2022
Nakabigkis sa Tagapagligtas sa Pamamagitan ng mga Tipan
Pebrero 2022


“Nakabigkis sa Tagapagligtas sa Pamamagitan ng mga Tipan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Genesis 17; 22; Abraham 2

Nakabigkis sa Tagapagligtas sa Pamamagitan ng mga Tipan

David A. Bednar

Ang pagpasok sa at pagtupad sa mga sagradong tipan ay nagbibigkis sa atin sa Tagapagligtas.

image

Sa unang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga sagradong tipan ng ebanghelyo. Sinabi niya:

“Sa bawat miyembro ng Simbahan sinasabi ko, manatili sa landas ng tipan. Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.”1

Inaanyayahan ng Panginoong Jesucristo ang bawat isa sa atin na “makibahagi sa kanyang kaligtasan, at sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos.”2 Ang mga pangako, pagpapala, at kapangyarihan ng mga sagradong tipan na ginagawa natin sa Kanya ay maaaring bumago sa ating puso, magbigay ng espirituwal na patnubay at proteksyon, at magbigay sa atin ng walang-hanggang kagalakan.

Ano ang mga Tipan?

Ang tipan ay isang kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak. Mahalagang tandaan na Siya ang nagtatakda ng mga tuntunin at kondisyon ng lahat ng tipan ng ebanghelyo; hindi kayo at ako. Ginagamit natin ang ating kalayaang moral para malaman, tanggapin, at igalang ang mga tipang itinatag ng Diyos.

Marami sa inyo ang gumawa na ng mga tipan nang binyagan kayo. At sa pagsulong ninyo sa ebanghelyo ni Jesucristo, mas marami kayong gagawing tipan. Ang pinakasagradong mga tipan ay natatanggap lamang sa banal na templo—ang bahay ng Panginoon.

Ang sumusunod na apat na alituntunin ay nagtatampok sa ilan sa mga pangako at pagpapalang nagmumula sa marapat na pagpasok at tapat na pagtupad sa mga tipan sa Diyos.

pamilya na nasa templo

Tinutulungan Tayo ng mga Tipan na Malaman Kung Sino Talaga Tayo

Ang Diyos ay nakikipagtipan na sa Kanyang matatapat na anak mula pa noong simula ng mundo. Halimbawa, si Abraham ay isang dakilang propeta na nagnais ng kabutihan at sinunod ang lahat ng utos ng Diyos—kabilang na ang utos na ialay bilang hain ang kanyang minamahal na anak na si Isaac. Dahil sa matatag na pagsunod ni Abraham, nakipagtipan ang Diyos sa kanya at ipinangako ang maluwalhating mga pagpapala ng isang dakilang angkan at na ang mga bansa sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan ng kanyang “binhi.”3

Lahat ng bansa ay pinagpapala ng mga inapo ni Abraham dahil ang kanyang “binhi” ay may responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo at anyayahan ang lahat na tanggapin sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan.4 Kalaunan ay pinanibago ng Panginoon ang tipang ito sa anak ni Abraham na si Isaac, at sa kanyang apong si Jacob, at ngayon sa pamamagitan natin na nabubuhay at naglilingkod sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon sa mga huling araw.

Paano nauugnay sa inyo ang mga pangako at pagpapalang ito? Sa pamamagitan ng literal na angkan o pag-aampon, kayo ay karapat-dapat na tagapagmana sa mga pangako ng Diyos kay Abraham. Kailangan ninyong pagpalain ang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa kabanalan ni Jesucristo, pagpapahayag ng mensahe ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, at pag-anyaya sa lahat na tumanggap ng mga sagradong tipan at ordenansa ng priesthood.

Tayo’y mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos at “binhi” ni Abraham. Tayo’y inordena noon pa man sa buhay bago ang buhay sa lupa at isinilang sa mortalidad para tuparin ang tipan at ang mga pangako ng Diyos na ginawa kay Abraham. Iyan tayo, at iyan ang dahilan kung bakit narito tayo—ngayon at sa tuwina.

Ang mga Tipan ay Mas Naglalapit sa Atin sa Tagapagligtas

Ang mga pangako at pagpapala ng tipan ay hindi magiging posible kung wala ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Inaanyayahan Niya tayong tumingin sa Kanya,5 lumapit sa Kanya,6 na matuto tungkol sa Kanya,7 at ibuklod ang ating sarili sa Kanya8 sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Ang mga tipan at ordenansa ang mga building block na nagtutulot sa atin na maitatag ang ating buhay sa “bato na ating Manunubos”9 at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Dahil ang matapat na pagtupad sa mga sagradong tipan ay matibay na nagbibigkis sa atin sa Tagapagligtas, Siya ay nagiging ang pinakadakilang pinagmumulan ng espirituwal na patnubay at lakas sa ating buhay.

Pasanin Ninyo ang Kanyang Pamatok

Sinabi ng Tagapagligtas, “ Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.

“Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”10

Ang pamatok ay isang barakilan (beam) na yari sa kahoy, na karaniwang ginagamit sa pagitan ng dalawang baka o iba pang mga hayop, para sabay nilang hatakin ang isang pasan. Dahil sa pamatok ang mga hayop ay magkatabi at magkasabay na kumikilos para makumpleto ang isang gawain.

Ang pagpasok at pagtupad sa mga sagradong tipan ay nagsisilbing ating dalang pamatok kasama ang at nagbibigkis sa atin sa Panginoon. Nangangahulugan ito na tayo ay nagtitiwala sa Kanya, umaasa sa Kanya, at humihila sa ating pasanin na kasama Siya sa paglalakbay sa buhay. Ang lahat ng ating makakaya ay hindi maikukumpara sa makakaya Niya. Pero kapag pinapasan natin ang pamatok kasama ang Tagapagligtas, matatanggap natin ang paglilinis, pagbibigay-kakayahan, at mga karagdagang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa ating buhay.

Hindi Ka Nag-iisa Kailanman

Ang isa pang dakilang pangako at pagpapala ng pagbibigkis ng ating sarili sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga tipan ay na tayo ay hindi nag-iisa, at hindi kailangang mag-isa, kailanman. Masaya tayong makasusulong sa ating buhay sa araw-araw sa tulong ng langit. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ng ating mga tipan, tumatanggap tayo ng lakas na magawa at maabot ang hindi natin kayang magawa at maabot na umaasa lamang sa ating limitadong kakayahan sa buhay na ito.

Tayo ay pinagpapala nang labis-labis kapag nakabigkis tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng mga sagradong tipan. At pinatototohanan ko na ang pahayag na ito ng Panginoon ay totoo, “Samakatwid, ipagpatuloy ang inyong paglalakbay at magsaya ang inyong mga puso; sapagkat masdan, at narito, ako ay makakasama ninyo maging hanggang sa katapusan.”11