2023
Ang Saligan ng Tunay na Simbahan ni Cristo
Oktubre 2023


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Efeso 2:20

Ang Saligan ng Tunay na Simbahan ni Cristo

Ang Simbahan ay nakasalig sa mga apostol at propeta, at si Jesucristo ang pangulong bato sa panulok.

si Dallin H. Oaks na may kasamang mga kabataan

Binati ni Pangulong Dallin H. Oaks ang mga kabataan at young adult sa Rockford, Illinois, USA, noong Pebrero 12, 2023

Noong tagsibol ng 2020, ipinagdiwang natin ang ika-200 anibersaryo ng Unang Pangitain ni Joseph Smith, na nagpasimula sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Para markahan ang mahalagang kaganapang ito, naghanda ng isang pagpapahayag ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo.” Ipinahayag namin na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas.

si Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan

The Desires of My Heart [Ang mga Hangarin ng Aking Puso], ni Walter Rane

Pinatotohanan namin na ang Simbahang ito ay “nakasalig … sa sakdal na buhay ng pangunahing batong-panulok nito, na si Jesucristo, at sa Kanyang walang katapusang Pagbabayad-sala at literal na Pagkabuhay na Mag-uli,” at na “muling tumawag si Jesucristo ng mga Apostol at pinagkalooban sila ng awtoridad ng priesthood.”1 Iyan ang saligan kung saan itinayo ang tunay na Simbahan ni Cristo.

Ang Pangunahing Batong Panulok ng Ating Pananampalataya

Noong araw, ang mga pundasyon para sa mga gusali ay madalas ilatag na may malalaking bato, na nagbibigay ng suporta sa isang gusali. Ang una at pinakamahalaga sa mga batong ito ang batong panulok. Kapag nailagay na, ang batong panulok ang nagpapasiya sa posisyon ng lahat ng iba pang mga pundasyong bato.

Itinuro ni Apostol Pablo na ang tunay na Simbahan ni Cristo ay “itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok” (Efeso 2:20). Ang Panginoong Jesucristo ang pundasyon para sa ating pananampalataya at para sa Simbahan na nagtataglay ng Kanyang pangalan.

Sa pamamagitan ng walang-katulad na buhay at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, lahat ng nabuhay ay mabubuhay na mag-uli mula sa mga patay. Bukod pa riyan, binuksan Niya ang pintuan para mapatawad ang lahat ng kasalanan nila sa pamamagitan ng pagsisisi, binyag, at pagpapabanal ng Espiritu Santo. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo, maaari tayong bumalik nang walang bahid-dungis sa presensya ng Diyos.2

Jesucristo

The Good Shepherd [Ang Mabuting Pastol], ni Michael Malm

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang tanging Daan tungo sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. Nagagalak ako na maaari kong gugulin ang buong buhay ko sa pagpapahayag ng pinakamahalagang katotohanang ito sa buong mundo.

Ano ang Ibig Sabihin ng ang Simbahan ay Nakasalig Din sa mga Apostol at Propeta?

Ang mga apostol ay unang tinawag ni Jesucristo sa Kanyang mortal na ministeryo para mamuno sa Kanyang Simbahan. Nang ipanumbalik ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, muli Siyang tumawag ng mga apostol para mamuno. Lahat ng tinawag sa katungkulan ng apostol—sa Unang Panguluhan man o sa Korum ng Labindalawa—ay sinasang-ayunan bilang “mga propeta, tagakita, at tagapaghayag,” ngunit ang pinaka-senior o pinakamatanda lamang ang tinatawag na propeta dahil siya ang namumuno sa buong Simbahan at natatanging pinahintulutang magsalita para sa Panginoon.3

Ang mga Propeta at Apostol ay Pinili upang Pamunuan ang Simbahan

Pinipili ng Tagapagligtas kung sino ang namumuno sa Kanyang Simbahan at binibigyan sila ng kinakailangang awtoridad at kapangyarihan. Ngayon ang Simbahan ay pinamumunuan ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang propeta at apostol na si Russell M. Nelson, at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, at sa pamamagitan ng Korum ng Labindalawang Apostol, na may mga sagradong responsibilidad na sumaksi “[sa] pangalan ni Cristo sa buong daigdig” at sa pagtatayo at pangangasiwa sa Simbahan (Doktrina at mga Tipan 107:23, 33).

ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol sa Rome Italy Temple

Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol sa Rome Italy Temple Visitors’ Center, na may mga estatwa ni Jesucristo at ng Kanyang orihinal na Labindalawang Apostol sa kanilang likuran

Kasama ang aking mga kapatid sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Siya ang Ilaw ng Sanlibutan. Siya ang ating Tagapagligtas mula sa kasalanan at kamatayan. Itinuturo ng Kanyang hinirang na mga pinuno ang doktrina ni Cristo4 at ang iba pang di-nagbabagong mga katotohanan ng ebanghelyo ayon sa patnubay ng Espiritu Santo. Wala tayong ibang hangarin maliban sa ituro kung ano ang totoo at hikayatin ang lahat na sundin ang “dakilang plano ng kaligayahan” ng Diyos (Alma 42:8).

Malalaman mo ito para sa iyong sarili. Itanong sa iyong Ama sa Langit kung kami ay tunay na mga apostol at propeta ng Panginoon, at pagkatapos ay gamitin ang mga turo ng ating Tagapagligtas sa buhay mo. Iyan ang daan tungo sa mga pagpapala ng buhay na ito at ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ptotoo ko sa pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas at Manunubos.