2022
Tumingin nang Lampas sa Sopas
Pebrero 2022


“Tumingin nang Lampas sa Sopas,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Genesis 25–26

Tumingin nang Lampas sa Sopas

Huwag talikuran ang pinakamahalaga para sa bagay na gusto mo na pansamantala lamang.

Larawan
batang may sopas

Larawang-guhit ni Dean Macadam

Kung nakapag-ayuno ka na, alam mo kung gaano kahirap ito kung minsan. Maaaring natukso ka nang tapusin nang maaga ang iyong pag-aayuno. Pero ang mga nagtatapos nang maaga ay hindi alam ang mga pagpapalang darating sana kung nagtiis sila hanggang wakas.

Sopas at Pagpapakasakit

Ang paghihirap na ito—paggawa ng agarang mga sakripisyo para sa mga pagpapala na matagal pang darating—ay hindi na bago. Matatagpuan ito sa kuwento sa Lumang Tipan tungkol kina Jacob at Esau, nang talikuran ni Esau ang pinakamahalagang pagpapala sa kanyang buhay para sa “mapulang nilaga,” na isang mangkok ng sopas (tingnan sa Genesis 25).

Oo, tama ang nabasa mo. Isang mangkok ng sopas. Ganito ang nangyari:

Sina Esau at Jacob ay kambal. Pero may isang malaking pagkakaiba: si Esau ang panganay, kaya siya ang may karapatan sa pagkapanganay. Alam ninyo, noon kapag namatay ang ama ng pamilya, binibigyan ang bawat anak na lalaki ng bahagi ng lahat ng mayroon ang ama—ang kanyang ari-arian, mga hayop, at lupain. Simula pa lamang ito ng mga matatanggap nila. Ngunit ang batang nagtataglay ng pagkapanganay (kadalasan ang panganay na anak na lalaki) ay tumatanggap ng dobleng bahagi ng lahat ng bagay at ng responsibilidad na pamunuan ang pamilya.

Ngunit “hinamak ni Esau ang kaniyang pagkapanganay” (Genesis 25:34). Ang pamilya at ang mga bagay ng Panginoon ay hindi mahalaga sa kanya (tingnan sa Genesis 26:34–35). Si Jacob, sa kabilang banda, ay masunurin sa Panginoon at sa kanyang mga magulang.

Isang araw, pagkaraan ng mahabang araw ng pangangaso, umuwi si Esau na nagugutom kaya inisip niya na baka mamatay siya. Nagmamalabis man siya o talagang gutom na gutom siya, nang nakita ni Esau na naghahanda si Jacob ng masarap na sopas, sa isang bagay lang siya nagtuon: sa pagkain!

Si Jacob, na nagpapahalaga sa pagkapanganay, ay hiningi ang pagkapanganay kay Esau bilang kapalit ng sopas. Sa sandaling iyon, mas inisip ni Esau ang gusto niya sa mismong oras na iyon. Ang mas malalaking pagpapala sa kanya sa hinaharap ay hindi ganoon kahalaga para sabihin ang “Hindi” sa alok ni Jacob.

Ngayon, ang paglabas para mangaso at pagnanais na makakain ng masarap na sopas ay hindi masama sa anumang paraan. Ngunit gaya ng itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Hindi sapat na dahilan ang pagiging maganda ng isang bagay para gawin ito. … Ang ibang mga pagpipilian ay mas maganda, at may iba pang pinakamaganda.”1

Kaya, talagang may mahalagang aral ukol sa walang-hanggan na maituturo sa atin si Esau. Sinabi na ng Ama sa Langit kung ano ang pinakamahalaga. Ang ilan sa mga pagpapala sa pagsunod sa Kanyang plano ay dumarating kaagad, pero marami ang dumarating kalaunan. Ang hamon sa atin, ang pagsubok sa atin, ay huwag isuko ang pinakagusto natin bilang kapalit ng gusto natin ngayon.

Mga Sandali ng Mapulang Nilaga

Nahaharap tayo sa maraming desisyon kung saan maaari tayong mag-isip na tulad ng paraan ng pag-iisip ni Esau:

“Maglalaro ba ako ng isa pang laro bago matulog? O babasahin ko ang aking mga banal na kasulatan?”

“Dapat pupunta ako sa service activity na iyon, pero inanyayahan ako ng mga kaibigan ko na samahan sila.”

“Puwede akong matulog nang isang oras pa kung hindi ako pupunta sa seminary ngayon.”

Ang maliliit na desisyong tulad nito ay naiipon. Kahit hindi masama ang ating mga pagpili, maaaring ang mga ito ay hindi ang pinakamabuti na hahantong sa walang-hanggang kapayapaan at kaligayahan.

Itinanong ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang tanong na maaaring iniisip nating lahat: “Paano natin mahahanap ang ating daan tungo sa maraming mahahalagang bagay?” Ang sagot niya: “Pinasisimple at dinadalisay natin ang ating pananaw. Ang ilang bagay ay masama at dapat iwasan; ang ilan ay kasiya-siya; ang ilan ay mahalaga; at ang ilan naman ay talagang napakahalaga.”2

Maging Isang Jacob

Dahil palaging pinababayaan ni Esau ang pinakamahahalagang bagay, naisantabi niya ang kanyang pagkapanganay. Ang kabutihan ni Jacob ang naging daan para matanggap niya ang mga pagpapala ni Esau. Nagpatuloy siya upang maging Israel, na tinutukoy sa labindalawang lipi ni Israel. Lahat tayo ay biniyayaan ng sarili nating walang-hanggang pagkapanganay—ang pagkakataong maging katulad ng ating Ama sa Langit at manahin ang lahat ng mayroon Siya. Ito ay para sa lahat ng lumalapit kay Cristo at sumusunod sa Kanyang mga kautusan.

Kadalasan ang pinakamabuting pagpili ay hindi ang pinakamadali. “Siyempre mahirap,” itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson. “Lahat ng ginagawa para maging lalong katulad ng Tagapagligtas ay mahirap.” Pero ipinapaalala niya sa atin, “nais ng Panginoon na may pagsisikap, dahil naghahatid ito ng mga gantimpala na hindi darating kung wala ito.”3

Maaaring parang hindi palaging sulit ang sakripisyo ng pagsunod sa mga kautusan. Ngunit ang kamangha-manghang bagay ay, lagi kang pagpapalain ng Panginoon kapag “tumingin ka nang lampas sa sopas” tungo sa mga bagay na pinakamahalaga.

Mga Tala

  1. Dallin H. Oaks, pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2007 (Ensign o Liahona, Nob. 2007, 104–5).

  2. Neil L. Andersen, pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2007 (Ensign o Liahona, Mayo 2007, 74).

  3. Russell M. Nelson, sa Joy D. Jones, pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2020 (Ensign o Liahona, Mayo 2020, 16).

Print