“Isang Espesyal na Pasko sa South America,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2021.
Isang Espesyal na Pasko sa South America
Anong regalo ang maaaring magpala sa buong kontinente?
President Reinhold Stoof, Pangulo ng South American Mission; kanyang asawang si Ella; Elder Rey L. Pratt ng Pitumpu; at Elder Melvin J. Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol sa South America.
Sa pagsilang ni Jesucristo mahigit 2,000 taon na ang nakararaan, ibinigay ng ating Ama sa Langit sa mundo ang pinakadakilang regalong matatanggap nito. Ang regalong iyon ay tahimik na ibinigay. Iilan lang ang nakaalam tungkol dito. Kahit ngayon, maraming hindi nakakaalam kung paano pinagpapala ang kanilang buhay ng regalo na Tagapagligtas natin.
Halos 100 taon na ang nakararaan, sa Araw ng Pasko, isa pang espesyal na regalo ang ibinigay sa isang buong kontinente. Hindi alam ng karamihan ang regalong ito. Tahimik itong ibinigay, nang walang pagbubunyi, walang mga post sa social media, at walang mga press conference. Subalit, ang nangyari sa Araw ng Paskong ito ay tutulong sa milyun-milyong tao na matanggap ang pinakadakilang regalo ng Ama sa Langit na Kanyang Anak.
Isang Panalangin sa Araw ng Pasko
Siyamnapu’t anim na taon na ang nakalipas, noong Disyembre 1925, dumating ang tatlong pinuno ng Simbahan sa Buenos Aires, Argentina. Inabot sila ng 34 na araw para maglakbay mula Salt Lake City, Utah, papuntang Buenos Aires, Argentina, na sakay ng tren at barko. Noong panahong iyon, iilan lang ang miyembro sa buong South America. Ngunit naghahanda ng paraan ang Panginoon para magkaroon ng magandang kinabukasan Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa South America.
Isinugo sa Argentina sa isang espesyal na tungkulin si Elder Melvin J. Ballard, isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, at dalawa pang pinuno ng Simbahan na sina Elder Rey L. Pratt at Elder Rulon S. Wells. Pinapunta sila roon ng propetang si Pangulong Heber J. Grant para ilaan ang buong kontinente ng South America para sa pangangaral ng ebanghelyo.
Noong umaga ng Pasko, naglakad si Elder Ballard at ang kanyang mga kasama papunta sa isang tahimik na kakahuyan sa Buenos Aires. Kumanta sila ng mga himno at nagbasa mula sa Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay nag-alay ng panalangin si Elder Ballard. Sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan at sa pamamagitan ng awtoridad ng apostol na taglay niya, sinabi ni Elder Ballard, “Ipinipihit ko ang susi at binubuksan ko ang pinto para sa pangangaral ng ebanghelyo sa lahat ng bansang ito sa South America.”1
Hiniling din ni Elder Ballard na basbasan ang mga pinuno ng mga bansa sa South America na maging mabait sa Simbahan at tulutang maipangaral ang ebanghelyo sa kanilang mga bansa para maligtas ang lahat.
Isang Pangako ng Propeta
Pagkatapos ng umagang iyon ng Pasko, ginugol ni Elder Ballard at ng kanyang mga kasama ang sumunod na walong buwan sa paglalakad sa mga lansangan ng Buenos Aires at ibinahagi ang mensahe ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Kakaunti ang mga materyal sa pagtuturo sa Spanish noong panahong iyon, ngunit ginawa nila ang lahat at sumulong sila nang may pananampalataya. Isang binyag lamang ang ibinunga ng kanilang mga pagsisikap noon.
Bago lisanin ang Argentina, sinabi ni Elder Ballard na unti-unting lalaki ang Simbahan, “tulad ng isang [puno ng] oak na dahan-dahang lumalaki mula sa isang acorn.” Ngunit nangako siya na libu-libo ang sasapi sa Simbahan at darating ang araw na ang mga tao sa South America ay “magiging isang kapangyarihan sa Simbahan.”2
Patuloy ang Regalo
Halos 100 taon na mula noong araw na iyon at nasagot na ang panalangin ni Elder Ballard—at patuloy na masasagot—sa mga pambihirang paraan.
Ang Simbahan sa South America ay mayroon na ngayong:
-
4,178,375 miyembro
-
97 mission
-
21 templo (may 14 na ibinalita o kasalukuyang itinatayo)
Napakagandang regalo ng ebanghelyo ni Jesucristo! At tulad ni Elder Ballard at ng kanyang mga kasama, may responsibilidad at pagkakataon tayong ibahagi ang mahalagang regalong ito sa iba. Ngayong Pasko, alalahanin ang mahalagang regalong ito, at sikaping ibahagi ito. Saanman kayo naroroon, maraming pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa mga tao sa paligid ninyo. Sa paggawa nito, magagawa ninyo ang inyong bahagi na makatulong na ipalaganap ang ebanghelyo ni Jesucristo sa buong mundo.