“Pagbabahagi ng Aking Pananampalataya sa Aking Therapist,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2022.
Ang Tema at Ako
Ibinahagi ng mga kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga salita sa Mga Tema ng Young Women at Aaronic Priesthood Quorum
Pagbabahagi ng Aking Pananampalataya sa Aking Therapist
“Tutulong akong ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo at tanggapin ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.”
Mayroon akong anxiety o nababalisa ako, kaya pumupunta ako sa therapy linggu-linggo. Sa unang ilang sesyon, iniwasan kong kausapin ang therapist ko tungkol sa aking mga paniniwala. Naapi na ako noon sa pagiging kakaiba ko, at natakot akong muling maging mahina.
Gayunman, noong nakaraang Enero, nagbiyahe ang tatay ko mula sa California, USA, papuntang New Mexico, USA, para iorden ako sa katungkulan ng isang teacher. Nagdiborsyo ang mga magulang ko, kaya nagtaka ang therapist ko kung bakit nagbiyahe ng 1,000 milya ang tatay ko para makita ako at ang mga kapatid ko sa loob lamang ng ilang araw.
Naisip ko, “OK, heto na!” Ipinaliwanag ko na inorden ako ng tatay ko sa priesthood at kung gaano kaespesyal iyon.
Iyon ang nagbukas ng mga pag-uusap! Nagsimula kaming mag-usap nang mas hayagan tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nalaman ko na may mga kamag-anak siya na miyembro ng Simbahan. Sinabi niya sa akin na ang pakikinig sa aking mga paniniwala at karanasan ay tumutulong sa kanya na mas maunawaan ang Simbahan.
Wala itong ibinungang kamangha-manghang kuwento ng pagbabalik-loob. Hindi interesado ang therapist ko na sumapi sa Simbahan. Pero malaking bagay ito para sa akin—ang pakikipag-usap sa aking therapist ay nagbigay sa akin ng tiwala na huwag manatiling tahimik tungkol sa pinaniniwalaan ko.
Dati ay takot akong magsalita tungkol sa relihiyon, pero sa maraming praktis, kaya ko nang magsalita agad ng tungkol dito. Wala akong alinlangan na may gawaing ipagagawa sa akin ang Ama sa Langit. Maaaring iba ang trabaho ko kumpara sa ginagawa ng ibang tao, pero sino pa ang makapagbabahagi ng ebanghelyo sa mga taong kilala ko, tulad ng therapist ko? Iyan ang trabaho ko.
Lahat tayo ay inilagay sa mundong ito para matuto at umunlad. Maaari tayong maging mga kamay ng Ama sa Langit kapag tayo ay nagmamahal sa ibang tao at nagtatanim ng munting binhi ng ebanghelyo sa kanilang puso. Kaya, sa tuwing may pagkakataong maging isang missionary, sinasamantala ko ito dahil nadarama ko ang Espiritu—at gustung-gusto ko ang bawat minuto nito.
Ang awtor ay naninirahan sa New Mexico, USA.