Pananampalataya
Ang pananampalataya ay hindi ang pagkakaroon ng ganap na kaalaman sa mga bagay; kaya nga, kung ikaw ay may pananampalataya, umaasa ka sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo (Alma 32:21).
Ako ay anak na babae ng Ama sa Langit, na nagmamahal sa akin. Sumasampalataya ako sa Kanyang walang hanggang plano, na nakatuon kay Jesucristo na aking Tagapagligtas.
Mga Karanasan sa Pinahahalagahan na Kailangang Gawin
Kumpletuhin ang sumusunod na tatlong karanasan sa pinahahalagahan na kailangang gawin. Palagdaan at palagyan ng petsa sa iyong magulang o lider ang bawat karanasang natapos mo.
-
Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Matuto tungkol sa pananampalataya mula sa mga banal na kasulatan at mga buhay na propeta. Basahin ang Sa Mga Hebreo 11; Alma 32:17–43; Eter 12:6–22; at Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–20. Magbasa ng dalawang mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa pananampalataya. Sumampalataya ka sa pamamagitan ng pagkakaroon ng gawing manalangin sa buhay mo. Magsimula sa regular mong pagdarasal sa umaga at gabi. Pagkaraan ng tatlong linggong pagsunod sa halimbawang nito, talakayin sa isang magulang o lider ang natutuhan mo tungkol sa pananampalataya at kung paano lumakas ang iyong pananampalataya sa araw-araw mong pagdarasal. Sa iyong journal ipahayag ang damdamin mo tungkol sa pananampalataya at panalangin.
-
Tuklasin ang mga alituntunin ng pananampalatayang itinuro ng mga ina ng mga kabataang mandirigma ni Helaman. Basahin ang Alma 56:45–48 at 57:21. Repasuhin ang sinasabi sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (tingnan sa pahina 101) tungkol sa tungkulin ng isang ina. Talakayin sa isang ina, lola, o lider ang mga katangiang kailangan ng isang babae para maituro sa mga bata na magkaroon ng pananampalataya at ibatay ang kanilang mga desisyon sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Paano makakatulong ang mga alituntuning ito sa buhay mo ngayon at sa paghahanda mong maging tapat na babae, asawa, at ina? Itala sa iyong journal ang mga naiisip at nadarama mo.
-
Kailangan ang pananampalataya para maipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Magbasa tungkol sa pananampalataya sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o sa Tapat sa Pananampalataya. Ang pananampalataya sa Tagapagligtas na si Jesucristo ay humahantong sa pagkilos. Pumili ng isang alituntunin tulad ng panalangin, ikapu, pag-aayuno, pagsisisi, o pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath. Sa sarili mong tahanan o iba pang lugar, magplano at magbigay ng aralin sa family home evening kung paano ka natutulungan ng pananampalataya na ipamuhay ang alituntuning iyon ng ebanghelyo. Kung maaari, magpabahagi sa isang kapamilya ng isang karanasang nagpalakas sa kanyang pananampalataya. Magbahagi ka rin ng sarili mong mga karanasan. Sa iyong journal isulat ang isa sa mga karanasang iyon at ilarawan ang damdamin mo tungkol sa pananampalataya.
Mga Karagdagang Karanasan sa Pinahahala.gahan
Kumumpleto ng tatlong karagdagang karanasan sa pinahahalagahan. Maaari kang pumili sa sumusunod na mga opsyon o sumulat ng hanggang dalawa na sariling iyo. Kailangang sang-ayunan ng iyong magulang o lider ang mga isinulat mo mismo bago ka magsimula. Palagdaan at palagyan ng petsa sa iyong magulang o lider ang bawat karanasang natapos mo.
-
Matuto pa tungkol sa sacrament. Magbasa tungkol sa Huling Hapunan sa Mateo 26:26–28; Marcos 14:22–24; at Lucas 22:17–20. Ugaliing magnilay-nilay sa oras ng sacrament sa pamamagitan ng pakikinig na mabuti sa himno at mga panalangin sa sacrament. Pag-isipan kung bakit tayo nakikibahagi sa tinapay at tubig. Pagkaraan ng tatlong linggong pagsunod sa halimbawang ito, isulat sa iyong journal ang ilan sa mga pangakong ginagawa mo habang nakikibahagi ka ng sacrament at inaalala ang iyong mga tipan sa binyag at ang ginagawa mo para matupad ang mga pangakong iyon. Itala sa iyong journal kung paano napalakas ng pagkaunawa mo sa mga pangakong ito ang pananampalataya mo sa Tagapagligtas.
-
Dagdagan ang pagkaunawa mo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa pagbasa ng Isaias 53:3–12; Juan 3:16–17; Mga Taga Roma 5; 2 Nephi 9:6–7, 21–26; Alma 7:11–13; 34:8–17; at Doktrina at mga Tipan 19:15–20. Sa iyong journal isulat ang damdamin mo tungkol sa Tagapagligtas at sa nagawa Niya para sa iyo. Ibahagi ang damdamin mo sa isang testimony meeting.
-
Dagdagan ang pagkaunawa mo sa plano ng kaligtasan. Kabilang sa pag-aaralang mga sanggunian ang I Mga Taga Corinto 15:22; Apocalipsis 12:7–9; 2 Nephi 9:1–28; 11:4–7; Doktrina at mga Tipan 76:50–113; 93:33–34; Moises 4:1–4; at Abraham 3:24–27. Magdrowing o kumuha ng isang larawang nagpapakita ng plano ng kaligtasan, kabilang na ang buhay bago tayo isinilang, pagsilang, buhay sa lupa, kamatayan, paghuhukom, at buhay matapos ang paghuhukom. Gamit ang larawang ito, ipaliwanag ang plano ng kaligtasan sa iyong klase, pamilya, o kaibigan. Talakayin kung paano naaapektuhan ng kaalaman tungkol sa plano ang mga kilos mo, paano ka nito tinutulungang unawain ang iyong pagkatao, at paano nito napapalakas ang iyong pananampalataya.
-
Iniutos sa atin ng Panginoon na magbayad ng ikapu. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 119 at Malakias 3:8–12. Yamang ang pagsunod sa batas ng ikapu ay katibayan ng iyong pananampalataya, magbayad ng buong ikapu. Pagkaraan ng tatlong buwan itala sa iyong journal kung paano nakatulong ang pagbabayad ng ikapu sa paglago ng iyong pananampalataya. Ilista ang mga pagpapala sa buhay mo, kapwa malaki at maliit, na dumating dahil sa pananampalataya mo sa alituntunin ng ikapu.
Mga Pansariling Karanasan sa Pinahahalagahan
Proyekto sa Pinahahalagahan
Matapos mong makumpleto ang anim na karanasan sa pinahahalagahan na nauugnay sa pananampalataya, lumikha ng isang proyektong tutulong sa iyo na magawa ang natutuhan mo. Dapat itong maging mahalagang pagsisikap na gugugulan ng di kukulangin sa sampung oras para makumpleto. Mapanalanging hilingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang makapili ng makabuluhang proyekto.
Pasang-ayunan ang proyekto sa iyong magulang o lider bago ka magsimula. Sumulat ng ebalwasyon kapag natapos ka na. Nasa ibaba ang ilang ideya para sa isang proyekto sa pinahahalagahan.
-
Isaulo ang “Ang Buhay na Cristo” (tingnan sa pahina 102). Habang ginagawa mo ito, isipin ang impluwensya ng Tagapagligtas sa buhay mo at kung paano naragdagan ang pananampalataya mo sa Kanya. Kagawiang sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas.
-
Basahin ang Alma 32:28–43. Isipin mong isang binhi ang pananampalataya habang tumutulong kang magtanim, mangalaga, at mag-ani sa isang gulayan. Itala sa iyong journal kung paano mo mapapayabong, mapapangalagaan, at mapapalakas ang iyong pananampalataya.
-
Kumuha ng klase sa family history sa iyong ward o branch. Mangalap ng mga kuwento ng iyong mga kamag-anak o iba pa na nagpamalas ng pananampalataya, o interbyuhin ang mga kapamilya o iba pa at itala ang kanilang mga kuwento.
-
Ilarawan ang pagpapala ng pananampalataya sa pagsulat ng isang orihinal na kuwento, tula, o kanta o pagkumpleto ng isang proyektong makasining na naglalarawan ng iyong pananampalataya kay Jesucristo.
Ang proyekto ko ay:
Ang plano ko para maisagawa ang aking proyekto ay:
Pagsang-ayon
Tinatayang petsa ng pagkumpleto
Ang ebalwasyon ko sa proyekto ay (isama kung ano ang nadama mo at paano naragdagan ang pagkaunawa mo sa pananampalataya):
Lagda ng magulang o lider
Petsa
Ginugol na oras