“Mga Himala sa Tanna,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2023.
Mga Himala sa Tanna
Isang trak na napapaligiran ng tubig, isang bunton ng mga form sa interbyu sa binyag, at isang pares ng matatapat na missionary—lahat ay bahagi ng mga himala sa South Pacific.
Tinawagan si Mark J. Messick, pangulo ng Vanuatu Port Vila Mission, ng district president sa Tanna Island na humihiling na magpadala roon ng mga missionary. May 80 tao silang naghihintay na mainterbyu upang makalapit sila kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan sa pamamagitan ng binyag!
Sinubukan ni President Messick na ipadala ang kanyang mga assistant para magsagawa ng mga interbyu. Kailangan nilang maglakbay mula Éfaté Island, kung saan naroroon ang mission office, hanggang Tanna, na mahigit 130 milya (209 kilometro) ang layo. Ngunit ilang mabibigat na hamon ang naranasan nila sa daan.
Hindi Kailangang Makahadlang ang mga Pagkaantala
Una, naging mas aktibo ang bulkan sa Tanna. Pagkatapos ay napinsala ng isang maliit na bagyo ang malaking bahagi ng Tanna. Panghuli, dumating ang COVID-19 sa Vanuatu noong 2022, at ang lahat ay nagsara. Walang pinayagang makapasok o makalabas ng Éfaté o Tanna.
Makalipas ang ilang buwan, nang pumayapa na ang lahat, dumating sina Elder Brian Moses Nalin at Silas Toa sa Tanna, na handang interbyuhin ang mga tao. Natakot si President Messick na maaaring bumaba na ang bilang ng mga taong gustong magpabinyag dahil kinailangan nilang maghintay nang napakatagal.
Nang dumating sina Elder Nalin, isang katutubo ng Tanna, at Elder Toa, hindi 80 tao ang naghihintay—114 tao na ngayon.
Mga Ilog sa Saetsiwi
Para makapunta sa isang liblib na branch sa Saetsiwi sa Tanna Island, tatlong oras na nagmaneho paakyat ng bundok at pagkatapos ay naglakad sina Elder Nalin at Elder Toa, na walang kinakain kundi ang mga niyog na natagpuan nila sa daan. Pero pagdating nila sa Saetsiwi, hindi nila makita ang branch president. At pagkatapos ay nagsimulang bumagyo.
Napuno ng tubig-ulan ang mga ilog, at alam ni Elder Nalin na hindi magtatagal ay hindi na matatawiran at mapanganib na ang mga ito. Mabilis na bumalik ang mga elder sa trak nila, batid na kailangan nilang makababa ng bundok. Ligtas na nakatawid ang dalawang missionary sa unang ilog, pero sa ikalawang ilog, nabalaho ang trak. Nagtulak sila at nakiusap pa sa iba na tumulong sa pagtutulak, pero hindi gumalaw ang trak.
“Naghihintay Iyon”
Napansin ni Elder Nalin ang isa pang ilog na dumadaloy papunta sa kanila at kung gaano ito kalaki. Sinabi niya kalaunan, “Maliit pa rin ang tubig sa ilog namin, na para bang hinihintay nitong makatawid kami.” Pero hindi iyon magtatagal.
Ang dalawang elder na ito ay lumaki sa Vanuatu, kung saan karaniwan ay bihira at masyadong mahal ang mga sasakyan. Kaya, para sa kanila, tila hindi opsiyon na iwanan ang trak. Pero hanggang hawakan na ng mga pinto ang taas ng tubig.
Tinawagan nila si President Messick at tinanong kung ano ang dapat nilang gawin.
Ang sagot ni President Messick, “Salamat sa pagtawag sa akin. OK lang iyan! Iwan ninyo ang trak kung saan iyan naroon at maghanap na kayo ng ligtas na lugar!”
Pagsampalataya sa Kapangyarihan ng Diyos
Sinabi kalaunan ni Elder Toa, na huling lumabas ng trak, “Tumingin ako sa upuan sa likod para kunin ang aking mga banal na kasulatan at ang mga form sa binyag, at wala akong nakita. At naisip ko na baka kinuha na ni Elder Nalin ang mga iyon.” Kung nawala ang mga form, kailangang bumalik ang mga missionary sa Éfaté para kumuha ng mga bagong form.
Pagkatapos ay nagsimulang sumigaw ang isa sa mga taong tumulong sa kanila. Hindi naunawaan ni Elder Toa ang sinasabi niya. Pero naunaawan iyon ni Elder Nalin dahil iyon ang katutubong wika niya. Sumigaw siya sa kanyang kompanyon, “Lumabas ka ng trak, may paparating!”
Lumabas si Elder Toa mula sa pintuan sa likod dahil umabot na ang tubig sa bintana sa harapan. Nang makalabas na siya, inanod ng alon ang trak pababa ng ilog. Habang pinanonood nila ang pagbaba ng trak sa ilog, nakita nila ang mga banal na kasulatan at ang mga form sa binyag sa upuan sa likod.
Sinabi ni Elder Toa kalaunan, “Noong nasa ilog pa kami, nanawagan kami sa kapangyarihan ng Diyos na protektahan ang aming mga banal na kasulatan at ang mga form sa binyag. Nanampalataya kami na kaya Niyang iligtas ang mga iyon kung loloobin Niya.”
“Pagkatapos naming magdasal, alam namin na magiging maayos ang lahat,” sabi ni Elder Toa kalaunan.
Alam ng Diyos Kung Paano Magligtas
Tumawag ang district president at sinabi kina Elder Toa at Elder Nalin na natagpuan ang trak nila ng Saetsiwi branch president, ang lalaki ring iyon na hindi nila makita kani-kanina. Natangay ito ng ilog nang 820 talampakan (250 metro) mula sa pangunahing kalsada, pero kahit basa ang makina at kinailangang hilahin ang trak para sa iba pang mga pagkukumpuni, hindi nagkaroon ng yupi o gasgas ang labas ng trak. Gayunman, ang kanilang mga lesson book, notebook, at polyeto ay basang-basa at nangasira. “Hindi mo na mababasa ang ilan sa mga salita,” sabi ni Elder Toa.
Pero sa ibabaw ng lahat ng iba pa, medyo tuyo at hindi nasira ang kanilang mga banal na kasulatan at ang mga form sa interbyu.
“Gamitin ang Inyong Puso sa Paglalakad”
Naglakbay ang mga elder sa lahat ng walong branch kung saan nila kinailangang magsagawa ng mga interbyu sa Tanna. Dahil nagkaroon ng sira ang makina ng trak, madalas silang maglakad. Sinabi ng isa sa kanila kalaunan sa kanyang mga kapwa missionary, “Kapag pagod ang mga binti ninyo sa kalalakad, gamitin ang inyong puso sa paglalakad.”
Sa isang branch pa lang, 48 katao na ang tapat na naghintay na mabinyagan. Ininterbyu ni Elder Nalin ang mga nagsasalita ng katutubong wika ng Tanna, at ininterbyu ni Elder Toa ang mga nagsasalita ng Bislama. Nang makatapos sila, nagulat silang makita na palubog na ang araw. Buong maghapon pala silang nag-interbyu.
Bininyagan nila ang mga tao sa iba’t ibang dako ng pulo, marami sa kanila ay mga pamilya, sa mga ilog at dagat. Walang sapat na damit pambinyag, kaya iniabot ng ilang bagong miyembro ang kanilang basang damit sa isa pang tao hanggang sa mabinyagan ang lahat.
Tulad ng sabi ni Propetang Joseph Smith, “Ang ating mga misyonero ay humahayo … , … ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat bansa, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat lugar, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay [tapos] na.”1