“Ang Ating Kaloob na Pag-asa,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2021.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Ating Kaloob na Pag-asa
Ipinapakita sa atin ng karanasan ng isang propeta na mabibigyan tayo ng Diyos ng pag-asa kung nakatuon tayo kay Jesucristo.
Nakaranas na ba kayo ng isang araw na tila hindi magwawakas? Sigurado ako na makakasagot kayo ng, “Oo!” Lahat tayo ay nakakaranas ng mga araw kung saan hindi umaayon ang mga bagay-bagay sa ating inaasam. Ang pagkasunog ng toast ninyo sa almusal, pagkakaroon ng mababang marka sa isang pagsusulit, o pakikipagtalo sa isang kaibigan ay tiyak na magiging sanhi ng hindi magandang araw.
Pero may iba pang mas mahihirap na hamon. Maaaring mawalan tayo ng mahal sa buhay, magkasakit nang malubha, o makita nating tumalikod sa Simbahan ang isang taong mahal natin. Maaari nating madama na ang mga pagsubok na katulad nito ay napakahirap harapin at maaaring magtagal nang mahigit sa isang araw. At napakaraming problema sa mundo kaya pakiramdam natin kung minsa’y wala nang pag-asa ang mga bagay-bagay.
Pero ang totoo, palagi tayong may dahilan para umasa. Sabi ni Mormon, “Sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo” (Moroni 7:41). Dahil dito, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Gaano man kahirap ang mga bagay-bagay, tandaan, maaari tayong palaging umasa. Palagi!”1
Kailan pa mas mainam na alalahanin ito kaysa sa araw ng Pasko, kung kailan ipinagdiriwang natin ang pagsilang ng “ilaw, buhay, at pag-asa ng mundo”?2 Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga kuwentong nagpapaalala sa atin ng ating pag-asa kay Jesucristo. Sa katunayan, ang mga banal na kasulatan ay isinulat para patotohanan Siya upang “magkaroon tayo ng pag-asa” (Roma 15:4).
Ang isa sa mga mensaheng ito ng pag-asa ay dumating mahigit 100 taon na ang nakararaan. Dumating ito sa isang madilim na panahon sa kasaysayan, sa isang propeta ng Diyos na dumaraan noon sa isang mahirap na panahon sa kanyang buhay. Itinuturo nito sa atin na masusumpungan natin ang ating pinakamalaking pag-asa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo dahil sa Kanilang sakdal na pagmamahal sa atin at sa nagbabayad-salang biyaya ng Tagapagligtas.
Isang Pangitain para sa Isang Mundong Nangangailangan
Ang taong 1918 ay isang mahirap na panahon na puno ng pagsubok. Ang mundo ay nasa gitna ng isang pandaigdigang pandemya—tulad ng nararanasan natin. Ang pandemyang iyon, na sanhi ng trangkaso, ay kumalat sa iba’t ibang panig ng mundo at pumatay sa milyun-milyong tao. Nagngangalit na rin noon ang Unang Digmaang Pandaigdig simula noong 1914. Ang kalupitan ng digmaang iyon ay nagdulot ng di-maiisip na pagkawasak, kamatayan, at kalungkutan.
Sa harap ng mga pandaigdigang kalamidad na ito, maraming nag-isip: “May buhay kaya pagkatapos ng kamatayan? Ano ang mangyayari pagkamatay natin? Makikita ko bang muli ang aking mga mahal sa buhay?”
Si Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918), ikaanim na Pangulo ng Simbahan, ay nakadama rin ng personal na trahedya noong 1918. Namatay ang kanyang panganay na anak na si Elder Hyrum Mack Smith, isang Apostol, nang di-inaasahan. Makalipas ang ilang buwan, namatay ang asawa ni Hyrum na si Ida, at naulila ang kanyang limang anak.3
Namatayan na ng mga mahal sa buhay si Pangulong Smith dati. Limang taong gulang pa lang siya nang paslangin ang kanyang amang si Hyrum Smith at ang kanyang tito na si Propetang Joseph Smith, sa Carthage Jail. Ang kanyang inang si Mary Fielding Smith ay namatay noong siya ay 13 taong gulang. Namatay din ang asawa ni Pangulong Smith na si Sarah at ang 13 anak niya.4
Ngunit ang mga kamatayang ito noong 1918 ay nagdulot ng panibagong pighati. Sa paghahangad na mapanatag mula sa kanyang kalungkutan, bumaling si Pangulong Smith sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal. Habang nagbabasa siya mula sa Bagong Tipan at pinagninilayan niya ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:1–3), nagkaroon siya ng pangitain tungkol sa daigdig ng mga espiritu. Nakita niya ang mabubuting espiritu na umaasang maliligtas mula sa kamatayan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:11–15). Nakita rin niya ang pangangaral ng Tagapagligtas ng ebanghelyo sa mga nasa daigdig ng mga espiritu sa pagitan ng panahon ng Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:19). At nasaksihan niya ang Tagapagligtas na nagsusugo ng mabubuting lingkod upang turuan ang mga taong hindi nagkaroon ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo sa buhay na ito.
Dumating ang pangitaing ito noong kailangang-kailangan ng mundo ang pag-asa. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na “inihayag nang mas lubusan ng pangitain[g ito] ang lalim at lawak ng plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak at ang mapagtubos na pag-ibig ni Cristo at ang walang-kapantay na kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.”5
Mga Katotohanang Puno ng Pag-asa
Itinuring ng mga espiritung nakita ni Pangulong Smith sa pangitain ang paghiwalay ng kanilang espiritu mula sa kanilang katawan nang mamatay sila “bilang isang pagkagapos” (Doktrina at mga Tipan 138:50). Tinitiyak sa atin ng pangitain ni Pangulong Smith na ang “pagkagapos” na ito ay hindi permanente. Sa pamamagitan ng Tagapagligtas, may pag-asa tayo na balang-araw ay mabubuhay tayong mag-uli at “[tatanggap] ng ganap na kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 138:17).
Tinitiyak din sa atin ng pangitaing ito na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay naghanda ng daan para magkaroon ng pagkakataon ang bawat kaluluwa na tumanggap ng kaluwalhatiang selestiyal at walang-hanggang kaligayahan sa piling Nila. Totoo ito maging sa mga nabuhay at “nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyo, [na tatanggap sana nito]” (Doktrina at mga Tipan 137:7).
Hindi natin kailangang maghintay hanggang sa kabilang-buhay para magkaroon ng pag-asa. Makadarama tayo ng pag-asa ngayon kapag nanampalataya at nagtiwala tayo kay Jesucristo. Ang pag-asa ay isang kaloob ng Espiritu (tingnan sa Moroni 8:26), at dumarating ito sa atin dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo.
Isang Espesyal na Paraan para Makadama ng Pag-asa
Habang pinagninilayan ni Pangulong Smith ang ebanghelyo at ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, tumanggap siya ng isang paghahayag na nagbigay ng kapanatagan at pag-asa sa kanya at sa isang magulong mundo. Ang pagninilay ay higit pa sa pag-iisip lamang. Ang ibig sabihin nito ay pagbulayan nang malalim ang isang bagay—at magpapadama ito sa inyo ng higit na pag-asa. Maglaan ng oras sa Paskong ito para magnilay-nilay tungkol sa Tagapagligtas.
Isipin kung ano ang kahulugan sa inyo ng Kanyang pagsilang, buhay, mga turo, at Pagbabayad-sala. Mabubuksan nito ang inyong puso at matutulutan ang Espiritu Santo na “[m]angusap ng kapayapaan sa [inyong] isipan” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:23). Mabibiyayaan nito ng liwanag at pag-asa ang inyong buhay kahit mahirap ang buhay.
Hinihikayat tayong “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.” At kung tayo ay “magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).