2023
Pangingisda para sa Tunay na Kahulugan ng Pasko
Disyembre 2023


“Pangingisda para sa Tunay na Kahulugan ng Pasko,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2023.

Pangingisda para sa Tunay na Kahulugan ng Pasko

Natanto ko na ang Pasko ay hindi lamang tungkol sa mga dekorasyon, pagkain, o kahit paglilingkod.

Pamaskong palamuti na nakasabit sa kawit ng bingwit

Dito sa misyon ko sa Pilipinas, natuklasan ko na ang Pasko ay ipinagdiriwang mula Setyembre hanggang Disyembre. Sa halip na dalhin ang niyebe na nakasanayan ko, ang Disyembre sa Pilipinas ay palaging puno ng maulan at madilim na kalangitan. Berde ang paligid saan ka man tumingin—mga puno ng saging, puno ng niyog, iba pang mga puno ng palma.

Para sa huli naming appointment sa Bisperas ng Pasko, binisita namin ang isang pamilya na kasisimula pa lang naming turuan. Nagbisikleta kami sa makapal na gubat papunta sa bahay ng pamilya na yari sa kawayan at yero ang bubong. Pagdating namin, nakita ko ang nanay (ina) na nangingisda sa ilog sa likod ng bahay niya gamit ang mahabang patpat na kawayan at pisi. Sinabi niya sa amin na sinisikap niyang manghuli ng isda para sa ulam nila para makakain sila sa gabing iyon. Plano na naming pumunta sa isang Christmas party nang alas-6:30 n.g. kasama ang iba pang mga missionary, pero sa halip ay nagpasiya kaming mag-ukol ng kaunting oras sa paghuli ng maliliit na isda habang umuulan para tulungan ang babaeng ito na pakainin ang kanyang pamilya.

Nang gabing iyon, habang pinanonood namin ng kompanyon ko ang isang video tungkol sa pagsilang ni Jesucristo, naisip ko kung paano Siya pumarito sa mundo nang walang anumang dala at umalis nang walang anumang dala. Wala ring gaanong kabuhayan ang pamilyang pinaglingkuran namin. Pero natanto ko na hindi mo kailangan ng maraming bagay para maging masaya. Ang Pasko ay hindi lamang tungkol sa mga dekorasyon, pagkain, o kahit paglilingkod. Tungkol ito sa pagmamahal ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 11:13–23). Tungkol ito sa pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Tungkol ito sa pagmamahal sa lahat.

Bagama’t iba ang Paskong ito para sa akin, ang karanasan ko ay mas nakaganyak sa akin na patuloy na magtrabaho at patuloy na maglingkod dahil ang ebanghelyo ni Jesucristo ay maaaring maghatid ng labis na kaligayahan sa mga tao. Itinuturo sa atin ng ebanghelyo kung paano tayo makakatulong nang may pagmamahal at pag-ibig sa kapwa. Nakadama ako ng pag-ibig sa kapwa para sa pamilyang iyon.

missionary

Ang awtor ay naglilingkod sa Philippines Antipolo Mission.