2022
Tinawag na Maglingkod sa Kanyang mga Ninuno
Pebrero 2022


“Tinawag na Maglingkod sa Kanyang mga Ninuno,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2022.

Tinawag na Maglingkod sa Kanyang mga Ninuno

Si Elder Morris ay maglilingkod nang malayo sa tahanan. Pero nagbago ang lahat.

missionary

Mga larawang kuha ni Kaui Wihongi

“Anak, huwag mo itong gawin,” sabi ng kanyang mga magulang. “Sinasayang mo ang buhay mo.”

Hindi iyon ang mga salitang inaasahang marinig ng karamihan sa mga missionary—sa airport pa mismo—habang paalis sila para magreport sa missionary training center (MTC).

Alam ni Elder Morris, mula sa New Zealand, kung gaano siya kamahal ng kanyang mga magulang. Naroon sila para sa kanya sa hirap at sa ginhawa. Pinalalakas nila ang loob niya sa kanyang mga laro sa rugby. Pinalakpakan nila ang kanyang desisyon na mag-aral ng abugasya. Pinalaki nila siya nang may pagmamahal at pag-asa na magkakaroon siya ng magandang buhay sa hinaharap.

Ang kanilang mga pakiusap ay dahil sa pagmamahal nila sa kanya. Para sa kanila, ang ideya na maglilingkod ang minamahal nilang anak nang dalawang taon sa misyon sa kanyang bagong relihiyon ay tila hindi lamang nakalilito, kundi isang banta rin sa mga mithiing pinaghirapan niyang makamit.

Alam ninyo, si Elder Morris ay isang mahusay na atleta na nasa proseso ng pagiging propesyonal na manlalaro ng rugby. Sa kanyang pag-aaral, nagsisimula pa lang ang mga bagay-bagay ukol sa kanyang legal na propesyon.

Ah, at nag-iisip siya tungkol sa pagpapakasal!

binatilyong naglalaro ng rugby

Maraming beses na nilang nakausap si Elder Morris tungkol dito. Tumugon siya sa tanging paraan na alam niya. “Sinabi ko sa kanila na mahal ko sila. Niyakap ko sila. At ibinahagi ko ang patotoo ko na alam ko na ito ang kailangan kong gawin.”

Pagkatapos ay nagpaalam siya sa kanila at sumakay na sa eroplano papunta sa MTC sa Provo, Utah, USA, upang maghanda para sa kanyang misyon sa Pilipinas.

Na sa puntong ito ay lumitaw ang COVID-19 at bumaligtad ang takbo ng mundo.

Mga Pagbabago sa Abot-tanaw

Ang COVID-19 ay balitang-balita na sa buong mundo nang ilang linggo bago pumasok si Elder Morris sa MTC. Sa katunayan, ang kanyang grupo ang huling batch ng mga missionary na magrereport sa MTC sa susunod na 16 na buwan. Ang sumunod na mga grupo ay sinabihang manatili sa bahay at maghintay ng mga karagdagang tagubilin.

Ang pagsasabi na walang katiyakan ang mga bagay-bagay sa MTC ay pagmamaliit sa tunay na kalagayan. “Maraming tao ang nag-alala kung ano ang mangyayari,” sabi ni Elder Morris. “Para sa akin, panatag ako. Hindi ko pa rin alam kung ano nga ba ang mangyayari. Ang alam ko lang ay magiging maayos ang lahat para sa ikabubuti ng lahat.”

Nang dumating ang balita na mare-reassign si Elder Morris sa kanyang inang-bayan na New Zealand, ang kanyang reaksyon ay maaaring hindi ang inyong inaasahan.

Mas lalo pa siyang nasabik!

“Natanto ko na maraming missionary ang umaasang makapaglingkod sa malayong lugar,” sabi ni Elder Morris. “Pero para sa akin, palagi kong naiisip na isang pribilehiyo ang turuan ang sarili kong mga kababayan sa sarili kong bansa. Gusto kong ibahagi ang ebanghelyo sa New Zealand.”

Wala siyang kaalam-alam kung paano nito babaguhin ang kanyang buhay—at ang buhay ng isang babaeng napakahalaga sa kanya.

Ang Bagong Layunin ni Nan

Ang lola (nan) ni Elder Morris ay may mabibigat na problema sa kalusugan. “Naging malubha ang kanyang sakit kaya sinabi niya na dumating na siya sa punto na handa na siyang mamatay. Pakiramdam niya ay wala na siyang anumang dahilan para mabuhay.”

Bago ang kanyang misyon, nagkaroon ng pagkakataon si Elder Morris na simulang ituro ang ebanghelyo sa kanyang nan. Pero ngayon, siya ay isang full-time missionary na nakadestino sa mismong lugar kung saan nakatira ang kanyang nan.

“Mahal na mahal ko ang aking nan,” sabi ni Elder Morris. “At nakita ko na talagang binago siya ng ebanghelyo.”

Pinili ng kanyang nan na mabinyagan at maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Siya ang unang miyembro ng direktang pamilya ni Elder Morris (bukod sa kanya) na sumapi sa Simbahan.

Ang buhay niya, sabi ni Elder Morris, ay talagang ibang-iba na ngayon. “Nang mahanap ng nan ko ang ebanghelyo, natanto niya kung bakit buhay pa siya. Ngayon ay nais na niyang mabuhay! Tuwing umaga gumigising siya nang alas-4 n.u. o alas-5 n.u. at kumakanta ng mga himno. Nagdarasal siya at nagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw. Ginagawa niya ito dahil binigyan siya ng layunin ng ebanghelyo.”

Paulit-ulit na nakita ni Elder Morris ang liwanag na hatid ng ebanghelyo sa buhay ng mga tinuturuan niya. Nagkaroon siya ng pagkakataong turuan ang iba pang mga kaibigan at kapamilya. Nakita niya mismo kung paano sila mas bumubuti. “Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng layunin,” sabi ni Elder Morris. “Labis akong nalulungkot para sa mga taong walang ebanghelyo sa kanilang buhay. Hindi nila alam ang kanilang tunay na pagkatao.”

Sa isang banda, napansin din ng kanyang mga magulang ang mga pagbabago sa nan ni Elder Morris. Nakikita nila ngayon na napagpala ng ebanghelyo ang kanyang buhay sa maraming paraan.

missionary kasama ang lola

Si Elder Morris kasama ang kanyang nan (lola).

Paanyaya ni Elder Morris sa mga Kabataan

Walang alinlangan si Elder Morris na ang pagmimisyon ang tamang desisyon. Alam din niya sa simula ng kanyang misyon, nang magsimulang lumaganap ang COVID-19 sa buong mundo, na papatnubayan pa rin ng Diyos ang Kanyang gawain. “Ang gawain ng tao ay mabibigo, ngunit ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman mabibigo,” sabi niya.

Sa tuwing may pagkakataon siyang gawin ito, hinihikayat niya ang mga kabataan na mamuhay nang karapat-dapat para makapagmisyon. Para kay Elder Morris, wala nang iba pang desisyon na magkakaroon ng mas malaking epekto sa kanyang hinaharap—lalo na sa kanyang walang-hanggang hinaharap. “Ang pinakamalaking payo na ibibigay ko sa mga kabataan ay maghandang magmisyon. Babaguhin nito ang inyong buhay.”

Kinikilala niya na ang pagpiling maglingkod ay maaaring may kasamang sakripisyo. Pero muli, may alam siyang isa o dalawang bagay tungkol sa sakripisyo, at ang mga pagpapalang nagmumula rito.

mga missionary companion