“Pagharap sa Pagkabalisa sa Misyon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2023.
Magagawa Ko ang Lahat ng Bagay sa Pamamagitan ni Cristo
Ibinahagi ng mga kabataan kung paano sila napalakas ni Cristo na gawin ang mahihirap na bagay (tingnan sa Filipos 4:13).
Pagharap sa Pagkabalisa sa Misyon
Sa kalagitnaan ng aking misyon sa Arizona, USA, tinamaan ako ng aking unang panic attack. Kinausap ko ang mga lider, humingi ako ng tulong, at nagdasal nang husto. Pero parang hindi dumating ang tulong na kinailangan ko. Pakiramdam ko’y nag-iisa ako at natakot ako. Sinabihan pa ako na baka kailanganin kong umuwi.
Isang araw tumawag ang nanay ko. Tanong niya, “Kaya mo bang magpatuloy?” Sagot ko, “Hindi ko po alam. Hindi ko po talaga alam.” Pagkatapos ay sinabi ng nanay ko, “Kaya mo pa ba ang isang buwan?” Sabi ko, “Hindi ko po alam.
“Isang linggo pa kaya?” tanong niya. “Hindi ko po alam,” sabi ko ulit. “Isang araw pa kaya?” tanong niya. “Hindi. Ko po. Alam,” sabi ko.
Pagkatapos ay sinabi ng nanay ko, “Kaya mo pa ba ang isang minuto?” Sa wakas ay sinabi ko, “Opo, siyempre naman.” Sabi niya sa akin, “Kung gayo’y gawin mo lang iyan. Paisa-isang minuto, hanggang sa umabot ka nang isang oras. Pagkatapos ay ituloy mo lang iyon, dahan-dahan. Huwag kang magmadali. Hayaan mong ang Diyos ang kumilos. Ipinapangako ko na magiging OK ka.”
Nagtiwala ako sa mga sinabi niya. Halos 21 buwan na ako sa misyon. Nahihirapan pa rin ako sa kalusugan ng isipan ko kung minsan. Pero nakadarama rin ako ng malaking kagalakan. At nananampalataya ako na sa paisa-isang hakbang, paisa-isang minuto, kakayanin ko ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon at ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala. Ang mga paghihirap sa kalusugan ng isipan ay tunay. Pero kapag bumaling tayo kay Cristo, magagawa natin ang mahihirap na bagay.
Elder Rhett Turley, Arizona Mesa Mission