2022
Buhay na may COVID-19 at Lampas Pa Rito
Pebrero 2022


“Buhay na may COVID-19 at Lampas pa Rito,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2022.

Buhay na may COVID-19 at Lampas pa Rito

Nagbago na ang mga bagay-bagay—at gayon din kayo.

Larawan
dalagitang nakasuot ng protective mask

Ang nakaraang dalawang taon ay nakakabaliw. Naharap tayo sa isang pandemya na naging dahilan ng palagiang presensya ng mga mask, pisikal na distansya, at mga virtual na pulong sa ating buhay. Pero ngayon lahat ng bagay ay maaari nang bumalik na katulad na katulad ng dati!

Tama?!

Siguro nga … , pero maaaring hindi iyon ganoon kadali. Maraming tao ang nakadama ng pagkawalay at kawalan ng katiyakan. At ang pagdanas ng isang pandemya ay hindi lamang ang panahon na magkakaroon tayo ng ganitong uri ng damdamin. Ang buhay na ito ay hindi palaging madali, at hindi ito nilayong maging madali kailanman. Tayong lahat ay daranas ng mga pagsubok. Narito ang ilang ideya kung paano magiging maayos muli ang takbo ng buhay pagkatapos ng COVID-19. Ang mga tip na ito ay makatutulong din sa iyo na harapin ang mga hamon sa hinaharap.

Dumating sa Oras na Napag-usapan

Ang pamumuhay natin na mayroong mga online class, quarantine, at lockdown ay madaling dahilan para maging komportable tayong manatili sa tahanan at mapag-isa. Ngunit hindi kailanman nilayon na mamuhay tayo nang malayo sa iba. Ang pagtitipon sa simbahan, paaralan, o mga aktibidad ay mas kailangan ngayon higit kailanman. Inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na tumulong sa pagtitipon ng Israel,1 at kasama rito ang pakikipagtipon ninyo sa iba.

Muling Makipag-ugnayan sa mga Dating Kaibigan, Simulang Makipag-ugnayan sa Bago

Sa ilang pagkakaibigan, maaaring tumagal ng ilang buwan, o kahit ilang taon, na hindi kayo nagkikita, pero sa sandaling muli kayong magkaroon ng koneksyon ay parang wala namang nagbago. Gayunman, hindi katulad nito ang lahat ng pagkakaibigan. Kung minsan pagkaraan ng mahabang panahon ng pagkakahiwalay (tulad ng sa isang pandemya) maaaring parang hindi na tulad ng dati ang mga bagay kapag muling nagkita ang mga magkaibigan. Narito ang ilang tip kung paano muling makikipag-ugnayan sa mga dating kaibigan o magkaroon ng mga bagong kaibigan:

  1. Pag-ukulan ng pansin ang iyong kaibigan. Mas nagiging matatag ang pagkakaibigan kapag nagpapakita ka ng interes sa talagang nangyayari sa buhay ng kaibigan mo. Sikaping pakinggan sila at pansinin ang ginagawa nila.

  2. Tandaan kung ano ang gusto nila. Isulat ang mga paborito nilang pagkain, awitin, kulay, sports team, at iba pa. Hindi mo alam kung kailan mapapasaya ng impormasyong iyan ang araw ng iyong kaibigan!!

  3. Pahalagahan ang mga pagkakaiba. Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Lumalakas ang Simbahan kapag sinasamantala natin ang pagkakaiba … at hinihikayat natin ang isa’t isa na paunlarin at gamitin ang ating mga talento at palakasin ang ating kapwa mga disipulo.”2

  4. Mag-ukol ng oras na maglingkod. Magpadala ng isang magiliw na text message. Tumulong sa mga gawaing-bahay. Ibahagi ang isang skill o kasanayan. Magbigay ng suporta sa mga araw na mabuti at hindi mabuti. Umalalay at tumulong kung kaya mo. Tandaan ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pagbibigay ng gayong paglilingkod: “Yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40).

Larawan
mga binatilyo sa simbahan

Huwag Ikulong ang Sarili at Sumulong

Ang isang pakiramdam ng marami sa panahon at pagkatapos ng pandemya ay ang tila nakakulong sila at hindi makasulong. Siguro, hindi ka lubos na masaya at nasisiyahan sa mga nangyayari sa iyo. Siguro hindi ito ang gusto mong kalagayan ng buhay mo.

Maaaring maraming dahilan para rito. Maaaring ito ay ang masasamang gawi, naglahong mga pangarap, nawalang mga oportunidad sa panahon ng quarantine, o mga bagay na hindi mo kayang baguhin. Anuman ito, alalahanin na hindi ka nakakulong habampanahon. May mga bagay kang magagawa para hindi ka makulong lang sa bahay.

Laging tandaan na si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, ay makapagbibigay sa iyo ng lakas para ikaw ay makasulong sa buhay. Matutulungan ka Niya kapag lumapit ka sa Kanya. Maipapakita sa iyo ng Tagapagligtas ang pinakamainam na paraan para makasulong.

Bukod pa rito, tandaan na ang pakiramdam na nakakulong ka at hindi ka makasulong ay kadalasang nangangahulugan na hindi gumagana sa iyo ang isang bagay at oras na para gumawa ng pagbabago. Hindi ito kailangang maging isang malaking pagbabago. Ang maliliit na pagbabago ay makagagawa ng malaking kaibhan. Isiping isulat ang mga bagay na maaari mong baguhin, pagkatapos ay pumili ng isa at simulang gawin ito sa lalong madaling panahon.

Pagsulong na May “Bagong Normal”

Ang pinakamagandang payo sa pagharap sa isang pandemya o anumang hamon ay nagmumula sa propeta. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ngayon, madalas nating marinig ang ‘bagong normal.’ Kung nais talaga ninyong isabuhay ang bagong normal, inaanyayahan ko kayo na mas ibaling ang inyong puso, isip, at kaluluwa sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, si Jesucristo. Iyan ang gawin ninyong bagong normal.

“Isabuhay ang inyong bagong normal sa pamamagitan ng pagsisisi araw-araw. Sikaping maging mas dalisay sa isip, salita, at gawa. Maglingkod sa iba. Magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Gampanang mabuti ang inyong mga calling o tungkulin. At anuman ang inyong mga hamon, … mamuhay araw-araw upang maging mas handa kayo na humarap sa inyong Tagapaglikha.”3

Paano ka magkakamali kapag sinusunod mo ang mga turo ng propeta? Patuloy na sumulong nang may pananampalataya kay Jesucristo kahit hindi mo nakikita ang mga resulta ng iyong mga pagsisikap. Ang pinakamainam sa iyo ay paparating pa lamang!

Larawan
pamilya

Sino ang Matutulungan Mo?

Sa pagdaan mo sa isang pandemya, o sa anumang mahirap na sitwasyon, dapat kang humingi ng tulong sa iba. Pero, tandaan na maaari ka ring pagkunan ng lakas ng iba!

Maaaring may bagong dating o bagong lipat sa inyong branch o ward o paaralan na kailangan mong tulungan. Saan ka man magpunta, may isang taong maaaring makinabang sa iyong liwanag at patotoo. Ang iyong mga talento at personalidad ay maaaring maging pagpapala sa mga nasa paligid mo, kaya mapanalanging hangarin ang mga pagkakataong iyon na maglingkod. Kapag ginawa mo ito, maaaring makita mo na tila mas madaling tiisin ang mga hamon sa iyong buhay.

Binigyan ka ng Diyos ng kasaganaan ng mga espirituwal na kaloob, kahit hindi mo pa nakikita ang mga ito. Ang isa sa pinakamaiinam na paraan para mapalakas ang mga kaloob na iyon ay gamitin ang mga iyon at hayaang magliwanag ang iyong ilaw (tingnan sa Mateo 5:16).

Kaya magningning!

Mga Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), ChurchofJesusChrist.org.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Apat na Titulo,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2013 (Ensign o Liahona, Mayo 2013, 59).

  3. Russell M. Nelson, “Isang Bagong Normal,” pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2020 (Ensign o Liahona, Nob. 2020, 118).

Print