2023
Edukasyon sa Simbahan: May Lugar para sa Lahat
Oktubre 2023


“Edukasyon sa Simbahan: May Lugar para sa Lahat,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2023.

Edukasyon sa Simbahan: May Lugar para sa Lahat

Mahalaga ang edukasyon. Tutulungan ka ng Panginoon—at ng Kanyang Simbahan—na matutuhan ang lahat ng kaya mong matutuhan.

mga kabataang nakaupo nang pabilog

Larawang kuha ni ??

“Ano ang mga plano ko pagkatapos ng high school?”

“Ano ang gusto kong gawin?”

“Sino ang gusto kong maging?

“Tama bang mag-aral ako sa kolehiyo?”

Mahalaga ang mga tanong na ito! At ang mga sagot ay gagawa ng malaki at habambuhay na kaibhan sa buhay mo. Kaya ka gustong tulungan ng Panginoon—at ng Kanyang Simbahan—na matutuhan ang lahat ng kaya mong matutuhan.

Bakit Napakahalaga ng Edukasyon?

Nais ng Ama sa Langit na lagi kang natututo. May mga temporal at espirituwal na dahilan para maghangad na matuto at makapag-aral. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na “ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan, o, sa ibang salita, liwanag at katotohanan” (Doktrina at mga Tipan 93:36). Ang pagkatuto at pag-aaral ay “bahagi ng iyong walang hanggang mithiin na maging higit na katulad ng Ama sa Langit.”1

Itinuro ng ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson, “Sa Simbahan, ang pagkakamit ng edukasyon at pagkakaroon ng kaalaman ay responsibilidad [na pangrelihiyon]. Tinuturuan natin ang ating isipan para balang-araw [ay] makapagbigay tayo ng makabuluhang paglilingkod sa ibang tao.”2

Tutulungan Ka ng Panginoon

Dumarating ang malalaking pagpapala kapag isinasali mo ang Panginoon sa iyong pag-aaral. Tutulungan ka Niyang malampasan ang mga balakid—nahihirapan ka sigurong magtuon sa paaralan, o nahihirapan ka sigurong magbasa. Kapag bumaling ka sa Panginoon at ginawa mo ang iyong bahagi, palalakihin ng Panginoon ang iyong mga pagsisikap at maglalaan ng mga pagkakataon na hindi mo mawawari sa ngayon!

Tulong mula sa Simbahan ng Panginoon

Saan ka man nakatira, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may mga oportunidad sa pag-aaral na ibinibigay sa pamamagitan ng Church Educational System (CES). Kabilang dito ang seminary, na naglalaan ng espirituwal na pundasyon sa iyong pagkatuto habang nasa high school ka. At kabilang dito ang maraming paaralan at programa ng Simbahan.

Alam mo ba kung bakit napakaraming resources ang ipinupuhunan ng Simbahan sa edukasyon? Dahil iyan sa pagmamahal ng Panginoon sa iyo. Nais Niyang mas mapalapit ka sa Kanya at makasumpong ng emosyonal, intelektuwal, at espirituwal na lakas. Iyon din ang gustong mangyari ng mga pinuno ng Simbahan! Ipinagdarasal ka namin at ang iyong tagumpay. Nakatuon kami sa iyo at sa pagtulong sa iyo na maabot ang iyong banal na potensyal.

Pagkatutong Palitan ng Pananampalataya ang Takot

Paano ka matutulungan ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan sa iyong pag-aaral? Natutuhan ng isang binatilyo mula sa Brazil na makakatulong sila sa mga pambihirang paraan.

Nakakatakot ang kolehiyo para kay Samad: “Pakiramdam ko’y hindi iyon para sa akin,” sabi niya. “Pero hinikayat ako ng tatay ko na subukan ang BYU–Pathway Worldwide. Natatakot ako at wala akong tiwala sa sarili ko, pero nagpasiya akong sumali.”

Noong una, nainis si Samad. “Pakiramdam ko’y wala akong anumang nagagawa,” sabi niya. “Kinailangan ko ng liwanag at pag-asa. Ang BYU–Pathway ay naging ang pag-asang iyon para sa akin.”

Nagsimulang magkaroon ng tiwala si Samad sa kanyang sarili at sa Ama sa Langit. “Nang mas marami akong matutuhan bawat linggo, mas gumanda ang pakiramdam ko” sabi niya. “Ipinaalala sa akin ng mga service missionary at guro ang aking mga talento at kakayahan. Ang kagila-gilalas na mga kurso at kuwento ng mga taong tumanggap ng mga pagpapala ay nakatulong sa akin na buksan ang puso ko at hayaan ang Panginoon na gawin akong mas mabuti.”

Ang kawalan ng pag-asa at takot ni Samad sa hinaharap ay naglaho sa bawat bagong term. “Gusto kong ibahagi ang karanasang ito sa iba pang nahaharap sa gayon ding mga takot at pagkabalisang nadama ko,” sabi niya. “May pag-asa kay Jesucristo. Matutulungan ka Niya sa iyong pag-aaral. Ginawa ko ang unang hakbang, at hinding-hindi ko iyon pagsisisihan.”

May lugar para sa iyo anuman ang piliin mong pag-aralan. Nais ng Panginoon na gamitin mo ang iyong napag-aralan para makagawa ng kaibhan, at gagabayan ka Niya habang nagsisikap kang matuto habambuhay.

mga kabataang nagtataas ng kamay sa paaralan

Anong mga Oportunidad ang Mayroon?

Kahit lahat ng programa ng Simbahan sa edukasyon ay nilayong mas ilapit ka kay Jesucristo, bawat isa ay may partikular na tuon. Narito ang mga opsiyon na available sa Church Educational System:

  • Ang Institute ay isang resource na nilayon upang magbigay ng espirituwal na suporta at pagkakataong makipagkapwa sa mga young adult na dumadalo sa mga paaralang hindi pag-aari ng Simbahan o hindi talaga nakapag-aral.

  • Ang BYU–Pathway Worldwide ay nagsisilbi sa mga estudyante sa mahigit 180 mga bansa, at tinutulungan silang magkaroon ng tiwala sa sarili sa pag-aaral. Ang mga estudyante ay maaaring tumanggap ng de-kalidad at abot-kayang edukasyon saanman sila nakatira.

  • Ang Brigham Young University (BYU) sa Provo, Utah, ay mahigpit sa pag-aaral, na may mga piling admission requirement at mga targeted graduate program.

  • Ang BYU–Hawaii ay may mga estudyante mula sa mahigit 70 bansa, na nakatuon sa Asia at sa Pacific.

  • Ang sentrong binibigyang-diin ng BYU–Idaho ay ang paglilingkod sa mga estudyante na may faculty na nakatuon sa pagtuturo.

  • Ang Ensign College sa Salt Lake City, Utah, ay nag-aalok ng mga innovative, nagpapayaman ng pananampalataya, at hands-on ng mga kursong dinisenyo upang tulungan ang mga estudyante sa kalakhang Utah na makakuha ng trabaho.