2021
Paano Namin Ipinagdiriwang ang Pasko
Disyembre 2021


“Paano Namin Ipinagdiriwang ang Pasko,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2021.

Paano Namin Ipinagdiriwang ang Pasko

May isang ebanghelyo at isang Tagapagligtas. Ngunit sa buong mundo, ipinagdiriwang natin ang Kanyang pagsilang sa maraming iba’t ibang paraan.

Gustung-gusto ba ninyong dumaan sa mga puno ng pino na natatakpan ng niyebe tuwing Disyembre? Gusto rin ba ninyong maglakad-lakad sa ilalim ng mga puno ng palma habang nakakapaso ang init ng araw? Nagsisindi ba kayo ng mga kandila para sa Advent? Gumagawa at namimigay ng mga tradisyonal na pagkain? Nag-iihaw-ihaw sa beach?

Inilarawan ng ilang kabataan mula sa iba’t ibang panig ng mundo kung paano nila ipinagdiriwang ang Pasko. At inilalarawan nila kung paano medyo naiiba ang mga bagay-bagay noong nakaraang taon na may pandemyang COVID-19.

Indonesia

Jakarta, Indonesia

Jakarta, Indonesia

“Ang Pasko sa Indonesia ay hindi talaga white Christmas, at hindi maginaw. Gayundin, bagama’t maaaring kabi-kabila ang ilang dekorasyon sa Pasko sa mga mall, cafe, o hotel, hindi ipinagdiriwang ng karamihan sa mga tao rito ang Pasko.

“Gayunpaman, nagdiriwang ang pamilya ko hangga’t kaya namin. Gustung-gusto kong kumain ng cookies at humigop ng mainit na tsokolate, mamili ng mga bagong palamuti sa Pasko, at dekorasyunan ang Christmas tree.

“Noong nakaraang Pasko, mga magulang ko lang at kapatid na lalaki ang kasama ko. Hindi ko nakita ang iba ko pang mga kamag-anak tulad ng mga tito, tita, pinsan, at lolo’t lola ko dahil sa COVID-19. Malungkot at hungkag ang pakiramdam ko noon dahil karaniwa’y nagtitipun-tipon kami.

“Sa kabila ng mga sitwasyon namin, hindi ito nakapigil sa amin na alalahanin ang kahulugan ng araw ng Pasko, ang pagsilang ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa buong pagdiriwang namin ng Pasko, nakakain kami ng masasarap na pagkain at nakapagbihis ng magandang damit. Sinuwerte akong makatanggap ng regalo, at napakarami kong natanggap na mainit na pagbati sa Pasko virtually mula sa mababait na tao sa paligid ko. Napakaganda ng mga pagpapalang ito, at nagawa ko na manatiling nakatuon kay Cristo habang inaalala kong magpasalamat para sa lahat ng bagay.”

dalagita

Abigail S., 14, Jakarta, Indonesia

Germany

Munich, Germany, sa Kapaskuhan

Munich, Germany

“Ang Pasko para sa amin ay nagsisimula sa Disyembre 1. May dekorasyon ang buong bahay. Karaniwan ay bukas ang mga pamilihan sa Pasko sa mga lungsod sa katapusan ng linggo ng unang Advent.

“Lahat ng tao ay nagsisimulang magbukas ng pinto sa kanilang mga kalendaryong pang-Advent sa unang araw ng Disyembre.

sapatos

“Tuwing Disyembre 6 dumarating si St. Nicholas ayon sa tradisyon. Nagdadala siya ng mga mani, prutas, at tsokolate. Pinupuno niya ang mga botang nalinis at nailabas ng mga bata sa gabi bago ang araw na ito. Sa Bisperas ng Pasko, Disyembre 24, sama-sama naming ipinagdiriwang ang Pasko at natatanggap ang aming mga regalo.

palamuting hugis-pickle

“Sinisindihan namin ang kandila para sa Advent tuwing Linggo sa buwan ng Disyembre, at kumakanta kami ng mga Pamaskong awitin, kumakain ng gingerbread, at umiinom ng punch. Kapag oras na para buksan ang aming mga regalo, kailangan muna naming hanapin ang maasim na pickle sa Christmas tree. Sinuman ang makakita sa pickle ay siyang unang magbubukas ng kanyang regalo.

“Noong may pandemyang COVID-19, ipinagdiwang ng aming pamilya ang mga Linggo ng Advent sa mga video chat para mas mapalapit kami sa isa’t isa.

“Lahat ng pamilihan sa Pasko ay sarado, at hindi kami puwedeng mag-party sa paaralan. Gayunman, naging masaya ang aming Kapaskuhan dahil mas marami kaming oras na sama-samang magluto ng cookies. Sa aming mga paaralan, nagbabalot kami ng mga regalo para sa mga batang nangangailangan sa ibang mga bansa.

“Taun-taon ay nanonood kami ng mga pelikula tungkol sa pagsilang ni Jesucristo.

“Tuwing Linggo ng hapon ng Advent, kumakanta kami tungkol kay Jesucristo. Bumubuo kami ng Nativity sa salas namin na nagpapaalala sa amin tungkol sa ating Manunubos araw-araw.”

magkakapatid

Samara, Saliha, at Sarai S., Bavaria, Germany

India

binatilyo sa tabi ng Christmas tree

“Nitong nakaraang taon napakaespesyal ng Pasko para sa akin. Talagang naiiba iyon kaysa sa nakaraang mga Pasko. Ngayong taon, tumulong ako sa maraming tao sa panahon ng pandemya.

“Bagama’t hindi kami makapagsimba o makasali sa ilan sa mga normal na aktibidad namin tuwing Pasko, nagpasigla at nagpadama sa akin ng kagalakan ng Pasko ang pagtulong sa iba. Nagpalitan ng mga regalo ang pamilya ko. Gumawa rin kami ng masasarap na pagkain at isinilbi iyon sa marami sa aming mga kaibigan na iba ang relihiyon.

“Masigasig kong ginawa ang Maging Ilaw ng Sanglibutan at pinaglingkuran ang mga tao. Ang paggawa nito ay nagdulot sa akin ng kapayapaan at malaking kaligayahan. Alam kong ang Ama sa Langit ay mahal ako at ang lahat ng Kanyang mga anak. Alam ko na pumarito si Jesucristo sa mundong ito para mahalin at iligtas tayo.”

Ruthwik V., 14, Bengaluru, India