Kabanalan
Isang mabait na babae sinong makakasumpong? sapagka’t ang kaniyang halaga ay higit na makapupo kay sa mga rubi (Mga Kawikaan 31:10).
Maghahanda akong pumasok sa templo at mananatiling dalisay at karapat-dapat.
Ang aking kaisipan at mga kilos ay ibabatay sa matataas na pamantayan ng kagandahang-asal.
Mga Karanasan sa Pinahahalagahan na Kailangang Gawin
Kumpletuhin ang sumusunod na apat na karanasan sa pinahahalagahan na kailangang gawin. Palagdaan at palagyan ng petsa sa iyong magulang o lider ang bawat karanasang natapos mo.
-
Ang kabanalan ay daloy ng isipan at pag-uugali batay sa matataas na pamantayan ng kagandahang-asal. Kabilang dito ang kalinisang-puri at kadalisayan. Ang kapangyarihang lumikha ng mortal na buhay ay isang dakilang kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak. Iniutos Niya na gamitin lamang ang kapangyarihang ito sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, na ikinasal ayon sa batas bilang mag-asawa. Pag-aralan ang kahulugan at kahalagahan ng kalinisang-puri at kabanalan sa pagbasa ng Jacob 2:28; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (tingnan sa pahina 101); at ang bahagi tungkol sa kadalisayang seksuwal sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.Basahin din ang ika-labintatlong Saligan ng Pananampalataya at ang Mga Kawikaan 31:10–31. Sa iyong journal isulat ang ipinangakong mga pagpapala ng kalinisan at kadalisayang seksuwal at ng iyong tapat na pangakong maging malinis ang puri.
-
Sa pamamagitan ng banal na pamumuhay “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar,” magiging karapat-dapat kang laging makasama ang Espiritu Santo. Nang mabinyagan ka at makumpirma, ibinigay sa iyo ang kaloob na Espiritu Santo upang gumabay sa lahat ng aspeto ng iyong buhay. Yamang hindi nananahan ang Espiritu Santo sa maruruming tabernakulo, kailangan ang banal na pamumuhay para makasama ang Espiritu Santo at matanggap ang mga pagpapala ng mga ordenansa sa templo. Basahin ang sumusunod na mga reperensya sa banal na kasulatan at tukuyin ang mga ipinangakong pagpapala: Juan 14:26–27; 15:26; 2 Nephi 32:1–5; at Doktrina at mga Tipan 45:57–59; 88:3–4; 121:45–46. Sa iyong journal itala ang natutuhan mo, at isulat ang isang pagkakataon na nadama mo ang patnubay ng Espiritu Santo.
-
Maghandang maging karapat-dapat na pumasok sa templo at makibahagi sa mga ordenansa sa templo. Basahin ang Alma kabanata 5. Ilista ang mga itinatanong ni Alma. Sagutin ang mga tanong sa iyong sarili, at ilista ang mga bagay na magagawa at gagawin mo upang maihanda ang iyong sarili na maging dalisay at marapat na pumasok sa templo at tanggapin ang lahat ng pagpapalang ipinangako ng ating Ama sa Langit sa Kanyang minamahal na mga anak na babae.
-
Dahil mahal ka ng Tagapagligtas at ibinigay ang Kanyang buhay para sa iyo, maaari kang magsisi. Ang pagsisisi ay pagsampalataya kay Jesucristo. Basahin ang Moroni 10:32–33, ang aklat ni Enos, at ang bahagi tungkol sa pagsisisi sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas maaaring mapatawad ang iyong mga kasalanan. Basahin ang mga panalangin sa sacrament sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79. Magpasiyang maging karapat-dapat na tumanggap ng sacrament linggu-linggo at punuin ang iyong buhay ng mga banal na gawaing magdudulot ng espirituwal na lakas. Sa paggawa mo nito, lalong lalakas ang kakayahan mong labanan ang tukso, sundin ang mga kautusan, at maging higit na katulad ni Jesucristo. Magpasiya kung ano ang maaari mong gawin araw-araw upang manatiling dalisay at karapat-dapat, at isulat sa iyong journal ang plano mo.
Proyekto sa Pinahahalagahan
Masisimulan mo kahit kailan ang proyektong ito sa pinahahalagahan na kailangang gawin.
Pinili ng Tagapagligtas na mamuhay nang banal. Sundin ang Kanyang payo na “matuto ka sa akin” (D at T 19:23) sa pamamagitan ng pagbabasa ng buong Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa iyong buhay at mga kalagayan. Habang nagbabasa, regular na itala sa iyong journal ang mga naiisip mo. Isulat ang halimbawa ng Tagapagligtas. Ano ang ginawa Niya at ng mga sumunod sa Kanya upang makapamuhay nang banal? Pagkatapos mong magbasa, itala ang iyong patotoo.
“Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat” (Joseph Smith, sa pambungad sa Aklat ni Mormon).
Ang Aking Patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon
“At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4).
Lagda ng magulang o lider
Petsa
Ginugol na oras