“Pagbabahagi ng Regalo sa Pasko,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2021.
Pagbabahagi ng Regalo sa Pasko
Magmahal—Magbahagi—Mag-anyaya
Ang pagbabahagi ng kaloob na ebanghelyo ni Jesucristo sa normal at natural na mga paraan ay isa sa mga paraan na makakabahagi ka sa pinakadakilang gawain sa lupa.
Ang pagsilang, buhay, mga turo, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang pinakadakila sa lahat ng regalo sa Pasko. Ang Kanyang ebanghelyo ay naghahatid ng kagalakan sa mundo. Ang pagmamahal ninyo sa Diyos at sa iba1 ay naggaganyak na itanong sa inyong sarili ang, “Paano ko maibabahagi nang may galak ang kaloob na ito sa mundo?”
Pagpili mula sa Isang Menu
Nakapunta na ba kayo sa isang restawran kung saan hindi pamilyar ang ilan sa mga pagkaing nasa menu? Noong 2018, nagpunta kaming mag-asawa sa isang restawran sa Osaka, Japan. Maraming pagpipilian sa menu, na karamihan ay hindi pamilyar at kakaiba sa amin. Pinili ng isang tao sa grupo namin ang calamari (pusit). Pero ayaw ko ng calamari, kaya pumili ako ng iba. Lahat ay pumili ng ibang putahe mula sa menu. Natuwa kaming lahat sa pagkain namin dahil pumili ng putahe ang bawat isa sa amin na nakaakit sa amin.
Ang pagbabahagi ng kaloob na ebanghelyo ay maaaring katulad ng pagkain sa isang restawran. Maraming paraan para maibahagi ang ebanghelyo o maanyayahan ang iba na gumawa ng isang bagay na nagpapalakas ng pananampalataya kay Jesucristo.
Hindi kailangang gawin ng sinuman ang lahat.
Lahat ng handa ay may magagawa.
Hindi kailangang gawin ng sinuman ang anumang bagay na hindi nila pinili.
Hindi kayo kailangang kumain ng calamari maliban kung gusto ninyo ito. (Siyanga pala, nang matikman ko ang napakasarap na Japanese calamari, nagustuhan ko na ito.) Maaari ninyong piliing anyayahan ang iba na mag-aral tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo sa mga paraang komportable at natural para sa inyo, gamit ang sarili ninyong mga talento at kakayahan. Sa paglipas ng panahon makikita ninyo na dumarami ang mga bagay na komportable.
Ang Ibabahagi Ninyong Menu
Kaya, paano kayo magsisimula? Gumawa ng isang “menu” ng mga paraan na maibabahagi ninyo ang ebanghelyo o mga paanyayang maibibigay ninyo. Dapat itong magsimula sa madali (tulad ng pagkain ng French fries na may ketchup, na matagal ko nang gusto) hanggang sa mahirap (tulad ng pagkain ko ng calamari, na hindi ko gusto noong una).
Gawin ang inyong listahan kasama ang inyong pamilya, ward youth council, korum, o klase. Maging malikhain! Subukang mag-isip ng 101 paraan na maaari kayong magbahagi o mag-anyaya. Ipakita ang inyong menu sa inyong klase ng Young Women o korum ng Aaronic Priesthood. Lahat ay maaaring pumili ng isa o dalawang bagay na natural nilang magagawa. Ang pagtalakay sa nangyari matapos gawin ng bawat tao ang kanilang piniling aktibidad ay magiging kasiya-siya. Ang pagkilos ayon sa inyong pagpili ay pagkilos nang may pananampalataya, at tutulungan kayo ng Diyos sa Kanyang gawain.
Gumawa ako ng sarili kong menu ng mga paraan para maibahagi ang kaloob na ebanghelyo. Matapos tingnan ang aking menu, lagyan ng numero ang mga item mula sa pinakamadali hanggang sa pinakamahirap na gawin para sa inyo.
-
Sabihin sa isang kakilala na ikaw ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
-
Tukuyin ang Simbahan bilang “Simbahan ko.”
-
Kausapin ang isang missionary na hindi nagsasalita ng inyong wika sa loob ng tatlong minuto at tumulong sa pagbigkas o gramatika.
-
Ireport nang tumpak ang inyong mga aktibidad sa Simbahan sa mga kakilala. Kapag tinanong kayo ng “Kumusta ang weekend mo?” huwag ninyong basta sabihing, “Ayos lang.” Sa halip ay sabihing, “Namuno ako sa isang talakayan sa isang grupo ng young women noong Linggo sa Simbahan ko. Pinag-usapan namin si Jesucristo, at nagpasaya ito sa akin hanggang sa sumunod na mga araw.” O, “Nagpunta ako sa simbahan ko at napakaganda ng kinanta ng koro. Buong maghapon kong inihihimig iyon.”
-
Sabihin sa mga missionary, “Masaya akong makapunta sa susunod na serbisyo ng binyag.”
-
Anyayahan ang isang kaibigan na panoorin ang isang video ng Simbahan sa cellphone mo.
-
Makilahok sa Helping Hands.
-
Alamin ang mga pangalan ng mga miyembro sa inyong ward.
-
Batiin ang isang tao sa Simbahan na hindi ninyo kilala; at sabihing, “Hi, ako si ______. Welcome.”
-
Anyayahan ang isang tao na makipagkilala sa mga missionary.
-
Ngumiti sa isang tao sa simbahan.
-
Anyayahan ang isang kaibigan na maghanap ng isang ninuno sa FamilySearch.
-
Kapag tinanong kayo ng, “Naniniwala ka ba sa Diyos?” sa halip na sabihing, “Oo,” sabihing, “Nagtitiwala ako sa Kanya dahil sa natutuhan ko sa Simbahan ko.”
Ngayo’y Kayo Naman
Gumawa ng sarili ninyong menu na maaaring kabilangan ng ilan sa mga bagay ring iyon—pero dapat ay mas mahaba ang sa inyo! Maaaring kabilang sa inyong menu ang pagpo-post sa inyong social media account, pag-anyaya sa isang kaibigan sa isang kaganapan sa Pasko, o pagtuturo sa isang tao ng lugar para sa kampanya sa Pasko na Maging Ilaw ng Sanglibutan.2
Kahit ang paggawa ng mas madadaling bagay sa inyong menu ay maaaring magkaroon ng mahahalagang epekto sa buhay ninyo at sa buhay ng iba. Tutal, “mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.”3 Hindi kailangan ng Panginoon na maging bihasa o sanay kayo sa pagbabahagi at pag-anyaya. Ang hinihingi lang ng Panginoon ay ang inyong “puso at may pagkukusang isipan.”4
Ibahagi ang Regalo
Ang pagbabahagi ng ebanghelyo at pag-anyaya sa iba na kumilos nang may pananampalataya ay dapat maging normal at natural. Inanyayahan kayo ni Pangulong Russell M. Nelson na maging bahagi ng batalyon ng mga kabataan ng Panginoon.5 Ang pagbabahagi ng kaloob na ebanghelyo ni Jesucristo sa ganitong paraan ay isa sa mga paraan na makakabahagi kayo sa pinakadakilang gawain sa lupa. At tandaan, ipinahayag ni Pangulong Nelson: “Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag [at mga ordenansa] sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple.”6
Maaari kayong maging bahagi ng pagmamahal sa iba, pagbabahagi ng mensahe tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan, at pag-anyaya sa iba na alamin pa ang tungkol sa ebanghelyo. Gagawin ng Diyos ang Kanyang gawain; pabibilisin Niya ang gawain sa Kanyang sariling panahon, at kakasangkapanin Niya ang lahat ng handang isakatuparan iyon, kahit—at lalo na—kayo.7