2022
Alam Kong Makikita Ko Siyang Muli
Hulyo 2022


“Alam Kong Makikita Ko Siyang Muli,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2022.

Ang Tema at Ako

Ibinahagi ng mga kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga salita sa Mga Tema ng Young Women at Aaronic Priesthood Quorum

Alam Kong Makikita Ko Siyang Muli

“Ako ay [magiging] karapat-dapat na tatanggap ng mga pagpapala ng templo at ng walang-hanggang kagalakan ng ebanghelyo.”

binatilyo

Naniniwala ako na binigyan tayo ng Panginoon ng mga pamilya para matulungan natin na mapalakas at masuportahan ang isa’t isa. Binigyan din tayo ng Panginoon ng mga pamilya para hindi tayo nag-iisa. Pero nang pumanaw ang tatay ko, pakiramdam ko ay nag-iisa ako. Malapit kami sa isa’t isa ng tatay ko, pero ngayon hindi ko na nakikita ang mga halimbawa niya. Parang ang magagawa ko na lang ay umiyak.

Pero isang gabi, nagpasiya akong magdasal. Sa aking puso ay nadama ko na sinasabi sa akin ng Espiritu na hindi ako nag-iisa. Alam ko ang plano ng kaligtasan. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makikita kong muli ang tatay ko. Ang kaalaman na ang mga pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman ay napakahalaga sa akin. At alam ko na maaaring maging walang hanggan ang pamilya namin dahil nabuklod ang mga magulang ko sa templo.

Noong 12 taong gulang ako, pinaplano kong pumunta sa templo para magsagawa ng mga binyag para sa mga patay sa unang pagkakataon. Pero isinara ang mga templo dahil sa pandemya. Talagang inaasam kong makapunta sa loob ng templo sa unang pagkakataon para madama ang kagalakan doon.

Nang mabuklod ang kapatid ko sa kanyang asawa, nasa labas lang ako ng templo. Pero kahit nasa labas, napakaganda ng naramdaman ko sa puso ko. Kaya naisip ko kung ano ang pakiramdam kapag nakapasok na ako sa loob. Sinabi sa akin ng pamilya ko na ang templo ay isang lugar kung saan maaari kaming malugod sa perpektong planong inihanda ng Diyos para sa amin.

Natutuhan ko rin mula sa mga turo ng mga propeta na maaari akong gumawa ng mga sagradong tipan sa templo. Bawat tipang ginagawa natin sa templo ay napakahalaga. Natanggap ko na ang aking temple recommend, at hindi ako makapaghintay na gamitin ito. At alam ko na balang-araw kapag nabuklod ako sa aking magiging asawa, magkakaroon ako ng sarili kong walang hanggang pamilya.

Ang awtor ay naninirahan sa Culiacan, Mexico.