2021
Paano Patatagin ang Inyong Pamilya
Disyembre 2021


“Paano Patatagin ang Inyong Pamilya,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2021.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”

Paano Patatagin ang Inyong Pamilya

Makakagawa kayo ng mas malaking kaibhan sa inyong tahanan kaysa sa inaakala ninyo.

pamilya

Pagdating sa pagtulong na mapatatag ang inyong pamilya, narito ang ilang takdang-aralin na dapat ay hindi gaanong mahirap: magkatuwaan kayo! Ang patnubay na ito ay talagang tuwirang nagmumula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na inilabas ng Unang Panguluhan at Kapulungan ng Labindalawang Apostol.

Ang pakikibahagi sa “kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan” bilang pamilya ay nakalista bilang isa sa mga aspetong maaaring magpanatili sa inyong pamilya na matatag at matagumpay. May walong iba pang bagay sa listahan ding iyon, pero magtagal tayo nang kaunti sa isang ito.

Ang kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan ay mas naglalapit sa atin at tumutulong na maibalik ang ating lakas.

Alam ng mga naunang pioneer ng Simbahan ang isa o dalawang bagay tungkol sa kahalagahan ng paglilibang para mabalanse ang isang mahirap na araw. Ang mga pamilya ay kadalasang nagdiriwang nang may musika at sayawan para mapanatiling masigla ang kanilang espiritu, kahit pagkatapos ng mahabang araw ng paglalakad.

Narito ang maikling salaysay ng isang di-kilalang pioneer tungkol sa gawaing ito: “Gaano man kahirap ang naging paglalakbay sa maghapon, kapag sumapit ang takipsilim at naitayo na ang kampo, at nakakain na ng hapunan, nalilimutan ang kapaguran ng maghapon sa isang sayawan.”1

Mayroon kayong tungkulin sa bahay: magsaya na kasama ang inyong pamilya! Ano pa ang hinihintay ninyo?

pamilya

Siyempre, may iba pang nakalista sa pagpapahayag tungkol sa pamilya na nakakatulong sa mga pamilya. Ang isang partikular na aktibidad rito ay katabi lang ng kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan: [pag]gawa, (trabaho).

Trabaho

Teka lang, trabaho? Hindi ba kabaligtaran iyon ng saya? Maaaring matukso ang isang tao na itanong, “Paano makatutulong ang dalawang karanasang ito sa pagpapatatag ng pamilya?”

mag-ama

Isipin ang mga lemon at asukal. Hindi magkatulad ang lasa ng mga ito. Pero paghaluin ang mga ito sa tubig, at makakagawa kayo ng lemonada.

Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa kahalagahan ng kasipagan, binanggit ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nagtutulungan ang dalawang alituntuning ito.

“Sa magagandang sinabi ko tungkol sa paggawa, idaragdag ko rin ang kapakinabangan ng paglilibang,” sabi niya. “Tulad ng pagbibigay ng tamis sa kapahingahan ng matapat na paggawa, ang mabuting libangan ay kaibigan at nakapagpapatatag na katuwang ng paggawa.”2

mag-ina

Kung walang trabaho, hindi tayo kakain, magkakaroon ng kanlungan, o makakagawa ng halos anuman. Ang trabaho ay nagbibigay rin ng layunin sa ating buhay na hindi natin makukuha sa ibang paraan. Itinuro minsan ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang trabaho ay palaging isang espirituwal na pangangailangan kahit, para sa ilan, ang trabaho ay hindi isang pangangailangan para mabuhay.”3

Maaaring ang ibig sabihin ng pagtatrabaho bilang isang pamilya ay pagtatapos ng mga gawaing-bahay, paglilingkod sa iba, o maging ng pagkakaroon ng kita. Anuman ang anyo nito, mas pinaglalapit kayo nito.

Si Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ay lumaki sa isang tahanan na komportable ang pamumuhay—hanggang sa magsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pagkatapos ay nawala ang lahat-lahat sa kanyang pamilya at naging mga refugee sila.

Ngunit sama-sama silang nagtulungan! Tungkol sa araw na ito, sinabi ni Elder Uchtdorf (na Pangulong Uchtdorf ng Unang Panguluhan noon), “Hanggang ngayon, hinahangaan ko pa rin nang lubos ang pagtatrabahong ginawa ng aking pamilya matapos mawalan ng lahat-lahat bunga ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig! Naaalala ko si Itay … na pinapasok ang mahihirap na trabaho. … Sinimulan ni Inay ang paglalabada at maraming oras ang ginugol sa mahirap na trabaho. Pinatulong niya kami ng kapatid kong babae sa kanyang trabaho. Sakay ng aking bisikleta ako ang naging tagahatid at tagakuha ng labada. [Natuwa] akong makatulong sa pamilya sa maliit na paraan.”4

mag-ina

Ang kasipagan ay naghahatid ng mga pagpapala, kasiyahan, at, oo, pagiging malapit bilang isang pamilya.

Pagdaragdag ng Katatagan sa Inyong Pamilya

Siyempre, dalawa lamang iyon sa siyam na katangian mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak. Habang tinitingnan natin nang kaunti ang pito pa, isiping isulat ang isa o dalawa sa siyam na bagay na sa palagay ninyo ay mapagsisikapan ninyo, sa ngayon, para mapatatag ang inyong pamilya.

_____________________________________________________________________________________________________________

mag-anak na nasa templo

Pananampalataya

Sa ebanghelyo, nangunguna sa listahan—ang unang alituntunin ng ebanghelyo—ang “pananampalataya sa Panginoong Jesucristo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4).

pamilyang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Kapag mas ipinamumuhay ng inyong pamilya ang ebanghelyo ni Jesucristo, mas matatanggap ninyo ang tulong ng langit sa inyong tahanan. Totoo ito kahit nag-iisa lamang kayo na namumuhay ng ebanghelyo sa inyong tahanan. Ang liwanag ni Cristo ay nakagagawa ng malaking kaibhan sa mga taong nakakatagpo nito.

pamilyang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Gawin ang inyong bahagi para maghatid ng dagdag na pananampalataya sa inyong tahanan.

Panalangin

Ang pagdarasal bilang isang pamilya ay siguradong mas maglalapit sa inyo—lalo na kapag nagdarasal kayo para sa inyong mga kapamilya. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Nadarama rin kaya ng ating asawa, mga anak, at iba pang mga kapamilya ang kapangyarihan ng mga dalangin na ating inialay sa Ama para sa kanilang mga tiyak na pangangailangan at hangarin?”5

dalagitang nagdarasal

Halimbawa, mas mahirap manatiling galit sa inyong kapatid dahil sa isang bagay na nangyari noong araw na iyon habang nagdarasal siya nang malakas sa oras ng panalangin ng pamilya na makapasa kayo sa paparating na pagsusulit ninyo sa paaralan.

pamilyang nananalangin

Ang pagdarasal para sa bawat kapamilya na binibigkas ang pangalan ay nagtutulot sa inyo na isipin ang bawat tao at ang kanyang mga pangangailangan. Nalalaman din nila na iniisip ninyo sila.

Pagpapatawad, Paggalang, at Pagmamahal

Ang tatlong katangiang ito ay kadalasang nagtutulungan. Bahagi ng pakikitungo sa isa’t isa nang may pagmamahal at paggalang ang maging handang patawarin ang isa’t isa. Kapag tayo ay nagpapatawad at napapatawad, lumalago ang paggalang at pagmamahal na nadarama natin sa isa’t isa.

magkapatid

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Walang higit na mahalagang nauugnay sa kaligayahan—kapwa sa atin at sa ating mga anak—kaysa kung gaano natin minamahal at sinusuportahan ang isa’t isa sa pamilya.”6

Pakitunguhan ang isa’t isa nang may kaunti pang kabaitan. Lalo pang mahalin ang isa’t isa, huwag magtanim ng sama-ng-loob.

Habag

Ang ibig sabihin ng magpakita ng habag sa iba pang mga kapamilya ay naising alisin ang ilan sa kanilang mga pasanin at tulungan sila sa kanilang mga paghihirap.

mag-ama

Si Jesus ang ating sakdal na halimbawa sa pagpapakita ng habag. Narito ang isa sa maraming halimbawa sa mga banal na kasulatan.

Habang naglalakad si Jesus palayo sa Jerico, tinawag Siya ng dalawang bulag na lalaki sa tabing-daan. Sinubukan ng mga tao na sawayin ang mga lalaking ito, na sinasabi na dapat silang “tumahimik” (Mateo 20:31).

Katulad ba tayo ng mga taong iyon sa ating pamilya? Kung minsa’y madaling balewalain ang isang taong humihingi ng tulong. “Huwag ngayon!” ang nais nating sabihin kung minsan.

Pero nagpakita sa atin si Jesus ng mas mainam na paraan. Nang tawagin Siya nang mas malakas ng dalawang bulag na lalaki, nagtanong si Jesus, “Anong nais ninyong gawin ko sa inyo?” (Mateo 20:32).

Hiniling nilang pagalingin sila sa kanilang pagkabulag. “Dahil sa habag ay hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata. Kaagad, nakakita silang muli at sila’y sumunod sa kanya” (Mateo 20:33–34).

Hindi palaging madaling mahabag, pero lagi itong nagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos.

mag-ina

Ang Kapangyarihan Ninyo

Sa huli, maaari kayong matuksong isiping, “Pero nag-iisa lang ako. Gaano kalaki ang maitutulong ko?” Ang sagot ay, malaki! Subukan ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak.

Sulit na pagsikapang gawin ito sa inyong pamilya.

Mga Tala

  1. “Social Activities of Early Cache Valley,” sa Kate B. Carter, comp., Our Pioneer Heritage, 20 tomo (1958–77), 8:456.

  2. D. Todd Christofferson, pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2010 (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 17).

  3. Neal A. Maxwell, pangkalahatang kumperensya ng Abr. 1998 (Ensign, Mayo 1998, 38).

  4. Dieter F. Uchtdorf, pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2009, “Dalawang Alituntunin para sa Alinmang Pamumuhay” (Ensign o Liahona, Nob. 2009, 56).

  5. David A. Bednar, pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2008 (Ensign o Liahona, Nob. 2008, 44).

  6. M. Russell Ballard, pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2005 (Ensign o Liahona, Nob. 2005, 42).