“Ang Kamangha-manghang Kapangyarihan ng Pasasalamat,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2022.
Ang Kamangha-manghang Kapangyarihan ng Pasasalamat
Hindi lamang maganda na mapagpasalamat ka—mababago nito ang buhay mo.
Tulad ng ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang pagbilang sa ating mga pagpapala ay mas mainam kaysa sa pag-alaala sa ating mga problema. … Ang [pasasalamat] ay nagbibigay sa atin ng mas malawak na pananaw sa pinakalayunin at kagalakan ng buhay.”1
Totoo iyan! Ang pagiging mapagpasalamat ay naghahatid ng maraming pagpapala. Ang pasasalamat ay makatutulong na maging mas masaya at mas malusog ka, makatulog ka nang mas mahimbing, mapalakas ang kalusugan ng iyong isipan at katawan, at magkaroon ka ng mas positibong pananaw at maging mahabagin sa iba. Kapag mas mapagpasalamat ka, mas makakayanan mo ang mga hamon ng buhay. Sa huli, ang pagiging mapagpasalamat ay mas maglalapit sa iyo sa Diyos, na siyang nagbibigay ng lahat ng mabubuting bagay (tingnan sa Santiago 1:17).
Para kay Ester Carneiro Ponciano mula sa Brazil, ang paglilista ng mga ipinagpapasalamat niya ay nagpapasaya sa kanya at tinutulungan siyang magkaroon ng lakas at tapang sa mahihirap na panahon.
Listahan ng Pasasalamat ni Ester
1 Ang Ebanghelyo
Habang pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan, nagdarasal araw-araw, dumadalo sa seminary, at nagsisimba, nahihikayat akong magsikap na maging mas mabuti. Ang ebanghelyo ay naghahatid ng pag-asa na darating ang mas magagandang araw. Talagang nagbibigay ito ng walang hanggang kaligayahan.
2 Ang Aking Pamilya
Anim kami sa pamilya, kaya laging puno ang bahay namin! Magkakasama kaming naglalaro ng board games, naglalakad sa labas, nagluluto, at nag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Ang pamilya ko ang ligtas na kanlungan ko laban sa ligalig ng mundo. Naipapakita ko ang talagang ako kapag kasama ko sila. Hindi kami perpekto, pero napakasaya namin. Nagpapasalamat ako na may mga taong mapagkakatiwalaan ko palagi.
3 Mga Kaibigan
Kahit isang pandemya ay hindi makasisira sa aming tunay na pagkakaibigan. Kahit hindi kami magkakasama nang personal, nakahahanap pa rin kami ng mga paraan na makaugnayan ang isa’t isa. Gustung-gusto naming tumawa at kumanta nang magkakasama. Gustung-gusto kong kakwentuhan ang mga kaibigan ko. Ipinagpapasalamat ko ang bawat isa sa kanila.
4 Ehersisyo
Dati, ang ehersisyo ay hindi kasama sa listahan ng pinasasalamatan ko. Hindi ako mahilig mag-ehersisyo. Pagkatapos ay sinubukan kong magbisikleta at nagustuhan ko ito! Kapag nagbibisikleta ako, masaya ako. Pakiramdam ko ay gumaganda ang nasa paligid ko. Binibigyan ako nito ng oras na mag-isip, tumingin sa kalikasan, at madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit. Kapag ako ay nag-aalala o nalulungkot, natutulungan ako nito na mapanatag. Kapag nagbibisikleta ako, nakikita ko ang napakaraming dahilan para maging masaya at mapagpasalamat.
5 Musika
Ang musika ay nagbibigay sa akin ng malaking kasiyahan. Magbabago ang mundo ko kung walang musika. Gustung-gusto kong kumanta at makinig sa musika mula pa noong bata ako. Ang musika ay may kapangyarihang pasiglahin tayo, at maaari din tayong payapain nito. Hilig ko talagang makinig sa musika ng mga kabataan mula sa Simbahan.
Ang Pasasalamat ay Naghahatid ng Tunay na Kagalakan
Habang tinitingnan ko ang buhay ko nang may pasasalamat, nakikita ko kung paanong nariyan ang Panginoon sa lahat ng oras sa buhay ko, gaano man kahirap ang mga bagay-bagay. Natanto ko na ang mga pinakasimpleng bagay ay makapagbibigay sa atin ng napakalaking kaligayahan. Kapag tumingin ka sa paligid at nakita mo kung ano ang talagang mahalaga, makahahanap ka rin ng tunay na kagalakan.
Ano ang Ipinagpapasalamat Mo?
Ang nakatutuwa sa paggawa ng listahan ng pasasalamat ay kapag nasimulan mo na to, mahirap na itong tigilan. Subukan mo ito! Maglaan ng oras para gumawa ng sariling listahan ng pasasalamat. Mag-isip ng mga paraan na maipahahayag mo ang iyong pasasalamat sa Ama sa Langit at sa iba para sa mga kaloob na ito. Makikita mo na kapag mas marami kang bagay na isinusulat, mas marami kang maiisip na bagay na maipagpapasalamat mo!