2022
Nadarama Ko ang Kanyang Pagmamahal
Pebrero 2022


“Nadarama Ko ang Kanyang Pagmamahal,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2022.

Ang Tema at Ako

Ibinahagi ng mga kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga salita sa Mga Tema ng Young Women at Aaronic Priesthood Quorum

Nadarama Ko ang Kanyang Pagmamahal

“Ako ay minamahal na anak na babae ng mga magulang sa langit, na may banal na katangian at walang-hanggang tadhana.”

Larawan
image

Sa unang taon ko sa hayskul, nakontrol ang buhay ko ng isang eating disorder. Sinabi ko sa lahat na OK ako para hindi sila magtanong, pero lagi akong nanlalamig, nanghihina, at napapagod dahil sa kakulangan ng pagkain. Nawalan ako ng interes sa mga bagay na dati-rati ay gustung-gusto ko. Tumigil pa ako sa pagdarasal sa Ama sa Langit. Nakonsensya ako dahil hindi ako ang taong inakala kong dapat kong kahinatnan.

Noong una, ayaw kong maniwala na may problema ako. Pero kalaunan ay nadama ko na dapat kong sabihin sa matalik kong kaibigan ang tungkol sa mga paghihirap ko. Wala akong ideya na ang pagsasabi nito sa isang taong pinagkakatiwalaan ko ay magliligtas sa buhay ko.

Sinabi ng kaibigan ko sa mga magulang ko kung ano ang nangyayari, dahil sa pag-aalala niya sa akin. Nang sa wakas ay sinabi ko sa kanila ang katotohanan, mas lalo kong nadama ang pagmamahal ng Ama sa Langit nang higit kailanman. Nabanaag ito sa pagmamahal na ipinakita sa akin ng mga magulang ko at ng iba pang mga kaibigan at kapamilya ko. Ang suporta nila na tulad ng kay Cristo ay nakatulong sa akin na tanggapin na nagkaroon ako ng eating disorder—at na, sa tulong ng Ama sa Langit, makakayanan ko ito.

Ang pagsisimula ng aking pagpapagaling ang pinakamahirap na paglalakbay na naranasan ko. Nasa ospital ako pagkatapos ng pasok sa eskuwela araw-araw para sa pagpapayo at panggagamot. Nang magsimula akong makadama na parang wala nang pag-asa, napanatag ako sa pamamagitan ng panalangin at pagbabasa ng aking mga banal na kasulatan.

Nahihirapan pa rin ako sa aking eating disorder, pero hindi na nito nakokontrol ang buhay ko. Nauunawaan ng aking Ama sa Langit ang aking mga pagsubok, pighati, at pagkabagabag ng konsiyensya, at alam ko na ngayon na hindi ko ito pinagdaanan nang mag-isa. Kapag nakikita ko ang sarili ko ayon sa paningin ng Ama sa Langit, nadarama ko ang aking walang-hanggang tadhana. Nadarama ko ang Kanyang pagmamahal para sa akin—isang pagmamahal na makatutulong sa akin na malampasan ang anumang bagay.

Ang awtor ay naninirahan sa Alabama, USA.

Print