“Ang Templo at ang Iyong Paglalakbay Tungo sa Kawalang-Hanggan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2022.
Ang Templo at ang Iyong Paglalakbay Tungo sa Kawalang-Hanggan
Napakapalad nating magabayan sa bahay ng Panginoon.
Ikaw ay kasalukuyang naglalakbay. Nagsimula ito noong nabuhay ka sa piling ng Ama sa Langit bilang Kanyang espiritung anak na lalaki o babae. Ngayon ay narito ka sa lupa at ang iyong espiritu ay nananahan sa pisikal na katawan upang malaman ang lahat ng kailangan para makabalik balang-araw sa Ama sa Langit at maging karapat-dapat sa lahat ng pagpapalang mayroon Siya para sa Kanyang mga anak. Ang ilan sa pinakamagagandang bagay na matututuhan mo sa paglalakbay na ito tungo sa kawalang-hanggan ay matatamo sa mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Mga Templo sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo
Nang ipinanganak ako noong 1928, pito lamang ang templo. Ngayon ay mayroon na tayong magagandang templo na nasa iba’t ibang panig ng mundo. At madaragdagan pa! Ang mga templo ay naghahatid ng kagalakan at kapangyarihang kailangan natin para sa ating paglalakbay tungo sa kawalang-hanggan.
Wala nang iba pang mga gusali sa mundo—maging ang pinakamagagandang gusali—ang may mga katangiang makikita sa mga templo. Sinabi ng Tagapagligtas kay Pedro na siya ay bibigyan ng kapangyarihan at karapatan upang “anumang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit” (Mateo 16:19). Napakahalagang pahayag iyan! Ang mga templo ay inilaan at itinalaga sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood bilang isang lugar para magsagawa ng mga sagradong ordenansa. Ang mga ordenansang ito ay may bisa sa magkabilang panig ng tabing.
Ang Kagalakang Dulot ng mga Walang Hanggang Pamilya
Ang asawa kong si Barbara ay pumanaw halos apat na taon na ang nakararaan. Ngunit dahil pumasok kami sa bahay ng Panginoon at ibinuklod bilang mag-asawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood, naibuklod kami sa aming pitong anak, 43 apo, at mahigit 100 apo-sa-tuhod, sa buong kawalang-hanggan. Napakagandang pagpapala ang templo! Napupuspos ng kagalakan ang puso ko dahil ang aking pamilya ay magkakasama-sama magpakailanman. At maaari ding mangyari ito sa iyong pamilya.
Kapag dumating ka na sa edad ko, hindi ka na gaanong magiging interesado sa pagkakaroon ng maraming pera o pagmamaneho ng mamahaling kotse. Ang magiging pinakamahalagang bagay sa buhay mo ay ang iyong pamilya—hindi lamang ang pamilyang mayroon ka rito kundi maging ang iyong pamilya sa kawalang-hanggan.
Ang Kapangyarihan ng Ipinanumbalik na Katotohanan
Alam mo kung sino ka—isang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos na may walang hanggang potensyal. Alam mo kung saan ka nanggaling, bakit ka narito, at ano ang mangyayari sa mundong darating.
Nanggilalas ako na ang mga katotohanang ito ay kamangha-manghang resulta ng pagluhod at pagdalangin ng isang batang lalaki sa kakahuyan. Nagpakita ang Ama at ang Anak kay Joseph Smith at, paunti-unti, ang mga pagpapala ng ebanghelyo ay ipinanumbalik.
Pinasasalamatan ko nang labis si Joseph Smith. Ang ating nanumbalik na pag-unawa sa plano ng Diyos, ang mahalagang ginagampanan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at ang walang hanggang kahalagahan ng mga pamilya at templo ay nagsimula sa kanya. Patuloy tayong magtatayo ng mga templo at ibabalita ang mga bagong templo habang patuloy na lumalaganap ang mensahe ng Pagpapanumbalik sa buong mundo.
Ang mga ipinanumbalik na katotohanan, lalo na ang mga katotohanang natututuhan natin sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo, ay nagpapakita sa atin ng tunay na kahalagahan ng buhay at binibigyan tayo ng lakas na tulungan tayo sa ating paglalakbay tungo sa kawalang-hanggan.
Gawing Bahagi ng Iyong Buhay ang Templo
Maaaring mahirap para sa iyo na isipin na ang isang bagay na magagawa mo ngayon ay makagagawa ng malaking kaibhan ilang taon mula ngayon o kahit matapos na ang buhay na ito. Ngunit alalahanin ang kasalukuyang paglalakbay mo tungo sa kawalang-hanggan. Kapag nabinyagan at nakumpirma ka, gumagawa ka ng mahahalagang hakbang sa paglalakbay na ito.
Matutulungan mo ang mga yumao na makapagpatuloy sa kanilang paglalakbay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga binyag at kumpirmasyon para sa kanila sa templo. Ginawa ko ito nang maraming beses noong kaedad mo ako. Naaalala ko na bininyagan ako para sa mahigit 60 katao. Sandali lang ako nakakahinga sa pagitan ng mga pagbibinyag!
Kung may pagkakataon kang pumunta sa templo, gawin ito! Pumunta nang madalas hangga’t kaya mo. Huwag sanang magtuon sa mga bagay na hindi gaanong mahalaga na umuubos sa iyong oras at maglilihis sa iyo sa kung ano ang tunay at pangwalang-hanggan. Kahit nakatira ka malayo sa templo, ituon at ihanda ang iyong sarili ngayon na maging karapat-dapat na pumasok sa templo.
Maghanda na Ngayon para sa Iyong mga Pagpapala sa Templo
Isa sa mga unang ordenansa sa templo na matatanggap mo para sa iyong sarili ay ang endowment. Ito ay kaloob na kapangyarihan ng priesthood na matatamo ng lahat ng anak ng Diyos. Natatamo natin ang kapangyarihang ito sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga ordenansa at pagtupad sa mga tipang ginagawa natin sa templo sa bawat araw ng ating buhay.
Maaari kang maghanda para sa iyong endowment at iba pang mga ordenansa sa templo sa pamamagitan ng pagninilay, pagdarasal, at pag-aaral tungkol sa templo. Kung ang iyong mga magulang o lolo’t lola ay nakapunta na sa templo, kausapin sila tungkol sa kaluwalhatian ng pagpapalang ito. Tutulong din sa iyo ang bishop mo at ang iba pang mga lider. Umaasa rin ako na makakakita ka ng mabubuting kaibigan na susuporta sa iyo. Magpapasalamat ka kapag dumating ang araw na makakapasok ka sa templo at handa kang tanggapin ang lahat ng kagila-gilalas na pangako at pagpapala na nais ibigay sa iyo ng Panginoon.
Patuloy ang Paglalakbay
Ang layunin ng buhay na ito ay ihanda ang ating sarili para sa susunod na buhay. Ang dakilang plano ng Ama sa Langit ay hindi natatapos sa kamatayan, dahil ang iyong espiritu ay hindi kailanman mamamatay. Magtutungo ito sa daigdig ng mga espiritu upang patuloy na matuto, maglingkod, at maghintay sa Pagkabuhay na Mag-uli. Pagkatapos, luluhod ang bawat tuhod, at bawat dila ay susumpa na si Jesus ang Cristo (tingnan sa Isaias 45:23). Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, ang ating katawan at espiritu ay muling magsasama, at ang ating paglalakbay ay magpapatuloy sa kawalang-hanggan. Napakadakilang pagpapala nito para sa ating lahat!
Kapag nagawa at nasabi na ang lahat, lahat ng bagay na mahalaga at may walang-hanggang epekto ay nakatuon sa buhay at misyon ni Jesucristo. Ang iyong kaalaman at pananampalataya sa Kanya ay lalago habang naglilingkod ka sa templo. Madarama mo ang Kanyang walang hanggang pagmamahal para sa iyo at makadarama ka ng kagalakan at espirituwal na lakas habambuhay.