2022
Paano ako magpapasiya kung ito na ang pinakamainam na panahon para magmisyon?
Hulyo 2022


“Paano ako magpapasiya kung ito na ang pinakamainam na panahon para magmisyon?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2022.

Mga Tanong at mga Sagot

“Paano ako magpapasiya kung ito na ang pinakamainam na panahon para magmisyon?”

Naghahanda ng Paraan ang Panginoon

dalagita

“Ang ating Ama sa Langit ay may gawaing ipagagawa sa atin. Kapag binasa natin ang Kanyang mga salita, at ang mga salita ng Kanyang mga piling tagapaglingkod, malalaman natin nang walang pagdududa kung ano ang nais Niyang ipagawa sa atin. Alam natin na maghahanda ng paraan ang Panginoon para maisakatuparan natin ang mga bagay na ipinagagawa Niya sa atin (tingnan sa 1 Nephi 3:7). Lagi Siyang nariyan para sa atin kung sisikapin nating sundin ang Kanyang mga kautusan.”

Manuela O., 15, Ghana

Maaaring Hindi Mo Kailanman Madama na 100% Ka nang Handa

binatilyo

“Isa akong propesyonal na surfer, at pansamantala ko munang itinigil ito para maranasan ang tunay na kagalakang nagmumula sa paglilingkod sa misyon. Naghintay ako hanggang sa madama ko na talagang handa na akong pumunta, at pinagpala ako dahil dito. Ito ay isang desisyon na gagawin mo nang may inspirasyon mula sa iyong Ama sa Langit. Maaaring hindi mo kailanman madama na 100% ka nang handa. Ang pagsusumite ng iyong mga papel sa misyon ay palaging nakabatay sa pananampalataya, ngunit sulit ito.”

Jordan C., 22, California, USA

Ang Panginoon ay Ihahanda at Palalakasin Ka

“Maaari kang palaging magtanong sa Panginoon sa panalangin. Pinalalakas ng Panginoon ang mga tinawag Niya na maging mga missionary. Nang mamatay ang aking ama, napanatag ako ng aking patotoo tungkol sa plano ng kaligtasan. Ngunit maraming tao sa mundong ito ang hindi pa rin alam ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit. Alam ko na naghahanda ang Panginoon ng mga taong tuturuan ko.”

Felipe F., 17, Brazil

Isulat ang mga Pahiwatig

dalagita

“Nang ipagdasal ko ang tungkol sa paglilingkod sa misyon, sumulat ako ng mga pahiwatig na natanggap ko mula sa mga mensahe, musika, o mga kaibigan. Sa mga pagkakataong pinanghihinaan ako ng loob habang naghahanda para sa aking misyon, binabalikan at binabasa ko ang mga bagay na sinabi sa akin ng Espiritu. Ipinasa ko ang mga papeles ko para sa misyon at nagtiwala sa Panginoon. Kapag sumusulong ka nang may pananampalataya, hindi mo alam kung paano ito magiging maayos, pero mapapansin mo ang impluwensya ng Diyos sa paggawa mo ng desisyon!”

Bryanna M., 19, Oregon, USA

Tanggapin ang Iyong Patriarchal Blessing

dalagita

“Mula nang matanggap ko ang aking patriarchal blessing, nalaman ko na dapat kong ibahagi ang ebanghelyo. Naghahanda na ako para sa misyon ngayon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa aking mga kaibigan. Kahit na madama ko na ang paglilingkod ng full-time mission ay hindi para sa akin kapag mas matanda na ako, alam ko pa rin na maibabahagi ko ang ebanghelyo sa buong buhay ko.”

Elise D., 14, Florida, USA

Tanungin ang Panginoon at ang Iba

“Maaaring 14 na taong gulang lang ako, pero pinag-iisipan ko mismo ang tanong na ito. Kapag dumating ang panahon para magpasiya kung kailan ako dapat maglingkod, magdarasal ako sa Panginoon para tulungan akong mahanap ang sagot sa akin. Kakausapin ko rin ang mga taong pinakamalapit sa akin, pati na ang aking pamilya, bishop, at mga kaibigan.”

Jordan V., 14, Nevada, USA

Bibigyan Ka ng Panginoon ng Sagot

“Noon pa man ay hangad ko nang magmisyon, pero alam ko na hindi ito madaling desisyon. Kung masigasig nating pag-aaralan ang mga banal na kasulatan at laging mananalangin sa Ama sa Langit, alam kong gagabayan Niya tayo. Magtiwala sa Panginoon. Sasabihin Niya sa iyo ang tamang panahon para makapagmisyon ka. Patuloy na maghanap ng sagot, at matatanggap mo ito at madarama mong handa ka.”

Nicolle R., 14, Brazil

Maghanda sa Espirituwal, Mental, at Pisikal

“Manalangin nang taimtim at pagnilayan ang mga banal na kasulatan tungkol sa iyong desisyon. Maging handa sa maaaring ibulong o sabihin sa iyo ng Espiritu. Habang naghihintay, maaari kang dumalo sa lahat ng sacrament meeting, klase sa seminary, Sunday school, at mga klase ng Young Women o mga miting ng korum ng Aaronic Priesthood. Maaari ka ring mental at pisikal na maghanda.”

Addison H., 14, Utah, USA