2022
Kung minsan ay parang walang halaga ang mga ginagawa ko. Paano ako makagagawa ng kaibhan?
Pebrero 2022


“Kung minsan ay parang walang halaga ang mga ginagawa ko. Paano ako makagagawa ng kaibhan?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2022.

Mga Tanong at mga Sagot

“Kung minsan ay parang walang halaga ang mga ginagawa ko. Paano ako makagagawa ng kaibhan?”

Alalahanin

Larawan
dalagita

“Tuwing gagawa ako ng anumang paglilingkod, isinusulat ko ito sa isang maliit na papel at inilalagay ito sa isang garapon. Tuwing nadarama ko na hindi ako mahalaga, binubuksan ko ang garapon at binabasa ko ang lahat ng kamangha-manghang mga bagay na nagawa ko. Tinutulungan ako nitong maalala na nakagawa ako ng kaibhan sa buhay ng isang tao, kahit maliit lang ito.”

Alexandra M., 14, California, USA

Higit na Katulad ni Cristo

Larawan
dalagita

“Sa mga sandali ng pag-aalinlangan, nakakakita ako ng kanlungan sa halimbawa ni Jesucristo. Kapag kumikilos tayo at naglilingkod na katulad ni Cristo, gaano man kaliit, ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Kanya at sa Ama sa Langit. Magdudulot ito sa atin ng walang-hanggang kapayapaan at kagalakan.”

Laura V., 18, Chile

Simpleng Paglilingkod

Larawan
dalagita

“Patuloy na maging positibong impluwensya para sa mga tao sa paligid mo. Ang pagbabahagi ng simpleng mensahe ng ebanghelyo o kahit pakikinig lang sa isang tao ay labis na makaaantig sa kanilang puso at magpapasaya sa kanila. Ang ating Ama sa Langit ay magiging masaya rin, at magpapasalamat sa atin sa pagtulong sa Kanyang gawain.”

Daniela M., 15, Honduras

Kasangkapan sa Kanyang mga Kamay

Larawan
binatilyo

“Kung minsan ay mahirap makita ang ating impluwensya. Ngunit kapag nagpapakita tayo ng halimbawa bilang mga tagasunod ni Jesucristo at nagsisikap na tuparin ang ating mga tipan, pagpapalain tayo ng Panginoon. Magiging kasangkapan tayo sa Kanyang mga kamay para maantig ang puso ng ibang tao. Maaari nating mabago ang isang tao, kahit hindi natin natatanto na nangyayari ito.”

José C., 14, England

Mahalaga ang Iyong mga Kilos

Larawan
dalagita

“Lahat ng bagay na ginagawa ninyo ay mahalaga. Sinisikap kong gawin ang lahat taglay ang mabuting hangarin at sundan ang mga yapak ni Cristo. Ito man ay pagbati sa isang kasama sa grupo, pag-alo sa kapatid, o pagbati sa isang kapitbahay, bawat munting bagay na ginagawa natin sa mundong ito ay makatutulong na makagawa ng kaibhan para sa dakilang gawain ng Panginoon!”

Savannah K., 14, Tennessee, USA

Ikaw ay Sapat Na

“Nakikita ng malalapit mong kapamilya at kaibigan na ikaw ay sapat na—at sila ang tunay na nakakakilala sa iyo. May malasakit ang ating Ama sa Langit sa iyo at ikaw ay mahal din Niya. Dapat mong malaman na ikaw ay Kanyang anak at ikaw ay bahagi ng Kanyang plano. Kilala ka Niya, at mahalaga ang iyong mga pagsisikap sa Kanyang mga mata.”

Matthew W., 14, California, USA

Nakikita ng Ama sa Langit

“Alam ng Ama sa Langit ang iyong mga kilos, iniisip, at intensyon. Kahit parang walang nakakapansin sa kabutihang ginagawa mo, nakikita ito ng Ama sa Langit at ni Jesus, at tatanggap ka ng mga pagpapala para dito. Basta’t sinisikap mong piliin ang tama sa abot ng iyong makakaya, hindi mo kailangang mag-alala o matakot.”

Bella R., 14, Arizona, USA

Araw-araw na Superhero

“Makagagawa ka ng kaibhan sa pinakamaliliit na paraan, kahit nakaupo ka lang na katabi ang isang malungkot na bata sa paaralan, kausap ang isang tao, o nagpapadala ng email para ipakita sa isang tao na may malasakit ka sa kanya. Maaaring hindi mo ito makita kaagad, pero tinitiyak ko na makikita mo ito kalaunan. Maaari kang maging superhero sa isang tao o magkaroon ng bagong kaibigan. Alam ko iyan mismo dahil naranasan ko ito mismo.”

Ashlyn F., 16, Utah, USA

Maliliit at mga Karaniwang Bagay

“Napapanatag ako sa mga salita ni propetang Alma: “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6). Kapag iniisip ko kung ano ang maliliit at simpleng bagay na ito, nagdarasal ako para malaman ang kalooban ng Panginoon para sa akin, at para humingi ng tulong upang maisakatuparan ang Kanyang kalooban. Natuklasan ko na ang paggawa ng maliliit na bagay ay mas naglapit sa akin sa Kanya.”

Kaelen R., 18, New York, USA

Pangitiin ang Ibang Tao

“Gumagawa ako ng kaibhan sa pagsisikap na pangitiin ang isang tao. Kahit isang tao lang ito, ang pagpapatawa sa kanya, pagpuri sa kanya, o pagkumusta sa kanya ay makagagawa ng napakalaking kaibhan.”

Megan B., California, USA

Print