2023
Tinawag ng Diyos
Oktubre 2023


“Tinawag ng Diyos,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2023.

Tinawag ng Diyos

Nalaman ng mga miyembrong ito sa kanilang sarili na ang mga propeta at apostol ay tinawag ng Diyos. Magagawa mo rin ito!

pagkakamayan

Nang simulan ni Jesus ang Kanyang mortal na ministeryo, tumawag Siya ng labindalawang Apostol. At nang ipanumbalik Niya ang Kanyang Simbahan, pumili Siya ng mga apostol at propeta para gabayan tayo sa ating panahon. Sa pagsunod sa kanilang payo, maaari tayong magkaroon ng patotoo na sila ay tinawag ng Diyos.

Pakikipagkita sa mga Apostol

Nakipagkita ka na ba sa isang Apostol? Narito ang ilang kuwento tungkol sa mga taong nakaranas nito.

Nagsalita Ako sa Pangkalahatang Kumperensya—Noong Kabataan Ko

Dahil hinilingan akong magbigay ng mensahe sa milyun-milyong tao sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020, nagsimula kong madama na napakalaking gawain nito. Pero napanatag ako dahil alam kong tutulungan ako ng Panginoon.

Nang ihanda ko ang aking mensahe, inisip ko kung paano tumanggap ng paghahayag. Nakatulong ito sa akin na pahalagahan ang katapatan ng mga nagsasalita sa pangkalahatang kumperensya.

Nang sumapit ang kumperensya, nabalisa ako, pero nang makita ko si Elder Gerrit W. Gong at ang iba pang mga General Authority ay nakadama ako ng kapayapaan. Pagkatapos ay nakausap ko si Pangulong Russell M. Nelson. Kinausap niya ako na para bang magkakilala na kami noon pa man. Nadama ko ang dalisay na pag-ibig ni Cristo nang makausap ko ang propeta.

Laudy K.

dalagitang nagsasalita sa pulpito

Pag-host sa Isang Face to Face Event Kasama si Elder Soares

Nang malaman ko na magiging bahagi ako ng isang Face to Face event, ang lubhang nagpasabik sa akin ay ang pagkakataong makasama ang isang Apostol.

Kinabahan ako bago nagsimula ang broadcast dahil kinailangan kong magsalita ng ilang bagay sa Portuguese. Sabi ko kay Elder Soares, “Nag-aalala po ako na baka lumabas ang puntong Amerikano ko.” Ngumiti siya at kumindat, at sinabing, “Max, nakakatuwa ang may punto!”

Nadama ko nang napakatindi ang Espiritu nang marinig ko siyang nagpatotoo na ang Tagapagligtas ay buhay at mahal Niya ang bawat isa sa atin.

Max A.

larawan ng mga tao kasama sina Elder at Sister Soares

Nang Tulungan Ako ni Elder Holland sa Homework Ko sa Math

Noong 12 anyos ako, naging mission president ang tatay ko sa Chile. Habang naroon, nakatrabaho niyang mabuti sa gawain si Elder Holland. Isang araw sinabi ko, “Itay, nasa math book ko po si Elder Holland.”

“Kahapon ay inabot ng 1 oras si Jeff Holland para makapagtrabaho. Ngayong umaga, inabot ng 20 minuto si Jeff bago nakarating sa istasyon ng tren, naghintay sa tren nang 7 minuto, sumakay sa tren nang 12 minuto, at pagkatapos ay naglakad nang 15 minuto para makarating sa trabaho. Gaano katagal ang inabot para makarating sa trabaho si Jeff ngayong umaga?”

Pabiro, ipinadala ng mga magulang ko ang isang larawan ng math problem kay Elder Holland na may kasamang maikling sulat: “Elder Holland, puwede po ba ninyong tulungan si Whit sa kanyang math homework?”

Sumulat pabalik si Elder Holland.

“Mahal kong Whitney—Natuwa ako na natuklasan mo ang trabaho ko sa araw. Regular akong nagsusumite ng mga math problem para sa mga textbook at kung minsa’y hindi ko alam kung kaninong pangalan ang gagamitin. Palagay ko gagamitin ko ang pangalan mo sa susunod. (‘Kung may 5 kasintahan si Whitney Wilcox sa Provo at nagkaroon ng 1 sa isang araw sa loob ng 14 na araw sa Chile, ilan sa kanila ang mabibinyagan, magmimisyon, at gugustuhin siyang pakasalan?’) Salamat sa pagpunta rito! Ipinagmamalaki talaga kita! Jeff Holland.”

liham

Malinaw na nagbibiro si Elder Holland tungkol sa pagsulat ng mga math problem (at pagkakaroon ng maraming kasintahan!). Pero nadama ko sa kanyang magandang sulat na mahalaga ako.

Nang ituro ni Elder Holland sa mga miyembro sa Chile na basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw, nagsimula akong magbasang mag-isa, noong 12 anyos ako. Noon talaga ako nagsimulang magkaroon ng patotoo.

Whitney L.

larawan ng isang pamilya kasama sina Elder at Sister Holland

Pakikipagkilala kay Elder Soares sa France

Noong 2021, tinawag ang mga magulang ko bilang mga mission leader sa France Lyon Mission. Noong 2022, bumisita si Elder Soares. Sa kanyang mensahe sa mga missionary, binanggit niya na nawala ang bagahe niya sa isa sa mga flight niya.

Parang nakapukaw ito sa akin. Madaling makita ang mga apostol at propeta sa ating screen at isipin na madali ang buhay para sa kanila. Pero hindi ito hinihiling ng ating mga pinuno—tinawag sila para gawin ito. Pinipili nilang sundin ang Panginoon, at nangangahulugan iyan ng pagtalikod sa kanilang mga plano para sa hinaharap.

Itinuro sa akin ni Elder Soares kung ano ang kahulugan ng maging disipulo ni Cristo. Kahit abala siya at may sariling mga pakikibaka, sinikap niyang kausapin ang lahat ng mga miyembrong posible niyang kausapin. Natanto ko na ang mga General Authority ay mga taong katulad natin na pinili si Cristo at nagsisikap na ipakita ang Kanyang pagmamahal.

Lydie L.

Jesucristo
larawan ng isang pamilya kasama si Elder Soares

Sa Pagdarasal at Pagsampalataya

Kung wala ka pang nakakausap na Apostol, OK lang iyan! Karamihan naman sa atin ay wala pang nakausap. Maaari kang magkaroon ng patotoo na sila ay tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng pakikinig, pagsunod, at pagdarasal tungkol sa kanilang mga turo.

Sundin ang Itinuturo Nila

Nakipagkita ako sa mga pinuno ng Simbahan nang mag-host ako sa isang Face to Face event, pero hindi ako noon nagkaroon ng patotoo na sila ay tinawag ng Diyos.

Kapag naririnig ko ang kanilang mga salita, sinusunod ang itinuturo nila, at nakikita ang sarili ko na nagiging mas katulad ni Cristo, doon ko nadarama na pinagtitibay sa akin ng Diyos na sila ay mga natatanging saksi ni Cristo.

Aaron K.

binatilyo

Pagsunod sa mga Paanyaya ng Propeta

Lagi kong kinasasabikan ang pangkalahatang kumperensya. Naaalala ko na napakasaya ko nang ilista namin ng mga kaibigan ko ang mga bagay na sinabi ng propeta at ipinaalala namin sa isa’t isa na gawin ang mga bagay na iyon. Ang isa roon ay magpunta sa templo, at sama-sama kaming nagpunta ng mga kaibigan ko. Talagang masaya iyon, at nakadama ako ng labis na kapayapaan. Sa paggawa sa hiniling ng propeta ay natanto ko kung gaano ako kamahal ni Jesucristo.

Leticia F.

dalagita

Nakausap mo man ang isang Apostol o hindi, maaari mong malaman ang katotohanan: Ang mga Apostol ay nagpapatotoo sa katotohanan at walang ibang nais kundi ang pinakamabuti para sa iyo. Kapag sinusunod mo ang mga iyon, ipapaalam sa iyo ng Espiritu Santo na sila ay tinawag ng Diyos.