Mga Banal na Kasulatan
Abraham 1


Ang Aklat ni Abraham

Isinalin mula sa Papyrus, ni Joseph Smith

Isang pagsasalin ng ilang sinaunang Talaan, na napasaaming mga kamay mula sa mga katakumba ng Egipto—Ang mga isinulat ni Abraham habang siya ay nasa Egipto, tinawag na Aklat ni Abraham, isinulat ng kanyang sariling kamay, sa papyrus. (History of the Church, 2:235–236, 348–351.)

Kabanata 1

Hinangad ni Abraham ang mga pagpapala ng orden ng patriyarka—Siya ay inusig ng mga huwad na saserdote sa Caldeo—Si Jehova ang nagligtas sa kanya—Mga pinagmulan at pamahalaan ng Egipto ay ginunita.

1 Sa lupain ng mga taga-Caldeo, sa tirahan ng aking mga ama, ako, si Abraham, ay napagtantong kinakailangan para sa akin na makakuha ng ibang lugar na matitirahan;

2 At, nalalamang may higit na kaligayahan at kapayapaan at katiwasayan para sa akin, aking hinangad ang mga pagpapala ng mga ama, at ang karapatan kung saan ako ay nararapat maordenan upang pangasiwaan ang gayon din; na ako ay naging isang tagasunod ng kabutihan, naghahangad din na maging isang tao na nagtataglay ng maraming kaalaman, at maging isang higit na dakilang tagasunod ng kabutihan, at magtaglay ng higit na kaalaman, at maging isang ama ng maraming bansa, isang prinsipe ng kapayapaan, at naghahangad na makatanggap ng mga tagubilin, at masunod ang mga kautusan ng Diyos, ako ay naging karapat-dapat na tagapagmana, isang Mataas na Saserdote, humahawak ng karapatan na pag-aari ng mga ama.

3 Ito ay iginawad sa akin mula sa mga ama; ito ay ipinasa-pasa mula sa mga ama, mula sa simula ng panahon, oo, maging mula sa simula, o bago pa ang pagkakatatag ng mundo, hanggang sa kasalukuyang panahon, maging ang karapatan ng panganay, o ng unang tao, na si Adan, o unang ama, sa pamamagitan ng mga ama patungo sa akin.

4 Hinangad ko ang aking pagkahirang sa Pagkasaserdote alinsunod sa pagkahirang ng Diyos sa mga ama hinggil sa mga binhi.

5 Ang aking mga ama, na tumalikod sa kanilang kabutihan, at sa mga banal na kautusang ibinigay ng Panginoon nilang Diyos sa kanila, tungo sa pagsamba sa mga diyos ng pagano, ay lubusang tumangging makinig sa aking tinig;

6 Sapagkat ang kanilang mga puso ay nakahandang gumawa ng masama, at mga lubusang bumaling sa diyos ni Elkenah, at sa diyos ni Libnah, at sa diyos ni Mahmackrah, at sa diyos ni Korash, at sa diyos ni Faraon, na hari ng Egipto;

7 Anupa’t ibinaling nila ang kanilang mga puso sa paghahain ng mga pagano sa pag-aalay ng kanilang mga anak sa mga piping diyus-diyusang ito, at hindi nakinig sa aking tinig, sa halip ay nagsumikap na kitlin ang aking buhay sa pamamagitan ng kamay ng saserdote ni Elkenah. Ang saserdote ni Elkenah ay siya ring saserdote ni Faraon.

8 Ngayon, sa panahong ito ay nakaugalian ng saserdote ni Faraon, na hari ng Egipto, na mag-alay sa ibabaw ng dambanang itinayo sa lupain ng Caldeo, para sa pag-aalay sa mga kakatwang diyos na ito, ng mga lalaki, babae, at bata.

9 At ito ay nangyari na ang saserdote ay gumawa ng pag-aalay sa diyos ni Faraon, at gayon din sa diyos ni Shagreil, maging alinsunod sa pamamaraan ng mga taga-Egipto. Ngayon, ang diyos ni Shagreil ang araw.

10 Maging ang alay ng pasasalamat ng isang bata ay ginawang ialay ng saserdote ni Faraon sa ibabaw ng dambana na nakatayo sa burol na tinatawag na Burol ni Potiphar, sa ulunan ng kapatagan ng Olishem.

11 Ngayon, ang saserdoteng ito ay nag-alay sa ibabaw ng dambanang ito ng tatlong dalaga sa isang pagkakataon, na mga anak na babae ni Onitah, isa sa mga maharlikang angkan na tuwirang galing sa balakang ni Ham. Ang mga dalagang ito ay inialay dahil sa kanilang kalinisan; ayaw nilang yumukod upang sambahin ang mga diyos na kahoy o ng bato, kaya nga, sila ay pinatay sa ibabaw ng dambanang ito, at ito ay ginawa alinsunod sa pamamaraan ng mga taga-Egipto.

12 At ito ay nangyari na ang mga saserdote ay marahas na sinunggaban ako, upang kanila ring mapatay ako, gaya ng kanilang ginawa sa mga dalagang yaon sa ibabaw ng dambanang ito; at upang kayo ay magkaroon ng kaalaman tungkol sa dambanang ito, akin kayong isasangguni sa mga paglalarawan sa simula ng talaang ito.

13 Ito ay ginawa alinsunod sa hugis ng isang higaan, gaya ng mga nasa mga taga-Caldeo, at ito ay nakatayo sa harapan ng mga diyos nina Elkenah, Libnah, Mahmackrah, Korash, at isa ring diyos na tulad nang yaong kay Faraon, na hari ng Egipto.

14 Upang kayo ay magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga diyos na ito, binigyan ko kayo ng anyo ng mga ito sa mga guhit sa simula, kung aling uri ng mga pagkakaguhit ay tinawag ng mga taga-Caldeo na Rahleenos, na nangangahulugang hiroglipiko.

15 At nang kanilang sunggaban ako ng kanilang mga kamay, upang kanilang maihandog ako at kitlin ang aking buhay, masdan, ipinaabot ko ang aking tinig sa Panginoon kong Diyos, at narinig ng Panginoon at pinakinggan, at kanyang pinuspos ako ng pangitain ng Pinakamakapangyarihan, at ang anghel sa kanyang kinaroroonan ay tumayo sa aking tabi, at kaagad na kinalag ang aking mga gapos;

16 At ang kanyang tinig ay aking narinig: Abraham, Abraham, masdan, ang aking pangalan ay Jehova, at narinig kita, at bumaba upang iligtas ka, at upang ilayo ka sa bahay ng iyong ama, at sa lahat ng iyong kaanak, sa isang di kilalang lupain na hindi mo nalalaman;

17 At ito ay dahil sa inilayo nila ang kanilang mga puso sa akin, upang sambahin ang diyos ni Elkenah, at ang diyos ni Libnah, at ang diyos ni Mahmackrah, at ang diyos ni Korash, at ang diyos ni Faraon, na hari ng Egipto; kaya nga, ako ay bumaba upang dalawin sila, at upang wasakin siya na nagbuhat ng kanyang kamay laban sa iyo, Abraham, aking anak, upang kitlin ang iyong buhay.

18 Masdan, akin kitang aakayin ng aking kamay, at akin kitang ipagsasama, upang ibigay sa iyo ang aking pangalan, maging ang Pagkasaserdote ng iyong ama, at ang aking kapangyarihan ay mapapasaiyo.

19 At gaya ng nangyari kay Noe ay gayon din ang mangyayari sa iyo; subalit sa pamamagitan ng iyong pangangaral, ang aking pangalan ay makikilala sa mundo magpakailanman, sapagkat ako ang iyong Diyos.

20 Masdan, ang Burol ni Potiphar ay nasa lupain ng Ur, ng Caldeo. At winasak ng Panginoon ang dambana ni Elkenah, at ng mga diyos ng lupain, at lubusang winasak ang mga ito, at pinarusahan ang saserdote kung kaya’t siya ay namatay; at nagkaroon ng labis na pagdadalamhati sa Caldeo, at gayon din sa hukuman ni Faraon; kung aling Faraon ay nangangahulugang hari sa pamamagitan ng dugong maharlika.

21 Ngayon, itong hari ng Egipto ay isang inapo mula sa balakang ni Ham, at naging kasalo ng dugo ng mga Cananita sa pamamagitan ng pagsilang.

22 Mula sa angkang ito ang lahat ng taga-Egipto, at sa gayon, ang dugo ng mga Cananita ay napanatili sa lupain.

23 Ang lupain ng Egipto na unang natuklasan ng isang babae, na anak na babae ni Ham, at anak na babae ni Egiptus, na sa mga Caldeo ay nangangahulugang Egipto, na ang kahulugan ay yaong ipinagbabawal;

24 Nang matuklasan ng babaing ito ang lupain, ito ay nasa ilalim ng tubig, na pagkatapos ay dito itinira ang kanyang mga anak na lalaki; at sa gayon, mula kay Ham, ay nagmula ang angkan na nagpanatili ng sumpa sa lupain.

25 Ngayon, ang unang pamahalaan ng Egipto ay itinatag ni Faraon, ang panganay na anak na lalaki ni Egiptus, na anak na babae ni Ham, at ito ay alinsunod sa pamamaraan ng pamahalaan ni Ham, na patriyarka.

26 Si Faraon, na isang mabuting tao, ay itinatag ang kanyang kaharian at hinatulan ang kanyang mga tao nang buong talino at buong katarungan sa lahat ng kanyang mga araw, labis na naghahangad na matularan yaong orden na naitatag ng mga ama sa mga naunang salinlahi, sa mga araw ng unang patriyarka na pamamahala, maging sa pamamahala ni Adan, at gayon din ni Noe, na kanyang ama, na nagbasbas sa kanya ng mga pagpapala ng lupa, at ng mga pagpapala ng karunungan, subalit isinumpa siya nang nauukol sa Pagkasaserdote.

27 Ngayon, si Faraon na nabibilang sa lahing yaon na kung saan siya ay hindi maaaring magkaroon ng karapatan sa Pagkasaserdote, sa kabila ng pag-angkin ng mga Faraon dito na mula kay Noe, sa pamamagitan ni Ham, samakatwid, ang aking ama ay naakay nila palayo ng kanilang pagsamba sa mga diyus-diyusan;

28 Subalit ako ay magsisikap, mula ngayon, na maisalaysay ang pagkakasunud-sunod magmula sa aking sarili hanggang sa simula ng paglikha, sapagkat ang mga talaan ay napasaaking mga kamay, na aking iniingatan hanggang sa kasalukuyang panahong ito.

29 Ngayon, matapos na ang saserdote ni Elkenah ay naparusahan kung kaya’t siya ay namatay, nagkaroon ng katuparan ang mga bagay na yaon na sinabi sa akin hinggil sa lupain ng Caldeo, na magkakaroon ng isang taggutom sa lupain.

30 Kung kaya isang taggutom ang namayani sa lahat ng dako sa buong lupain ng Caldeo, at ang aking ama ay labis na nagdusa dahil sa taggutom, at pinagsisihan niya ang kasamaang kanyang itinakda laban sa akin, ang kitlin ang aking buhay.

31 Subalit ang mga talaan ng mga ama, maging ng mga patriyarka, hinggil sa karapatan sa Pagkasaserdote, ay iningatan ng Panginoon kong Diyos sa aking sariling mga kamay; kaya nga, isang kaalaman sa simula ng paglikha, at gayon din ng mga planeta, at ng mga bituin, gaya ng ipinaalam sa mga ama, ay iniingatan ko maging hanggang sa panahong ito, at sisikapin kong maisulat ang ilan sa bagay na ito sa talaang ito, para sa kapakinabangan ng aking mga angkan na susunod sa akin.