2022
Paghahanda para sa Dubai Temple
Hulyo 2022


“Paghahanda para sa Dubai Temple,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2022.

Paghahanda para sa Dubai Temple

Ibinahagi ng mga kabataan sa Dubai at Qatar ang kanilang pagmamahal sa templo at kanilang kagalakan dahil sa itinatayong templo malapit sa kanila.

Larawan
binatilyo

Mga larawan ni Saajan na kuha ni Carla Nacario

Ilang simpleng salita lang ito, ngunit binabago nito ang iyong buhay kapag binigkas ng isang propeta ng Diyos. Sa pangkalahatang kumperensya, sabik na nakinig ang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo para sa mga bagong balita tungkol sa templo. At para kina Saajan at Gwen, nang sabihin ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga salitang, “Dubai, United Arab Emirates,” sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020, alam ng dalawang kabataang ito na hindi na magiging katulad ng dati ang buhay nila.1

Kilalanin si Saajan mula sa Dubai

Ang labindalawang taong gulang na si Saajan ay hindi pa personal na nakakita ng templo.

“Noon pa man ay mithiin na ng nanay ko na makapunta sa templo,” sabi ni Saajan. “Minahal namin ang templo dahil nakita namin kung gaano niya ito kamahal. Ngayon ang mithiin ko sa buhay ay makapunta sa templo.”

Si Saajan ay ipinanganak sa India, ngunit nang magdiborsyo ang kanyang mga magulang, lumipat sila ng kanyang ina sa United Arab Emirates. “Talagang napakasipag ng nanay ko. Para siyang superhero sa akin. Kahit sa panahon ng mga pagsubok, hindi siya kailanman sumuko.”

Larawan
isang binatilyo at isang ina

Sumapi ang nanay at lola ni Saajan sa Simbahan sa India ilang taon bago siya ipinanganak. Binasa nila ang Aklat ni Mormon at alam nila na ito ay sagot sa kanilang mga panalangin. Lumaki si Saajan na nagsisimba kasama ang kanyang ina, at kamakailan lamang ay nabinyagan siya matapos hintayin ang pahintulot ng kanyang ama.

“Ang pagpapabinyag ay isa sa pinakamagagandang pagpiling nagawa ko,” sabi niya. “At nang matanggap ko ang kaloob na Espiritu Santo, nakadama ako ng sigla at galak.”

Ngayon ay nagpapasa na si Saajan ng sakramento para sa kanyang ward at naghahandang pumasok sa templo. Natanggap niya ang kanyang temple recommend, at nasasabik na siyang makapasok sa Dubai United Arab Emirates Temple kapag natapos na ito.

“Nang marinig ko na ibinalita nila ang templo, alam kong personal akong mapagpapala nito,” sabi ni Saajan. “Sagot iyon sa aking mga panalangin. Nagulat ako dahil itinatayo nila ito malapit sa lugar kung saan kami nakatira! Makakasakay ako ng tren na direktang bumibiyahe papunta sa templo at makakapunta ako roon kahit gaano kadalas ko gusto. Natutuwa rin ako sa itatayong Bengaluru India Temple na mapupuntahan ng lolo’t lola ko.”

Larawan
binatilyong may hawak na larawan ng kanyang lolo’t lola

Masayang-masaya si Saajan dahil malapit lang ang kanyang lolo’t lola sa Bengaluru India Temple.

Gusto ring gawin ni Saajan ang gawain sa templo para sa iba pa niyang mga ninuno.

Larawan
binatilyo at ina sa harap ng computer

“Inihahanda ko ang sarili ko upang maging karapat-dapat na makapasok sa templo. Gusto kong gawin ang makakaya ko para matulungan ang lahat ng aking ninuno. May napakagandang pagkakataon ako na maglingkod sa Panginoon at gawin ang mga bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos.”

Kilalanin si Gwen mula sa Qatar

Larawan
dalagita

Mga larawan ni Gwen na kuha ni Christina Smith at sa kagandahang-loob ng kanyang pamilya

Sa unang 18 taon ng kanyang buhay, nanirahan si Gwen sa limang iba’t ibang bansa: Scotland, Angola, England, Kazakhstan, at Qatar. Dahil sa trabaho ng kanyang ama tumira sila sa iba’t ibang panig ng mundo, at ang pinakahuli sa ngayon, sa Middle East.

Nasa ibang lugar na ang nakatatandang mga kapatid ni Gwen, kaya nakatira siya sa Qatar kasama ang kanyang ina at ama. Isa sa mga paborito niyang karanasan ay ang paglalakbay kasama ang mga kabataan sa kanyang ward para sa isang temple trip papunta sa Kiev Ukraine Temple. Walang templong malapit sa tirahan nila kaya ang mga Banal sa Middle East ay kailangang sumakay ng eroplano para makapunta sa mga templo sa ibang mga bansa.

“Sabik na sabik ako noon na makapaglakbay, at gusto kong magdala ng mga pangalan ng mga kapamilya ko,” sabi niya. “Araw-araw ay naghahanap ako ng mga pangalan ng mga kapamilya sa phone ko papunta at pauwi mula sa paaralan. Nakakita ako ng mga 200 pangalan. Pakiramdam ko ay handang-handa na akong pumunta sa templo!”

Larawan
mga temple card

Ngunit may isang maliit na problema na hindi niya napaghandaan.

Isang pandaigdigang pandemya.

Lumapag ang eroplano ni Gwen sa Ukraine noong Marso ng 2020—nang magsimula silang makarinig ng mga balita tungkol sa pagkalat ng COVID-19 virus. Sa tulong ng langit, nakarating sila sa templo at nakapagsagawa ng mga binyag para sa mga pangalan ng pamilya na inihanda ni Gwen.

Larawan
grupo ng mga kabataang babae

“Nagkaroon ng sunud-sunod na himala,” sabi niya. “Sa pagpunta namin sa templo, nag-alala ako dahil sa pandemya. Ngunit sa loob ng templo nakadama ako ng labis na kapayapaan at kapanatagan. At nakabalik kami sa Qatar bago isinara ang mga hangganan.”

Larawan
dalawang kabataang babae

Ngunit ang ina ni Gwen, na bumisita sa isa sa mga kapatid ni Gwen sa Estados Unidos ng Amerika, ay hindi nakabalik sa Qatar. Sina Gwen at ang kanyang ama ay na-quarantine sa bahay nang magkaroon ng COVID ang kanyang ama. “Ilang araw ding malubha ang sakit niya at hindi siya gaanong makakilos,” sabi ni Gwen. “Pakiramdam ko noon ay nag-iisa ako. Wala pa rin ang nanay ko, at wala akong gaanong alam na iluto at ihandang pagkain maliban sa grilled cheese sandwich.”

Ngunit nagkaroon ng espesyal na karanasan si Gwen habang nagdaraos ng samba sa bahay kasama ng kanyang ama.

“Pakiramdam ko ang mga taong dinala namin ang mga pangalan sa templo ay kasama namin ng tatay ko,” sabi niya. “Hindi ko na nadamang nag-iisa ako. Talagang nakaaantig na karanasan iyon. Ang pagpunta sa templo bago ang pandemya ay napakalaking pagpapala.”

Larawan
grupo ng mga kabataan sa harap ng templo

Isang buwan lang matapos siyang magpunta sa templo sa Ukraine, ibinalita na itatayo ang Dubai United Arab Emirates Temple. Masayang-masaya si Gwen! At alam niya kung gaano kahalaga ito sa mga tao sa kanyang lugar.

“Alam ko na may mga tao sa lugar namin na hindi kayang magbiyahe sa eroplano papunta sa isa pang templo sa Europa. Matagal na silang naghihintay na mabuklod bilang mga walang hanggang pamilya. Ipinapakita nito sa akin na talagang nangyayari ang pagtitipon. Inihahanda natin ang daan sa muling pagparito ni Cristo.”

Mga Pagpapala ng Templo

Ang isang bagay na parehong nangyayari kina Gwen at Saajan ay napagpapala na ng templo ang kanilang buhay. Sinabi ni Pangulong Nelson, “Ang mga templo ang pinakatampok na bahagi ng Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Sa kabutihan at pagka-mapagbigay ng Diyos, inilalapit Niya ang mga pagpapala ng templo sa Kanyang mga anak sa lahat ng dako.”2

Print