“Paano Na ang Misyon Ko?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2022.
Paano Na ang Misyon Ko?
Habang naghahanda ako para sa misyon, isang biglaan at nakapanghihinang karamdaman ang naging pagsubok sa pananampalataya.
Mula pa noong bata ako, gusto kong magmisyon. Pero sa ikalawang taon ko sa hayskul, nagsimula akong makaranas ng pamamanhid sa aking mga paa, tuhod, at mga bisig. Sa loob ng ilang linggo, hindi ako makalakad, makatakbo, o makaakyat ng hagdan.
Nagsimula ako sa ilang gamot, iniisip na mabilis nitong malulutas ang problema para makabalik ako sa paaralan at makapaghanda para sa aking misyon. Pero sa halip, patuloy na lumala ang kondisyon ko. Hindi nagtagal, wala na akong magawa nang mag-isa—hindi ako makapagsuklay o kaya naman ay tumayo para kunin ang remote ng TV.
Tumanggap ako ng maraming basbas ng priesthood, pero hindi ako nilubayan ng karamdaman. Ipinasok ako sa isang hospital sa Accra kung saan mga bihasang doktor ang tumingin sa akin, pero hindi nila makita kung ano ang problema. Nagsimula akong mag-isip na hindi na ako muling makakalakad, at lalong hindi makapagmimisyon.
Habang nasa ospital ako, ako at ang aking ina ay binisita ng mission president at ng kanyang asawa. Tinanong niya ako kung gusto kong magmisyon. Sinabi ko sa kanya na gusto ko, bago ako nagkasakit. Sabi niya, “Huwag kang mag-alala, magmimisyon ka.”
Kinabukasan matapos kaming makauwi mula sa ospital, nakaupo ako sa tabi ng nanay ko nang marinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin na tumayo at maglakad ako. Natakot akong bumagsak, pero alam kong kailangan kong subukan. Tumindig ako nang mag-isa. Dahan-dahan akong nakagawa ng unang hakbang, na nagpalakas sa tiwala ko sa sarili ko. Nagpatuloy ako sa paghakbang. Kahit na nanginginig ako noong una, alam ko na dahil sa pananampalataya ko kay Jesucristo at sa mga basbas ng priesthood na natanggap ko, makapagmimisyon na ako ngayon.
Bumalik ako sa paaralan, at kaagad pagkatapos kong maka-graduate, isinumite ko ang mga papeles ko sa misyon. Natanggap ko ang tawag sa akin makalipas ang ilang buwan para maglingkod sa Nigeria Lagos Mission. Ang paglilingkod sa Panginoon at pagtuturo sa Kanyang mga anak tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay nagbigay sa akin ng labis na kagalakan. Bagamat hindi lahat ay gumagaling na katulad sa paggaling ko, alam kong pagpapalain ng Panginoon ang sinuman, ayon sa Kanyang kalooban, kapag sumampalataya tayo sa Kanya.
Ang awtor ay nakatira sa Ghana.