2022
Ang Kapangyarihang Tinatawag Nating Biyaya
Hulyo 2022


“Ang Kapangyarihang Tinatawag Nating Biyaya,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2022.

Tulong sa Buhay

Ang Kapangyarihang Tinatawag Nating Biyaya

Matutulungan tayo ng biyaya ng Diyos, anuman ang mga hamong kinakaharap natin.

dalagita

Larawang kuha mula sa Getty Images

Pumunta ako sa libing ng isang dating miyembro ng ward na namatay dahil sa pagpapakamatay matapos ang mahabang pakikibaka sa depresyon. Nalungkot ako habang ipinagdadalamhati namin ng kanyang mga kaibigan at pamilya ang kanyang pagkawala.

Ang depresyon at iba pang mga hamon sa kalusugan ng pag-iisip ay maaaring maging kumplikado at mahirap para sa mga taong kinakaharap ang mga ito at sa lahat ng nagmamahal sa kanila. Ang mabuting balita ng ebanghelyo ay na si Cristo ay nagbibigay ng pag-asa at tulong sa pamamagitan ng Kanyang kaloob na biyaya.

Nakita sa isang pag-aaral na kinabibilangan ng 600 young adult sa Brigham Young University na ang mga nakauunawa sa biyaya ni Jesucristo ay may mas mababang antas ng depresyon, pagkabalisa, pagiging perpeksiyonista, at pagkahiya.1 Ano ang naunawaan ng mga kabataang ito tungkol sa biyaya na nakagawa ng malaking kaibhan sa kanilang buhay?

Walang Katapusan ang Pagmamahal sa Atin ng Diyos

Sa pag-aaral, naniniwala ang ilang tao na mamahalin at tutulungan lamang sila ng Diyos at ni Jesucristo kung sila ay perpekto na. Ang mga taong iyon ay mas nahihirapan kaysa sa iba na nakauunawa na walang katapusan ang pagmamahal sa kanila ng Diyos at ni Jesucristo at laging nariyan para sa kanila.

Sa Ingles, ang salitang biyaya ay maraming kahulugan. Maaari itong mangahulugan ng karingalan, kabaitan, o paggalang. Sa Hebreo, ang ibig sabihin ng salitang iyan ay tulong o kabutihang-loob na may pagkahabag. Marahil ay ipinaliliwanag nito kung bakit ginamit ng mga Kristiyano sa paglipas ng mga siglo ang salitang biyaya upang ilarawan ang tulong, mabuting kalooban, at pagmamahal ng Diyos.

Nais ng Diyos na Tulungan Tayo

Nauunawaan ng mga Banal sa mga Huling Araw na ang ibig sabihin ng biyaya ay higit pa sa isang katangian ng Diyos. Inilalarawan din ng biyaya kung paano Siya tumutulong sa atin kapag nagsisikap tayong maging katulad Niya (tingnan sa Moroni 10:32). Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na “ang biyaya ay ang banal na pagtulong at pagkakaloob ng lakas na lumago mula sa pagiging mga nilalang na may kapintasan at limitado tungo sa kadakilaan.”2

Sa pag-aaral na binanggit kanina, ang mga kabataan na itinuturing ang Diyos at si Cristo na handa at may kakayahang tulungan sila ay hindi gaanong nagkakaroon ng hamon sa kalusugan ng pag-iisip kaysa sa mga taong nakadarama na nag-iisa sila.

Tinutulungan Tayo ng Diyos sa Kasalukuyan Nating Kalagayan

Napakaraming tao ang nakadarama na hindi nila matatamo ang tulong ng Diyos dahil hindi sila karapat-dapat dito. Ang totoo, ang biyaya ay isang kaloob. Hindi kailangang maging karapat-dapat sa isang kaloob. Kailangan mo lang piliing tanggapin ito.

Sa pag-aaral, mas kaunti ang mga hamon sa kalusugan ng pag-iisip sa mga taong nauunawaan na tinutulungan tayo ng Diyos anuman ang kalagayan natin at anuman ang nagawa natin. Sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi natin kailangang kamtin ang katamtamang lebel ng kakayahan o kabutihan bago tumulong ang Diyos—ang banal na tulong ay mapapasaatin sa bawat oras ng bawat araw, saan man tayo naroon sa landas ng pagsunod.”3

Sa libing ng aking kaibigan, nagpapasalamat ako sa malakas na mga patotoong ibinahagi tungkol sa pag-asa at paggaling na makakamtan ng lahat sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Tunay ngang si Cristo ang solusyon sa bawat problema at pinagmumulan ng tunay na kagalakan.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Daniel K. Judd, W. Justin Dyer, at Justin B. Top, “Grace, Legalism, and Mental Health: Examining Direct and Mediating Relationships,” Psychology of Religion and Spirituality, tomo 12, blg. 1, Peb. 2020, 26–35; tingnan din sa Daniel K. Judd and W. Justin Dyer, “Grace, Legalism, and Mental Health among the Latter-day Saints,” BYU Studies, tomo 59, blg. 1 (2020), 5–23.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2015 (Ensign o Liahona, Mayo 2015, 107).

  3. D. Todd Christofferson, pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2014 (Ensign o Liahona, Nob. 2014, 19).