“Ang Di-Gaanong-Tagong Mensahe sa Aklat ng Apocalipsis,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2023.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Paghahayag
Ang Di-Gaanong-Tagong Mensahe sa Aklat ng Apocalipsis
Bukod pa sa mga propesiya rito tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ang aklat ng Apocalipsis ay naglalaman ng makapangyarihang mensahe ng kapayapaan at kapanatagan.
Sinasabi ng ilang tao na natatakot sila sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ang digmaan, taggutom, sakit—ang mga propesiya ay naglalaman ng ilang tanda na nagbababala. Pero nagkukuwento rin sila ng nakatutuwang mga pangyayari at ng mga banal na pangako. Kaya bukod sa pagpapaalam sa atin tungkol sa mga tanda ng Ikalawang Pagparito, ang mga propesiya ay nagbibigay din ng malaking kapanatagan.
Tiyak na totoo ito sa aklat ng Apocalipsis, halimbawa, na isinulat ni Apostol Juan. Naroon ang maraming propesiya tungkol sa Ikalawang Pagparito at ang ilan din sa pinaka-nakapapanatag na mga sipi sa buong banal na kasulatan. Narito ang ilang mensahe ng kapanatagan mula sa aklat ng Apocalipsis.
Maaari Ninyong Marinig ang Tinig ng Tagapagligtas at Buksan ang Pinto
Sa mga Banal noong panahon ni Juan—at sa atin—sinabi ng Tagapagligtas:
“Makinig ka! Ako’y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung diringgin ng sinuman ang aking tinig at [bu]buksan ang pinto, ako’y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya’y kasalo ko” (Apocalipsis 3:20).
Nais ng Tagapagligtas na lumapit sa inyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63). Tinatawag Niya kayo. Maaari ninyong buksan ang pintuan at papasukin Siya anumang oras.
Makasusumpong Kayo ng Proteksyon
Sa aklat ng Apocalipsis, iniutos ng Panginoon, “Magsilabas kayo [sa mundo], bayan ko, upang huwag kayong madamay sa kanyang mga kasalanan, at huwag kayong makabahagi sa kanyang mga salot” (Apocalipsis 18:4). Masasama ang mga salot na ito, pero nakalaan ang mga ito sa mga taong nagmamahal sa kasamaan at hindi nagsisikap na takasan ito.
Manatiling malapit sa Panginoon at sa Kanyang mga tao. Talikuran ang mundo. Makasusumpong kayo ng kapayapaan ng isipan at proteksyon sa kanlungan ng Sion.
Madaraig Ninyo [ang Mundo]
Sa Apocalipsis makakakita kayo ng magagandang pangako ng Panginoon sa Kanyang mga Banal na napagtatagumpayan ang mundo (tingnan, lalo na, sa Apocalipsis 2–3). Ang mga walang-hanggang pagpapalang ito ay para sa mga nakikipagtipan sa Diyos at tumutupad sa mga ito. Ibinuod ng Panginoon ang mga pagpapalang ito:
“Ang [magtatagumpay] ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako’y magiging Diyos niya at siya’y magiging anak ko” (Apocalipsis 21:7).
Sinasabi sa inyo ni Juan hindi lamang kung ano ang mga pagpapala kundi pati kung paano ninyo matatanggap ang mga ito. Ito ay “dahil sa dugo ng Kordero, at dahil sa salita ng [inyong] patotoo” (Apocalipsis 12:11). Para madaig [ang mundo], maaari kayong umasa sa biyaya ni Jesucristo at manampalataya sa Kanya. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Ang pagdaig sa mundo ay tiyak na hindi nangangahulugan [ng pagiging] perpekto sa buhay na ito, ni [hindi ito] nangangahulugan [na] bigla na lang maglalaho ang inyong mga problema—dahil hindi mangyayari iyon. At hindi ito nangangahulugan [na] hindi na kayo magkakamali pa. Kundi ang pagdaig sa mundo ay nangangahulugan [na] lalo ninyong mapaglalabanan ang kasalanan. Lalambot ang inyong puso habang lumalakas ang inyong pananampalataya kay Jesucristo. Ang ibig sabihin ng pagdaig sa mundo ay pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak nang higit kaysa sa pagmamahal ninyo sa sinuman o anupaman” (“Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2022 [Liahona, Nob. 2022, 96–97]).
Maaari Kang Maghanda
Ang isang malinaw na mensahe sa aklat ng Apocalipsis ay na muling paparito si Jesucristo—at na maaari ninyong paghandaan ito sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, paggawa at pagtupad ng mga tipan, at pagtitiis hanggang wakas. Kasama sa paghahandang ito ang katiyakan na hindi ninyo kailangang katakutan ang Kanyang pagparito. Sa halip, maaari ninyong alalahanin ang Kanyang lubos na kapanatagan para sa Kanyang mga Banal:
“At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man, sapagkat ang mga unang bagay ay lumipas na” (Apocalipsis 21:4).
Sa kapanatagan at katiyakang tulad nito, gugustuhin ninyong sabihin din ang sinabi ni Juan sa katapusan ng kanyang aklat: “Pumarito ka, Panginoong Jesus” (Apocalipsis 22:20).