“Ang Pasko ay Pag-asa, Kapayapaan, at Pagmamahal,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2024.
Ang Pasko ay Pag-asa, Kapayapaan, at Pagmamahal
Sa Kapaskuhan, nagtutuon tayo sa pag-asa, kapayapaan, at pagmamahal na alay ni Jesucristo sa mundo.
Ang ipinangakong pagsilang ni Jesucristo ay naghatid ng “dakilang liwanag” (Isaias 9:2) at “magandang balita ng malaking kagalakan” (Lucas 2:10) sa mundo. Kapaskuhan ang perpektong pagkakataon para ituon ang ating puso’t isipan sa Batang Cristo na matagal nang isinilang at sa pag-asa, kapayapaan, at pagmamahal na hatid ng mensahe ng Kanyang ebanghelyo sa ating puso kapag handa tayong sumunod sa Kanya.
Pag-asa sa Tagapagligtas
Ilang taon na ang nakararaan, isang 19-na-buwang batang babae, si Hope Gentile, ang nasuring may tumor sa bandang ibaba ng kanyang likod. “Nang sumunod na limang buwan ng mga operasyon at chemotherapy,” sabi ng ama ni Hope na si Nicholas, “ang pakikibaka ni Hope para mabuhay ay lumikha ng maraming iba’t ibang karanasan.”
Isang gabi noong pangalawang limang-araw na chemotherapy ni Hope, napansin ni Brother Gentile kung gaano karaming buhok ang nawala kay Hope. Ang natitira nitong mamula-mulang blonde na buhok ay naging masakit na paalala sa kanya ng mortal na buhay ni Hope. Gayunpaman, nakadama siya ng kapanatagan sa pangako ng Panginoon na “ni isang buhok sa kanyang ulo ay hindi malalaglag sa lupa nang hindi namamalayan” (Doktrina at mga Tipan 84:116).
“Nadama ko na alam na alam ni Jesucristo ang pinagdaraanan ni Hope—at ang aming dalamhati,” sabi ni Brother Gentile. “‘Hindi Niya [kami iniwang] nag-iisa’” (Juan 14:18).
Isang gabi sa oras ng pagtulog habang binabasahan niya ng isang aklat na pambata si Hope, itinanong ni Brother Gentile sa nakakatawang tinig, “Ano ang sabi ng kuwago?” Humahagikgik, sumagot si Hope ng, “Hoo, hoo!” Pagkatapos ay itinanong niya, “Ano ang sabi ng baka?” Nagmamalaking sumagot si Hope ng, “Moo, moo!”
Sa sandaling iyon, napansin ni Brother Gentile ang isang larawan ng Tagapagligtas sa kuwarto ni Hope. Hinikayat siya ng Espiritu na magtanong ng, “Hope, at ano ang sabi ni Jesus?”
Yumakap si Hope sa kanyang balikat, nagmulat ng kanyang asul na malalaking mata, at bumulong, “‘Yakapin kita.’ Sabi ni Jesus, ‘Yakapin kita.’”
Magiliw na niyakap ni Brother Gentile ang munting katawan ni Hope at humikbi nang malalim. Nang yakapin din siya ni Hope, bumulong ito, “Mahal kita, Dada.”
Ang pagsubok at kawalang-katiyakan ni Hope sa hinaharap ay naging daan para lalong magkalapit sina Brother Gentil at kanyang asawang si Christina, at ang kanilang pamilya—sa isa’t isa at sa Tagapagligtas. “Yakap ni Jesus ang aming pamilya sa Kanyang mapagmahal na mga bisig,” sabi ni Brother Gentile. “Napagnilayan ko ang magiliw na katotohanang itinuro sa akin ng Diyos sa pamamagitan ng mga salita ng aking anak: Yayakapin tayo ni Jesus at pagpapalain sa ating mga pagsubok kung tutulutan natin Siya.”1
Kapayapaan kay Cristo
Masaya akong iulat na nasagot ang pananampalataya at mga dalangin ng pamilya Gentile. Ngayon, si Hope ay isa nang malusog at masayang 10-taong-gulang na bata.
Pero paano ang mga pagkakataong iyon na ang sagot ng Diyos ay hindi tulad ng inaasahan natin? Maaari bang dumating ang kapayapaan sa gitna ng personal na pighati?
Oo! Ang kapayapaan ay laging matatagpuan kapag bumaling tayo sa Tagapagligtas, na ang pagsilang sa Betlehem ay ipinagdiriwang natin sa panahong ito. Sa Kapaskuhan, ang ating mga personal na pagsubok, dalamhati, at karamdaman ay kadalasang salungat sa nadarama sa mga pagdiriwang natin ng Pasko. Pero ang ating patotoo tungkol sa pagsilang, pagkamatay, at pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas ay nagbibigay ng kapayapaan at kagalakan.
Itinuro sa atin ng ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson:
“Kung paanong nag-aalok ng kapayapaan ang Tagapagligtas na ‘di masayod ng pagiisip’ [Filipos 4:7], gayundin naman na nag-aalok Siya ng matindi, malalim, at malawak na kagalakan na hindi masayod ng isipan ng tao. Halimbawa, tila imposibleng magalak kapag may malubhang karamdaman ang anak mo o nawalan ka ng trabaho … Pero iyon mismo ang kagalakang iniaalok ng Tagapagligtas. Ang Kanyang kagalakan ay hindi nagbabago, na tinitiyak sa atin na ang ating ‘mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang’ [Doktrina at mga Tipan 121:7] at ilalaan sa ating kapakinabangan [2 Nephi 2:2].”2
Kapag nangusap ng kapanatagan ang Panginoon sa ating kaluluwa, maaari tayong makiisa sa “malaking hukbo ng langit na nagpupuri sa Diyos at nagsasabi, Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:13–14). Maaari tayong “[humayo at] magdiwang”3 kay Cristo at damhin natin ang Kanyang “[makalangit na kapayapaan].”4
Ang Kaloob na Pagmamahal
Kilalang-kilala kayo ng Ama—ang inyong mga pagsubok at kakulangan, ang inyong mga kinasasabikan at kawalan. Dahil mahal Niya kayo, ibinigay Niya sa inyo ang pinakadakilang kaloob na matatanggap ninyo.
“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).
Dahil mahal din kayo ng Anak, kusa Niyang ibinigay ang Kanyang buhay para sa inyo.
Ang kaloob na Bugtong na Anak ng Diyos ay nangangahulugan ng walang-hanggang pag-asa at kapayapaan na ginawang posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. “Ang pangunahing dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang Pasko ay dahil sa Pasko ng Pagkabuhay,” pagpapaalala sa atin ni Pangulong Nelson. “Dahil kay Jesucristo, maaari tayong magsisi at mapatawad sa ating mga kasalanan. Dahil sa Kanya, ang bawat isa sa atin ay mabubuhay na [mag-uli].”5
Ang pagbasa sa mga sagradong salaysay tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan ay nasa sentro ng marami sa ating mga paboritong tradisyon sa Pasko, pero huwag nating kalimutan na hindi tayo magkakaroon ng Pasko kung wala ang Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli. Pinatototohanan ng Aklat ni Mormon ang realidad ng nagbangong Cristo gayundin ang yaman at lalim ng Kanyang doktrina. Kung gagamitin mo ang mga katotohanan tungkol kay Cristo na matatagpuan sa mga pahina nito sa Kapaskuhan at ibabahagi ito sa iba, magdaragdag ka ng kahulugan sa iyong mga pagdiriwang ng Pasko.
Pinatototohanan ko na ang pagmamahal at mahalagang papel ng Tagapagligtas sa plano ng kaligtasan ay naghahatid ng kapayapaan (tingnan sa Juan 14:27) at ng “higit na mainam na pag-asa” (Eter 12:32)—sa Kapaskuhan at sa tuwina.