2023
7 Lihim ng Buhay na Hindi Nakaasa sa Iba—Inihayag
Oktubre 2023


“7 Lihim ng Buhay na Hindi Nakaasa sa Iba—Inihayag,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2023.

Tulong sa Buhay

7 Lihim ng Buhay na Hindi Nakaasa sa Iba—Inihayag

Ang maayos na pagbabago sa isang buhay na hindi nakaasa sa iba ay maaaring mapasaiyo. Narito ang ilan sa mga bagay na makakatulong.

mga kabataan

Mga larawang-guhit ng Guev Design

Ang mga adult ay iba ang pamumuhay kaysa sa iyo. At ang totoo, mamumuhay ka bilang isang adult balang-araw. Bahagi ng buhay ng isang adult ang hindi pag-asa sa iba—pag-aalaga sa iyong sarili, pagkita ng pera, at iba pa. Narito ang pitong lihim sa pagkakaroon ng buhay na hindi nakaasa sa iba.

binatilyong nakatingin sa abot-tanaw

Unang Lihim: Maaari mong gamitin ang tatlong pinagmumulan ng espirituwal na lakas sa iyong paglalakbay.

May access ka sa tatlong mapagkukunan ng espirituwal na lakas habang daan:

Pananampalataya kay Jesucristo—palagi at sa lahat ng bagay. Maniwala sa Tagapagligtas. Hangaring sundin ang Kanyang mga utos at igalang ang mga tipang ginagawa mo. Magdasal araw-araw sa Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo. Pagkatapos ay mapagpapala ka sa lahat ng aspeto ng buhay mo. Huwag mong pagdududahan iyan kailanman. (Tingnan sa Mosias 2:41.)

Kalayaang pumili—ang kapangyarihang magpasiya at kumilos. Mayroon kang kalayaang pumili. Mapipili mong sundin ang mga turo ni Jesucristo. Nais ng Ama sa Langit na kumilos ka para sa iyong sarili at hindi ka lamang pakilusin ng mga puwersa sa labas (tingnan sa 2 Nephi 2:14, 16). Anuman ang iyong sitwasyon, may positibo kang magagawa palagi.

Mabubuting hangarin—pagkakaalam sa kung ano ang gusto mo at bakit. Kung gusto mo ng mabubuting bagay dahil sa mabubuting rason, maaari kang maging mabuti. Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Mga hangarin ang nagdidikta sa ating mga prayoridad, mga prayoridad ang humuhubog sa ating mga pasiya, at mga pasiya natin ang batayan ng ating mga kilos. Bukod pa rito, ang ating mga kilos at hangarin ang siyang humuhubog sa atin” (pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2011 [Ensign o Liahona, Mayo 2011, 45]).

kabataang nasa tabi ng napakalaking garapon ng pera

Ikalawang Lihim: Unahing bayaran ang ikapu—anuman ang mangyari.

Kapag kumita ka ng pera, magbayad ng ikapu para dito. Huwag gumawa ng eksepsyon, at huwag itong ipagpaliban. Kapag tinupad mo ang pangakong ito, ang Panginoon ay “bubuksan … ang mga bintana ng langit” para sa iyo (Malakias 3:10). Maaaring kabilang dito ang lahat ng uri ng pagpapala—espirituwal, temporal, emosyonal, at marami pang iba.

dalagitang may mga palaso sa kanyang paligid na nakaturo sa lahat ng direksyon

Ikatlong Lihim: Hindi lamang iisa ang landas patungo sa buhay na hindi nakaasa sa iba.

Ang iyong mga opsyon ay hindi limitado sa iisang kasanayan, iisang paaralan, iisang degree, iisang trabaho. Paniwalaan mo ito, at makakakita ka ng mas kakaunting mga hadlang at mas maraming bukas na pintuan.

Kung hindi mo alam ang iyong mga opsiyon, maghanap ng mga taong may karanasan at kaalaman na makapagbibigay sa iyo ng magandang payo. Maaaring sila ay mga magulang, mga counselor sa paaralan, mga lider ng Simbahan, o isang miyembro ng inyong komunidad na gumagawa ng isang bagay na gusto mong gawin. Tanungin sila kung paano sila nakarating sa kinaroroonan nila o anong resources ang available sa iyo.

dalagitang may kasamang isang matandang babae na nakaupo sa wheelchair

Ikaapat na Lihim: Maaaring nasa iyo na ang gusto ng mga tao.

Para kumita ng sapat na pera, kailangan mo ng “mga kasanayang kailangan ng mga kumpanya”—mga bagay na magagawa mo na babayaran ng mga tao. Narito ang lihim: mayroon ka na ng ilan sa mga iyon. Halimbawa, math, pananahi, pisikal na lakas, hair styling, pagdodrowing, pagmamaneho ng mga sasakyan, pag-organisa ng mga bagay-bagay, paglutas ng mga problema, paggamit ng mga computer, magawang kausapin ang mga tao at makuha ang kanilang tiwala, maging maaasahan, at marami pang iba.

Kung hindi mo alam ang iyong mga kasanayan, hilingin sa isang adult na sabihin sa iyo kung saan ka magaling. At kung gusto mong magkaroon ng partikular na kasanayang wala ka pa, maaari mong pag-aralan iyon.

dalagitang nagbabasa

Ikalimang Lihim: Magbasa!

Ang pagbabasa ay susi sa mas magandang edukasyon, mas magandang trabaho, at mas magandang pagkaunawa kung paano gumagana ang mundo. Kahit mahusay kang magbasa, magbasa ka pa. Magbasa ng mga banal na kasulatan. Basahin kung ano ang ipinababasa sa iyo sa paaralan. Pagkatapos ay maghanap ng mga bagay na gusto mong basahin nang mag-isa.

Ang pagbabasa ay tumutulong sa iyo na magkaroon ng kaalaman at mag-isip at makipag-ugnayan nang mas malinaw. Malaking tulong ito sa iyo anuman ang piliin mong gawin sa hinaharap.

pitaka at pera

Ikaanim na Lihim: Maaaring mawala ang mga bagay na hindi mo iniingatan.

Kung hindi mo iingatan kung paano mo gastusin ang pera mo, balang-araw ay baka makita mo na halos ubos na ito. Ang budget ay isang plano para masubaybayan kung magkano ang perang pumapasok, magkano ang lumalabas, at magkano ang naitatabi mo. Tinutulungan ka rin nitong magtakda ng mga limitasyon sa paggastos mo sa iba’t ibang bagay.

May iba’t ibang uri ng sistema ng pagba-budget: mga ledger na may mga column, mga software program, mga cash envelope na may mga kategoryang nakasulat sa mga ito. Maghanap ng isang sistemang aangkop sa iyo.

(Siya nga pala, ang pagkakaroon ng budget ay hindi nangangahulugan na hindi ka gumagastos ng pera kahit kailan sa masasayang bagay. Bantayan mo lang ang pagpasok at paglabas ng pera mo at maging matalino sa paggastos.)

binatilyo, mga papel, bahay, kotse

Ikapitong Lihim: Ang utang ay isang hukay na hindi mo gugustuhing palalimin.

Ang utang ay kapag kailangan mong bayaran ang perang hiniram mo. Kadalasa’y binabayaran mo ang hiram na pera nang paunti-unti sa paglipas ng panahon nang may interes—isang karagdagang halaga na ilang porsiyento ng halagang hiniram mo.

Nawawalan ka ng kontrol sa pag-utang kapag humiram ka ng higit pa sa kaya mong bayaran at dagdag nang dagdag ang interes sa kailangan mong bayaran.

Maaari mong kailanganing mangutang para makuha ang ilang bagay na wala kang sapat na perang pambayad, tulad ng pag-aaral, pagbili ng bahay, o pagbili ng sasakyan. Pero maging maingat. Maghanap ng mga opsyon na tutulong sa iyo na iwasang mangutang hangga’t maaari.

Sa mga credit card ay maaari kang makabili ng mga bagay ngayon at bayaran ang mga iyon kalaunan. Utang din ito—na malaki ang interes. Kung sa pakiramdam mo ay kailangan mo ng credit card, bayaran ito nang buo tuwing kailangan nang bayaran ito. Kung laging minimum lang ang babayaran mo, mas mahirap makaahon sa utang.