2021
Isang Anghel na Nakabotang Kulay Orange
Disyembre 2021


“Isang Anghel na Nakabotang Kulay Orange,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2021.

Isang Anghel na Nakabotang Kulay Orange

Ano ang maihahandog sa Panginoon ng isang anghel na nakasuot ng mga pangit na bota?

anghel sa pagsasadula ng Pagsilang ni Jesus

Paglalarawan ni Dean MacAdam

Isa ako sa mga taong gusto ang taglamig. Pero ayaw ko talagang makaramdam ng ginaw.

Suwerte lang ako na isinadula ng stake namin ang pagsilang ng Tagapagligtas. Sa labas. Sa gabi. Sa pinakamalamig na Pasko sa loob ng maraming taon. Sa Canada. Ginampanan ko ang papel ng isang anghel sa kuwentong ito ng Nativity, kaya kahit paano ay maitatago ng maluwag kong pang-anghel na kasuotan ang snow pants, guwantes, at mga bandana ko.

Pero walang makapagpainit sa mga paa ko, kahit ang maluwag na pang-anghel na kasuotan. Bumili kami ng nanay ko ng mas makakapal na bota, at binili namin ang mukhang pinakamainit na sapatos na nakita namin: isang pares ng mga botang kulay orange na may pulang laso. Mukhang malalagpasan ng mga botang ito ang isang ekspedisyon sa Antarctica—at sa napakatinding taglamig na ito, kinailangan ko iyon. Pero pakiramdam ko ako na ang pinaka-kakatwa sa lahat ng 17-anyos na anghel sa Nativity. Anong klaseng sugo ng langit ang nagsusuot ng mga botang kulay orange?

Isang Napahiyang Anghel

Noong gabi ng huli naming dress rehearsal, lumabas ako ng entablado na nagsisikap na hatakin pababa ang pang-anghel kong kasuotan para takpan ang mga bota ko. Anuman ang gawin ko, nakausli pa rin ang mga ito sa maluwag kong pang-anghel na kasuotan.

Mabuti na lang, medyo nakatago kami ng iba pang mga anghel sa likod ng isang backdrop sa loob halos ng buong pagtatanghal, na nangangahulugan na walang maaaring makakita sa sapatos ko.

Pero may isang bahagi sa bandang huli na lahat ng tauhan sa kuwento ng Nativity—mga pastol, sundalong Romano, Pantas, taong-bayan, at anghel—ay naglabasan mula sa lahat ng panig ng outdoor theater para lumuhod sa harap ng Tagapagligtas.

Dapat sana ay isang payapang sandali ang bahaging ito ng pagtatanghal para sa mga manonood at tauhan para pagbulayan ang pagsilang ng Tagapagligtas. Pero sa unang dalawang gabi, nangamba ako rito. Ang naisip ko lang ay kung paano ako kailangang lumuhod sa harap ng mga tao, at makikita nila ang mga pangit kong bota na kulay orange. Sa sandaling iyon, ang maging anghel ay mas malaking kahihiyan kaysa banal na karanasan.

Ang Prinsipe ng Kapayapaan

Sa ikatlong gabi, naghihintay ako sa likod ng entablado kasama ang lahat ng iba pang mga anghel, at bigla akong natuwang ibahagi ang huling tagpong ito ng Nativity sa mga manonood. Ibig kong sabihin, ito na—makikita na ng mga manonood ang pagpasok ng mga anghel mula sa lahat ng panig para lumuhod sa harap ng sanggol na Tagapagligtas. Hindi kapani-paniwala, hindi ba?

Tuluyan kong nalimutan ang mga bota ko nang bigkasin ng narrator ang Isaias 9:6, na siyang hudyat sa akin: “Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat; at ang kanyang pangalan ay tatawaging Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”

Paglabas ko, wala na akong ibang inisip. Pakiramdam ko para akong isa sa mga anghel ng langit—ang makapangyarihan at niluwalhating mga nilalang na naroon nang isilang si Cristo.

Lumuhod kami ng iba pang mga anghel sa tabi ng mga sundalo at inakbayan namin ang mga pastol. Ipinakita naming lahat ang aming pagpapakumbaba, pagpipitagan, at pagmamahal para sa munting bagong silang na sanggol na ito. At nadama ko iyon—ang walang-hanggang pagmamahal ng aking Tagapagligtas para sa mga taong-bayan, sa mga mangongolekta ng buwis, at sa akin. Alam ko na ang Batang ito—at ang pagtubos na hatid Niya—ang pinakamahalagang regalo sa lahat na natanggap ng mundo.

Pagpapatotoo tungkol kay Cristo

Nang lumabas ako sa entablado sa sumunod na mga pagtatanghal, pakiramdam ko hindi lang ako isang batang babaeng nakasuot ng maluwag na costume at mga botang kulay orange. Bahagi ako ng “paglilingkod ng mga anghel” na nagpapatotoo sa Tagapagligtas (Moroni 7:25), maging sa sarili kong maliit na paraan. Wala na akong pakialam kung makita ng mga manonood ang sapatos ko—dahil kung nakikita ang mga bota ko na kulay orange, ibig sabihin niyon nakaluhod ako sa harap ng aking Tagapagligtas.