“Mga Dahilan para sa mga Tuntunin,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2023.
Mga Dahilan para sa mga Tuntunin
Ang malaman ang mga tuntunin ay mabuti—at ang maunawaan ang dahilan para sa mga ito ay mabisa at naghahatid ng tunay na kagalakan.
Isang taon na ang nakararaan nang ipahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ang paglalathala ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili. Ang munting buklet na iyon ay nakagawa ng kaibhan para sa mga tao sa buong mundo.
Ibinahagi ni Elder Gerrit W. Gong ang gabay sa vice president ng Panama. Nagturo mula sa gabay si Elder David A. Bednar sa Bucharest, Romania. At inatasan ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga kabataan sa Nevada na ituro sa kanilang mga kapamilya ang mga katotohanang nasa gabay. Sabi niya, “Ang mahalagang bagong gabay na ito ay naglalaman ng mahahalagang alituntunin na tutulong sa bawat tao na maghanda para sa templo.”1
Ipinanumbalik na mga Dahilan
Ang mga tinedyer at pamilya ay mayroon pa ring mga tuntunin at kautusan, ngunit ang himala ng gabay ay na mas pinag-uusapan na nila ngayon ang mga dahilan para sa mga tuntunin.
Sa Alma 12:32 mababasa natin, “Anupa’t ang Diyos ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan, matapos maipaalam sa kanila ang plano ng pagtubos” (idinagdag ang diin). Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay hindi lamang pagpapanumbalik ng mga tuntunin, kundi pagpapanumbalik din ng mga dahilan.
Nalagpasan ng Sampung Utos ang Malawakang Apostasiya; ang mga dahilan ng pagsunod sa mga kautusan ang nawala. Nakikita natin ang mga dahilang iyon sa plano ng pagtubos. Kapag talagang nauunawaan natin ang mga dahilan, natatanto natin na ang mga pamantayan at kautusang sinunod sa mga tamang dahilan ang nagiging landas na umaakay sa atin sa tunay na kagalakan.
Sabi ng isang binatilyong tatawagin kong Joseph, “Sa paaralan ko noon pa man ay kilala na ako ayon sa maaari at hindi ko maaaring gawin. Sabi ng mga tao, ‘Hindi maaaring uminom ng kape o alak si Joseph. Hindi tumitingin si Joseph sa pornograpiya o nagmumura.’ Ngayo’y nais kong malaman nila ang mga dahilan.”
Sinabi niya na noong madalas siyang tanungin ng tao kung bakit ganito siyang mamuhay, sinasabi niyang, “Dahil sa simbahan ko.” Magandang sagot iyan, pero may mas magaganda pa riyan. Ngayo’y sumasangguni na siya sa mga alituntunin sa gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan:
-
Bakit ka nagsisimba tuwing Linggo?
-
Dahil mahal ko ang Diyos at ang iba.
-
Bakit hindi ka umiinom ng kape o alak?
-
Dahil sagrado ang katawan ko.
-
Bakit hindi ka tumitingin sa pornograpiya?
-
Dahil gusto kong lumakad sa liwanag.
-
Hindi ba mahirap magsikap na maging napakabuti sa lahat ng oras?
-
Kung minsan, pero tinutulungan ako ni Cristo.
Isang research study ang nag-ulat na pinipili ng ilang kabataan na talikuran ang relihiyon dahil hindi nila nakikita ang mga dahilan para sa mga tuntunin at hangganang may kaugnayan sa relihiyon.2 Hindi isa si Joseph sa mga iyon. Ang gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan ay tinutulungan siyang malaman mismo ang mga dahilang iyon at ibahagi ang mga iyon sa iba. Magagawa rin nito iyon para sa iyo.