2022
Matagumpay na Nabibigo
Pebrero 2022


“Matagumpay na Nabibigo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan Peb. 2022.

Tulong sa Buhay

Matagumpay na Nabibigo

Maaaring nagkukulang ka kung minsan, pero makatutulong iyan sa iyo na sumulong.

batang nasa pader na yari sa ladrilyo

Mga paglalarawan ni Alyana Cazalet

Kung susulat ka ng isang aklat tungkol sa iyong buhay, ano ang magiging pamagat nito? Ito ba ay Ang Lubos na Perpekto at Matagumpay Kong Buhay o Ang Buhay Kong Kamangha-mangha at Walang Kabiguan?

Malamang, hindi ka magiging komportable sa mga pamagat na iyon dahil hindi totoo ang mga ito. Ang buhay mo ay hindi perpekto o walang kabiguan. Ganoon din ang sa akin. Sa katunayan, walang buhay na perpekto. Ang paggawa ng mga pagkakamali at pagkukulang ay bahagi ng buhay, pero may malaking kaibhan sa pagitan ng pagkabigo at pagiging isang bigo. Hindi ka bigo, at ang pagkabigo ay hindi palaging masama. Narito ang tatlong tip para tulungan kang gawing tagumpay ang iyong mga kabiguan.

Isang Pagkakataon para Magtagumpay sa Hinaharap

Kung minsan parang katapusan na ng mundo kapag nagkukulang tayo. Pero ang kabiguan ay kadalasang magandang paraan para ikaw ay matuto. Maaaring pagkakataon ito para “pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad” (Hagai 1:5), magbago ng direksyon, at subukang muli. Makatutulong ito sa iyo na maging mas matagumpay sa susunod na pagkakataon.

Iwasan ang Patibong ng Pagkukumpara

Madaling ikumpara ang ating sarili sa iba. Palagi tayong dinadagsa ng mga nakatutuwa at magagandang bagay na tila ginagawa ng lahat—lalo na sa social media. Maaari nitong ipadama sa atin na may kulang sa atin.

Sa halip na magtuon sa mga bagay na wala sa iyo na mayroon sa ibang tao, iwasan ang mga pagkukumpara at bilangin ang iyong mga pagpapala. Hinikayat din tayo ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol na “makabuluhang [kumonekta] sa iba at [dagdagan ang] liwanag sa kanilang buhay.”1 Ipagdiwang ang mga nagawa ng iba at magsimulang magplano ng mga paraan para maging mas mahusay. Mas epektibo ito kaysa ituon ang pansin sa pagkukumpara ng buhay mo sa buhay ng ibang tao.

mga paa na humahakbang

Lahat ng Bagay ay Magkakalakip na Gagawa para sa Iyong Ikabubuti

Lahat tayo ay mahaharap sa kabiguan. Sa halip na pahirapan ang ating sarili at isipin na may kulang sa atin o hindi tayo karapat-dapat, may paraan para ibangon ang ating sarili, pagpagin ang alikabok sa ating sarili, at sumulong.

Itinuturo sa atin sa mga banal na kasulatan na “masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 90:24). Sinabi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol na ito ay totoo dahil ang Ama sa Langit at ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay “alam kung paano magkakalakip na gumagawa ang lahat ng bagay, at alam Nila kung ano ang mabuti para sa atin.”2 Kilala at mahal Nila tayo nang lubos. Kung magtitiwala tayo sa Kanila, mahihikayat tayo ng ating pananampalataya na magpatuloy sa tuwing nagkukulang tayo.

Hindi natin magagawang maging perpekto nang mag-isa. Ang pagiging perpekto ay na kay Cristo at dumarating kapag nananampalataya tayo sa Kanya at sumusunod sa Kanya. Kapag iniisip mo na nabigo ka at hindi mo ito kayang itama, lumapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas at tingnan kung paano ka Nila tutulungan sa bawat araw.

Mga Tala

  1. Gary E. Stevenson, pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2017 (Ensign o Liahona, Nob. 2017, 46).

  2. Gerrit W. Gong, “Be Not Afraid—Believe Our Lord Jesus Christ,” New Era, Hulyo 2019, 4.