“Mga Himno sa Pasko sa Iba’t ibang Panig ng Mundo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2021.
Mga Himno sa Pasko sa Iba’t ibang Panig ng Mundo
Ibinahagi ng apat na kabataan ang paborito nilang mga himno sa Pasko.
Ang Pasko ay ipinagdiriwang sa iba’t ibang paraan sa buong mundo, at kadalasa’y magkakaiba rin ang mga himno sa Pasko. Pero anumang mga awitin ang kantahin ninyo, iniuugnay tayo ng mga mensahe ng mga himnong ito sa isa’t isa—at kay Jesucristo. Narito ang isang sulyap sa gustong sabihin ng apat na kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo kung paano sila tinutulungan ng kanilang mga himno sa Pasko na mas mapalapit sa Tagapagligtas.
“Kay Tahimik ng Paligid!”
Gustung-gusto ni Kasen L., 14, mula sa Auckland, New Zealand, ang kapayapaang nagmumula sa pagkanta ng mga himno sa Pasko. “Ang isa sa mga paborito kong himnong kinakanta namin sa New Zealand ay ang ‘Kay Tahimik ng Paligid.’ Bilang isang pamilya at sa Primary, natutuhan namin ito sa Samoan, Maori, Tongan, at iba pang mga wika ng Pasipiko. Naghahatid ito ng kapayapaan sa maraming tao at ikinukuwento sa akin na ang gabing iyon kung kailan isinilang si Cristo ay Banal at na Siya ay aking Tagapagligtas.
“Ang Pamaskong musika ay nagpapaalala sa akin sa Tagapagligtas. Kapag nakikinig ako sa mga himno sa Pasko, nadarama ko ang Espiritu. Ipinadarama nito sa akin na mas malapit na ako nang isang hakbang sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.”
“O Magsaya, ’Sinilang na”
Si Lumiere S., 16, mula sa Montagnes, Côte d’Ivoire, ay nakasumpong ng kapayapaan sa pagkaalam na si Cristo ay muling paparito. Ang paborito niyang himno sa Pasko ay “O Magsaya.” “Lagi akong sumasaya dahil alam kong muling paparito ang ating Tagapagligtas. Ang paborito kong linya ay ang una: ‘O magsaya, ’sinilang na.’ Nakakaginhawa para sa akin ang malaman na Siya ay muling paparito at lilinisin ang mundo mula sa mga karumihan nito.”
“Magsindi ng Kandila”
Gustung-gusto ni Mina H., 16, mula sa Vestland, Norway, kung paano maghatid ng kagalakan ang mga himno sa Pasko.
“Marami akong gustong kantahing tradisyonal na himno tuwing Pasko. Ang isa sa mga ito ay tinatawag na ‘Deilig er jorden’ [‘Pinakamagandang Panginoong Jesus’; na kilala rin bilang ‘Beautiful Savior’ (tingnan sa Children’s Songbook, 62–63)]. Ang tradisyonal na mga himno ay talagang naghahatid ng kagalakan at masasayang damdamin ng Pasko.
“Napakaganda ng pagkakasulat ng tradisyonal na mga himno sa Pasko na iyon, sa isang paraang talagang makata, at masaya rin. Ang paborito kong bahagi ng awiting ‘Deilig er jorden’ ay kapag sinasabi roon na, ‘Kapayapaan sa lupa. Tao, magalak. Ngayo’y isang Tagapagligtas ang isinilang sa atin.’”
“Kaysaya ng Panahong Ito”
Nadarama ni Jairus C., 16, mula sa Bohol, Philippines, na espesyal ang mga himno sa Pasko dahil pinagkakaisa nito ang ating isipan sa Tagapagligtas. “Ang mga himno sa Pasko ay naghahatid ng kagalakan at alaala ng pagsilang ni Cristo sa mga tao. Ang mga titik ay malaking bahagi ng mga himno sa Pasko dahil ipinaaalala nito sa akin si Jesucristo—kung gaano kadakila Siyang halimbawa sa atin.”
Ang isang tradisyonal na himno sa Pasko ng Pilipino na gusto ni Jairus ay ang “Kasadya Ning Táknaa” [“Kaysaya ng Panahong Ito”]. “Ang awiting ito ay nagpapasigla sa mga tao,” sabi niya. “Masayang tugtugin ito, na pinagsasama-sama ang mga tao. Kung wala ang mga himno sa Pasko, hindi siguro magiging ganito ang galak ng Pasko, hindi ganito kasaya o kasigla. Mahalaga sa akin ang mga himno sa Pasko.”