2022
Walang Ibang Katulad Mo
Hulyo 2022


“Walang Ibang Katulad Mo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Esther

Walang Ibang Katulad Mo

Inihanda ng Panginoon si Esther para sa kanyang mahalagang gawain, at gayon din ang ginagawa Niya para sa iyo.

Gumawa ng isang bagay ngayon. Kahit anong bagay! Iwasiwas ang iyong mga kamay sa ulunan mo, umikot-ikot ka o sumigaw ng nakakatawang mga salitang tulad ng, “Gustung-gusto ko ng banana bread!”

Tapos na ba? Mabuti. Katatapos mo lang gawin ang isang bagay na hindi pa nagagawa noon. Kakatwa mang isipin, ang anumang ginawa mo—kahit na may naisip ka lang pero hindi mo ginawa—ay hindi pa nagagawa nang kasing eksakto ng ginawa mo sa buong kasaysayan. Hindi sa kinaroroonan mo ngayon, hindi sa mismong panahong ito, at hindi kasing eksakto ng ginawa mo.

May mahalagang punto na binibigyang-diin ang nakatutuwang aktibidad na ito: walang ibang katulad mo, o nasa parehong kalagayan katulad mo. Kahit pa mga kapatid mo. Sa buong mundo, walang sinuman ang katulad na katulad ng iyong pinagsama-samang talento, kakayahan, kaibigan, pamilya, espirituwal na kaloob, at personal na pananaw.

Tulad ni Esther mula sa Lumang Tipan, ikaw ay natatanging karapat-dapat sa “pagkakataong ganito” (Esther 4:14) na magkaroon ng malaking epekto sa kabutihan sa buhay ng lahat ng kakilala mo.

May mahahalagang bagay kang gagawin!

Mula sa Pagiging Ulila tungo sa Pagiging Maharlika

Sa pag-aaral mo ng Lumang Tipan sa buwang ito bilang bahagi ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, malalaman mo ang tungkol sa isang kahanga-hangang dalagang Judio na nagngangalang Esther. Noong siya ay bata pa, si Esther ay naulila at pinalaki ng isang kamag-anak, si Mordecai. Lumaki siya sa panahon na ang mga Judio ay dinalang bihag ng isang bansang banyaga.

Bilang isang ulilang batang babae na naninirahan sa ibang lupain, malamang na hindi niya inakala na balang-araw ay magiging isa siyang reyna. Pero iyon mismo ang nangyari (tingnan sa Esther 2). Siya ay pinili bilang babaeng pakakasalan ng hari, si Ahasuerus.

Ngunit isang araw ay naharap siya sa isang matinding hamon: ang mga tao ni Esther, ang mga Judio, ay biglang nanganib na malipol. Ang kanyang asawa, ang hari, matapos makinig sa payo ng kanyang mga tagapayo, ay nagpasa ng isang utos na ang bawat Judio sa lunsod ay papatayin sa isang partikular na petsa na itinakda niya.

Ngayon, maraming tao ang nakatira sa lungsod. Maraming Judio rin ang naninirahan sa lungsod. Ngunit iisa lang ang Reyna Esther. At siya lamang ang taong makagagawa ng anumang bagay na makapipigil sa trahedyang ito.

Tulad ni Reyna Esther, nag-iisa ka lang. Ikaw lamang ang makagagawa ng mga bagay na magagawa mo—mga bagay na kinakailangang ipagawa sa iyo ng Panginoon. Mga bagay na maaaring humantong sa kaligtasan ng maraming tao.

Mga Sagot sa mga Panalangin

Mabuti na lamang at hindi mo kailangang harapin ang isang bagay na mapanganib at nakakatakot tulad ng naranasan ni Esther. Ngunit hindi ibig sabihin niyan na hindi mahalaga ang layunin mo sa buhay.

Tulad ni Esther, ginabayan at inihanda ka para maging kung sino ka ngayon. At magpapatuloy ang paghahandang iyan kapag sinusunod mo si Jesucristo. Maaari kang maging sagot sa araw-araw na mga panalangin ng maraming tao.

Mangyari pa, kahit taglay mo ang lahat ng talento at kakayahan, pinakamainam pa rin na humingi ng espirituwal na tulong sa mga partikular na pagkakataon tulad ng ginawa ni Esther.

Pananampalataya, Pananalig, at Ikaw

Alam ni Esther na kailangan niyang subukang iligtas ang kanyang mga tao. Alam din niya na kailangan niya ng dagdag na pananampalataya at suporta mula sa kanyang mga tao sa paghingi niya ng tulong sa Diyos. “Ikaw ay humayo, tipunin mo ang lahat na Judio na matatagpuan sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako,” sabi ni Esther sa kanyang kamag-anak, “huwag kayong kumain o uminom man sa loob ng tatlong araw, gabi o araw. Ako at ang aking mga babaing alalay ay mag-aayuno ring gaya ninyo. Pagkatapos ay pupunta ako sa hari bagaman labag sa batas. At kung ako’y mamamatay, ay mamatay” (Esther 4:16).

Esther

Esther, ni James L. Johnson

Kapag nagiging mahirap ang buhay, ang tapat ay nagiging mas tapat sa Diyos. Kinailangan ni Esther ang lahat ng tulong na makukuha niya. Hindi lamang siya nangailangan ng tulong sa paghikayat sa kanyang asawa na bawiin ang utos nito, kundi kinailangan din niyang ipagsapalaran ang kanyang sariling buhay sa pagpunta sa hari nang hindi muna ipinatatawag (na labag sa batas, kahit pa sa isang reyna).

Nakikita mo ba ang kanyang pananalig at pananampalataya? Magandang basahin itong muli: “kung ako’y mamamatay, ay mamatay,” sabi ni Esther. Ang gayong katinding mga salita ay sinambit din nina Shadrac, Meshac, at Abednego kay Haring Nebukadnezar nang tumanggi silang sambahin ang rebultong ginto ng hari.

Kahit nagbanta siya na ihahagis sila sa hurno dahil sa pagsuway, buong tapang nilang sinabi, “Kung mangyayari na ang aming Diyos na pinaglilingkuran namin ay makapagliligtas sa amin sa hurno ng nagniningas na apoy; ay hayaang iligtas niya kami sa iyong kamay, O hari.

Ngunit kung sakali mang hindi, dapat mong malaman, O hari, na hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni sasamba man sa rebultong ginto na iyong ipinatayo” (Daniel 3:17–18, idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang mga salitang “Ngunit kung sakali mang hindi” at “kung ako’y mamamatay, ay mamatay” ay kahang-hangang pagpapahayag ng pananampalataya. Ang ganitong uri ng malakas na pananampalataya ay nananaig anuman ang mangyari. Ang katapangan ni Esther ang nagligtas sa kanyang mga tao! Gayunpaman, alam niya sa simula pa lang, tulad nina Shadrac, Meshac, at Abednego, na bagama’t ang mga resulta ng pagpiling manampalataya ay hindi palaging tiyak, ang paggawa ng tama ay palaging tamang pagpili.

Malamang na may mga pagkakataon ka sa sarili mong buhay na nahirapan ka sa pagpili ng tamang landas. Walang sinuman sa atin ang hindi nakararanas ng mahihirap na pagsubok sa mortalidad. Ngunit sa ganitong sitwasyon ay maaari mo ring piliing maging katulad ni Esther. Piliin ang kabutihan; anuman ang kahihinatnan nito.

Dahil ang totoo, ikaw lang ang tanging ikaw—at ang iyong “pagkakataong ganito” upang gawing mas magandang lugar ang mundo ay ngayon.