Mga Kabataan
Banal na Katangian


Banal na Katangian

Mak[i]bahagi kayo sa kabanalang mula sa Dios. … Sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman; at sa kaalaman ay ang pagpipigil; at sa pagpipigil ay ang pagtitiis; at sa pagtitiis ay ang kabanalan; at sa kabanalan ay ang mabuting kalooban sa kapatid; at sa mabuting kalooban sa kapatid ay ang pagibig (II Ni Pedro 1:4–7).

Ako ay nagmana ng mga banal na katangian, na pagsisikapan kong pagyamanin.

Mga Karanasan sa Pinahahalagahan na Kailangang Gawin

Kumpletuhin ang sumusunod na tatlong karanasan sa pinahahalagahan na kailangang gawin. Palagdaan at palagyan ng petsa sa iyong magulang o lider ang bawat karanasang natapos mo.

  1. Ano ang ilan sa mga banal na katangian ng isang anak na babae ng Diyos? Basahin ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (tingnan sa pahina 101); II Ni Pedro 1; Alma 7:23–24; at Doktrina at mga Tipan 121:45. Sa sarili mong mga salita, ilista ang mga banal na katangiang tinalakay sa nabasa mo. Pag-isipan kung paano mo matutuklasan at matataglay ang bawat isa sa mga katangiang ito. Itala sa iyong journal ang mga ideya mo.

  2. Bilang isang kabataang babae biniyayaan ka ng mga banal na katangian ng kahinhinan. Dagdagan ang pagkaunawa at pagpapahalaga mo sa pagiging babae. Basahin ang Mga Kawikaan 31:10–31 at dalawang mensahe tungkol sa pagiging babae mula sa isyu ng mga magasin ng Simbahan sa kumperensya. Repasuhin ang nakasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (tingnan sa pahina 101) tungkol sa pagiging asawa at ina. Pagkatapos ay tanungin ang iyong ina o isa pang inang hinahangaan mo kung ano sa palagay niya ang mahahalagang katangian ng pagiging isang ina. Ilista sa iyong journal ang mga katangian. Pagkatapos ay pumili ng isa sa mga katangiang iyon at sikaping taglayin ito. Pagkaraan ng dalawang linggo iulat ang tagumpay mo sa isang magulang o lider.

  3. Gawing mas masaya ang iyong tahanan. Sa loob ng dalawang linggo pagsumikapang patatagin ang pakikipag-ugnayan mo sa isang kapamilya sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal sa iyong mga kilos. Iwasang manghusga, mamintas, o magsalita ng masama, at masdan ang magagandang katangian ng kapamilyang iyon. Sumulat ng maiikling panghihikayat, ipagdasal ang kapamilyang ito, humanap ng mga paraan para makatulong, at sabihing mahal mo siya. Ibahagi ang iyong mga karanasan at mga banal na katangiang natuklasan mo sa kapamilyang iyon o sa isang magulang o lider.

Mga Karagdagang Karanasan sa Pinahahalagahan

Kumumpleto ng tatlong karagdagang karanasan sa pinahahalagahan. Maaari kang pumili sa sumusunod na mga opsyon o sumulat ng hanggang dalawa na sariling iyo. Kailangang sang-ayunan ng iyong magulang o lider ang mga isinulat mo mismo bago ka magsimula. Palagdaan at palagyan ng petsa sa iyong magulang o lider ang bawat karanasang natapos mo.

  1. Isaulo ang mga panalangin sa sacrament sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79. Sa oras ng sacrament, pakinggang mabuti ang mga panalangin at pag-isipan kung ano ang kahulugan ng taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Jesucristo at paano ito dapat makaapekto sa iyong mga kilos at pagpapasiya. Kagawiang tuparin ang iyong mga tipan sa binyag. Magsimula sa paggawa ng isang bagay bawat araw para malaman at mapagyaman pa ang iyong mga banal na katangian at matulungan ka na laging alalahanin ang Panginoong Jesucristo. Pagkaraan ng dalawang linggo itala sa iyong journal ang karanasan mo.

  2. Ang pagsunod ay isang katangian ng Tagapagligtas. Sikaping maging mas masunurin sa iyong mga magulang. Basahin ang Lucas 2:40–51 at Juan 6:38. Ugaliing sumunod habang pinagsusumikapan mong tratuhin nang may paggalang at kabaitan ang iyong mga magulang at gawin ang iniuutos nila sa iyo nang hindi ka na pinaaalalahanan pa. Pagkaraan ng dalawang linggo itala sa iyong journal kung paano ka naganyak ng pagiging mas masunurin na naising patuloy itong gawin at paano ito nakatulong sa iyo na maunawaan ang iyong banal na katangian at ang mga banal na tungkulin ng mga ina at ama.

  3. Pagyamanin ang iyong mga banal na katangian. Basahin ang Mateo 5:9; Juan 15:12; Mga Taga Galacia 5:22–23; Mga Taga Colosas 3:12–17; I Ni Juan 4:21; at Moroni 7:44–48. Isaulo ang paborito mong talata mula sa isa sa mga talatang ito. Tukuyin ang mga banal na katangiang binanggit sa lahat ng banal na kasulatang ito at ilista sa iyong journal ang mga ito. Pumili ng isang katangian, at pagsumikapang gawin itong bahagi ng buhay mo araw-araw sa loob ng dalawang linggo. Itala sa iyong journal ang pag-unlad at mga karanasan mo.

  4. Alamin ang kahulugan ng salitang tagapamayapa. Pagkatapos ay hanapin at basahin ang limang banal na kasulatang nagtuturo tungkol sa mga tagapamayapa. Maging halimbawa ng isang tagapamayapa sa iyong tahanan at sa paaralan sa pag-iwas na mamintas, magreklamo, o magsalita ng masama sa o tungkol sa ibang tao. Manalangin sa Ama sa Langit tuwing umaga at gabi na tulungan kang magawa ito. Pagkaraan ng dalawang linggo isulat sa iyong journal kung anong mga bagong gawi ang nais mong taglayin, paano naging bahagi ng iyong banal na katangian ang pagiging tagapamayapa, at paano ka patuloy na magiging tagapamayapa.

Mga Pansariling Karanasan sa Pinahahalagahan

Proyekto sa Pinahahalagahan

Matapos mong makumpleto ang anim na karanasan sa pinahahalagahan na nauugnay sa banal na katangian, lumikha ng isang proyektong tutulong sa iyo na magawa ang natutuhan mo. Dapat itong maging mahalagang pagsisikap na gugugulan ng di kukulangin sa sampung oras para makumpleto. Mapanalanging hilingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang makapili ng makabuluhang proyekto.

Pasang-ayunan ang proyekto sa iyong magulang o lider bago ka magsimula. Sumulat ng ebalwasyon kapag natapos ka na. Nasa ibaba ang ilang ideya para sa proyekto sa pinahahalagahan.

  • Matuto ng isang kasanayang magagamit mo sa magiging tahanan mo sa hinaharap, tulad ng pagluluto, pananahi, pagkukumpuni, pag-aayos, o pagdidisenyo. Ituro ang kasanayang iyon sa isang tao, at ipaliwanag kung paano naging isa sa mga banal na tungkulin mo ang pagtatayo ng isang bahay ng kaayusan (tingnan sa D at T 109:8).

  • Para sa pangmatagalan, maglingkod sa isang taong nangangailangan, tulad ng isang bagong panganak, isang taong may kapansanan, o isang matanda. Itala sa iyong journal kung paano nakatulong sa iyo ang paglilingkod mo para malaman ang banal na katangian mo at ng iba.

  • Ilista ang mga banal na katangian at tungkulin ng kababaihan ayon sa itinuro sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (tingnan sa pahina 101), at magsagawa ng isang proyektong nakakatulong sa iyo na matuto pa tungkol sa isa sa mga tungkuling iyon.

  • Gamit ang makasining na kaalaman o handicraft na natutuhan mo, gumawa ng isang bagay para sa tahanan mo sa ngayon o sa hinaharap. Itala sa iyong journal kung paano naging bahagi ng banal na katangian mo ang pagiging malikhain at paano napagpala ang iba sa pagbabahagi ng iyong pagkamalikhain.

  • Ang pakikipagtulungan sa iba nang may pagkakasundo ay isang banal na katangian (tingnan sa D at T 38:27). Magsagawa ng isang proyektong magtataguyod ng pagkakaisa sa iyong mga kamag-anak, paaralan, o komunidad. Itala sa iyong journal kung paano ka makakagawa ng kaibhan kapag nakipagtulungan ka sa iba nang may pagkakaisa.

Ang proyekto ko ay:

Ang plano ko para maisagawa ang aking proyekto ay:

Pagsang-ayon

Tinatayang petsa ng pagkumpleto

Ang ebalwasyon ko sa proyekto ay (isama kung ano ang nadama mo at paano naragdagan ang pagkaunawa mo sa banal na katangian):

Lagda ng magulang o lider

Petsa

Ginugol na oras