2023
Ang Landas mula sa Betlehem
Disyembre 2023


“Ang Landas mula sa Betlehem,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2023.

Ang Landas mula sa Betlehem

Dinadala tayo ni Jesucristo, ang Sanggol ng Betlehem, sa landas ng tipan na patungo sa templo at pabalik sa piling ng Ama sa Langit.

Pagsilang at binyag ni Cristo

Larawang-guhit ni Corey Egbert

Noong nakaraang Disyembre bumisita kaming mag-asawa sa Betlehem. Nang libutin ko ang bayan at lakaran ang mga lansangan nito, kinanta ko ang “Munting Bayan ng Betlehem” sa sarili ko (Mga Himno, blg. 127). Ginunita ko ang mahigit 2,000 taon, hanggang noong magpunta roon sina Maria at Jose para magbayad ng buwis. Naisip ko si Maria, na naglakbay habang nagdadalantao at nagsilang ng anak sa isang sabsaban.

Bumisita kami sa mabatong burol na kalapit na bansa ng Palestina, pati na kung saan binantayan ng mga pastol ang kanilang mga kawan. Naisip ko ang anghel na nagpakita sa kanila at nagpahayag ng “magandang balita ng malaking kagalakan para sa buong bayan” (Lucas 2:10) at sinabi sa kanila na hanapin ang batang nasa sabsaban. Nakita namin ang mga sabsaban na parang kuweba kung saan siguro naisilang si Jesus at ang mga batong sabsaban na katulad siguro ng mga nahigaan Niya.

Sa ibang pang mga lugar, nakita namin kung saan naglakad, nagturo, nagdusa, namatay, at nabuhay na mag-uli si Jesus. Jerusalem, ang Temple Mount, ang Bundok ng mga Olibo, ang Halamanan ng Getsemani, Golgota, at ang Libingan sa Halamanan. Nakita namin ang landas ng buhay ni Jesus mula sa mga propesiya tungkol sa Kanya hanggang sa Kanyang pagsilang hanggang sa Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli.

Napakagandang bumisita sa mga lugar na ito, pero hindi ninyo kailangang magpunta roon para maunawaan at tunay na madama ang kaugnayan nito sa Sanggol sa Bethlehem at sa Tagapagligtas sa Kalbaryo. Alam ko—at malalaman ninyo—sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan.

At sa pagsaksing ito, maaaring maisip ninyo ang pagsilang ng Tagapagligtas at ang landas ng Kanyang buhay at isipin: Ano ang aking landas? Paano ko masusundan ang Kanyang mga yapak?

si Jesucristo habang nagtuturo

Paano Lalapit sa Tagapagligtas Ngayon

Para makalapit sa Tagapagligtas, hindi ninyo kailangang lumakad kung saan lumakad si Jesus; kailangan ninyong sikaping lumakad tulad ng paglakad Niya, na tinutularan ang Kanyang halimbawa.

Ngayon, hindi tayo nagpupunta sa Betlehem para hanapin ang Tagapagligtas. Nagpupunta tayo sa mga banal na kasulatan at mga lider ng Simbahan. Ang mga hindi natin kasapi ay nagpupunta sa mga missionary at kaibigan na mga miyembro ng Simbahan. Nagpupunta tayo sa mga bautismuhan at sacrament service. Nagpupunta tayo sa mga templo. Sa madaling salita, gumagawa at tumutupad tayo ng mga sagradong tipan.

Ang Sanggol sa Betlehem ang dahilan kaya tayo tumatanggap ng sakramento. Siya ang dahilan kaya tayo nagpupunta sa mga templo. Siya ang paraan para makapagpatuloy at makapanatili tayo sa landas ng tipan, na papunta sa templo at sa huli ay pabalik sa piling ng ating Ama sa Langit. Siya ang dahilan kaya natin hinahangad na gawin ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan.

Pagkabuhay na Mag-uli at Pagsilang ni Cristo

Paano Magdiriwang Ngayong Pasko

Ang “Banal na Anak, na si Jesus” (Moroni 8:3) din ang dahilan kaya natin ipinagdiriwang ang Pasko. Ang Kanyang kapayapaan, na hindi makamundo, ang dahilan kaya tayo nakikiisa sa iba sa buong mundo sa pagbati ng “sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (tingnan sa Lucas 2:14)—sa lahat ng pamilya ng tao.

Ang lalim ng kahulugan ng Pasko para sa inyo at sa akin bilang mga alagad ni Jesus sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagmumula sa ating pakikipagtipan sa Tagapagligtas at sa Ama sa Langit. Nagmumula ito sa pag-unawa sa papel na ginagampanan ni Jesucristo sa ating buhay.

Ngayong Pasko, mag-ukol ng oras na pagnilayan ang kamangha-manghang tagpo sa kuwadra sa Betlehem sa lahat ng taon na iyon na nagdaan. At makinig sa Espiritu na nagpapatotoo sa inyo na Siya ang Sanggol sa sabsaban na nagbayad-sala para sa inyo, sa akin, at sa buong sangkatauhan. Pagkatapos ay alalahanin ang ipinagagawa Niya sa atin at ang ipinangako Niya sa atin. Alalahanin natin ang ating mga tipan.

Hayaang palakasin ng lahat ng ginagawa ninyo sa panahong ito ang inyong pananampalataya kay Jesucristo at ang inyong pag-asa sa Kanya. Sikaping gawin ang gagawin Niya. Tumulong sa iba nang may pagmamahal. Maging halimbawa, at ituro ang mga tao sa walang-hanggang liwanag na nagningning sa madidilim na lansangan ng munting bayan ng Betlehem.