagdaan at palagyan ng petsa sa iyong magulang o lider ang bawat karanasang natapos mo.
-
Magbasa tungkol sa pagsisisi sa Isaias 1:18; Alma 26:22; 34:30–35; Moroni 8:25–26; at Doktrina at mga Tipan 19:15–20; 58:42–43. Itala sa iyong journal kung ano ang kahulugan sa iyo ng pagsisisi. Pag-aralan ang proseso ng pagsisisi, manalangin para sa patnubay, at ipamuhay ang mga alituntunin ng pagsisisi.
-
Tutulungan ka ng Espiritu Santo na gumawa ng mga tamang pasiya. Kasama ang isang magulang, lider, o kaibigan, matuto pa tungkol sa Espiritu Santo sa pagbasa at pagtalakay ng Ezekiel 36:26–27; Juan 14:26; 16:13; Mga Taga Galacia 5:22–25; 2 Nephi 32:5; Moroni 10:4–5; at Doktrina at mga Tipan 11:12–14. Pagkatapos ay itala sa iyong journal kung paano makakatulong sa iyo ang Espiritu Santo sa paggawa ng mabubuting desisyon sa buhay araw-araw. Manalangin at mamuhay nang marapat para palagiang makasama ang Espiritu Santo.
-
Pag-aralan ang tema ng Young Women at ang itinuturo nito tungkol sa kung sino ka, ano ang kailangan mong gawin, at bakit mo ito kailangang gawin. Ilista sa iyong journal kung ano ang gagawin mo bawat araw tungkol sa kadisentehan, pakikipagdeyt, at media upang maging malinis ang moralidad at marapat na makapasok sa templo. Itala sa iyong journal kung paano ka mapapanatiling malaya at masaya ng mga pasiyang ito.
-
Ang paggawa ng mga pasiya ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa atin. Basahin ang Moises 4:1–4; 7:32; at 2 Nephi 9:51. Maging matalino sa paghawak ng pera sa pamamagitan ng pagbabadyet para sa pag-iimpok at paggastos ng pera mo, kasama na ang pagbabayad ng ikapu. Mamuhay ayon sa badyet kahit sa loob lang ng tatlong buwan. Magtakda ng mga priyoridad para matustusan ang mahahalagang pangangailangan mo bago bigyang-kasiyahan ang mga gusto mo. Itala sa iyong journal ang natutuhan mo at kung paano patuloy na pagpapalain ang buhay mo sa pagsunod sa mga halimbawang ito.
Mga Pansariling Karanasan sa Pinahahalagahan
Proyekto sa Pinahahalagahan
Matapos mong makumpleto ang anim na karanasan sa pinahahalagahan na nauugnay sa pagpili at pananagutan, lumikha ng isang proyektong tutulong sa iyo na magawa ang natutuhan mo. Dapat itong maging mahalagang pagsisikap na gugugulan ng di kukulangin sa sampung oras para makumpleto. Mapanalanging hilingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang makapili ng makabuluhang proyekto.
Pasang-ayunan ang proyekto sa iyong magulang o lider bago ka magsimula. Sumulat ng ebalwasyon kapag natapos ka na. Nasa ibaba ang ilang ideya para sa proyekto sa pinahahalagahan.
-
Gamit ang Para sa Lakas ng mga Kabataan at sa ilalim ng pamamahala ng iyong mga magulang o lider, bumuo ng o lumahok sa isang pangkatang talakayan, fashion show, o iba pang kaganapan para matulungan ka at ang iba pang mga kabataan na piliing ipamuhay ang mga pamantayan ng Panginoon.
-
Sa ilalim ng pamamahala ng iyong mga magulang o lider, tumulong na planuhin at pamahalaan ang isang sayawan ng mga kabataan o iba pang aktibidad na nagtatampok ng pagtuturo ng angkop na pagsasayaw at nakalulugod na musika, ilaw, at kapaligiran.
-
Suriin ang paggamit mo ng media at teknolohiya. Lumikha at magpatupad ng isang plano upang hindi makapasok ang di-angkop na media sa iyong tahanan. Tiyakin na ang plano mo ay naghihikayat ng nakasisiyang paggamit ng telebisyon, pelikula, musika, computer, Internet, cell phone, at iba pang uri ng media sa tahanan. Ibahagi ang ideya mo sa iyong pamilya at sa iba.
-
Pag-aralan kung paano magbago at magsulsi ng damit habang iniaangkop mo ang mga damit mo sa mga pamantayan ng disenteng pananamit.
-
Piliing maging mas maayos sa iyong tahanan sa pamamagitan ng pagkumpleto ng isang proyekto sa paglilinis o pag-oorganisa. Itala sa iyong journal kung paano nakatulong ang paggawa nito sa ibang aspeto ng buhay mo.
Ang proyekto ko ay:
Ang plano ko para maisagawa ang aking proyekto ay:
Pagsang-ayon
Tinatayang petsa ng pagkumpleto
Ang ebalwasyon ko sa proyekto ay (isama kung ano ang nadama mo at paano naragdagan ang pagkaunawa mo sa pagpili at pananagutan):
Lagda ng magulang o lider
Petsa
Ginugol na oras