“May Pananampalataya Ka ba?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2023.
“May Pananampalataya Ka ba?”
Sa kabundukan noong araw na iyon ng taglagas, nalaman ko na maaaring makagawa ng mga himala ang priesthood.
Ang huling naaalala ko bago bumaligtad ang four-wheeler ay takot na takot ako na ni hindi ako makasigaw. Pumikit ako at naramdaman ko na nakakaladkad ang katawan ko sa lupa. Nang bumagsak ang four-wheeler sa ibabaw ko, hinimatay ako. Kahit paano, nagawa ng kaibigan kong si Kurt, na nasaktan din, na angatin ito mula sa pagkakadagan sa akin.
Nang magising ako, may nalasahan akong dugo at lupa sa bibig ko. Nahihilo ako at nakahiga sa tabi ng isang kanal. Noong una wala akong naramdamang sakit, pero hindi nagtagal ay nagsimula akong makaramdam ng sakit sa tuwing hihinga ako. Matapos akong tulungan ni Kurt na alisin ang helmet ko, nagsimula ring sumakit ang kaliwang braso ko, na nabaluktot. May malaking bukol ako sa ulo, at nang tingnan ko ang kaliwang binti ko, nakakita ako ng malaking sugat. Dumudugo ang binti ko, at hindi nagtagal ay namaga ito nang doble sa normal na laki.
At natakot na ako—hindi sa pagkamatay kundi sa pag-iisip na baka hindi na ako makapaglarong muli ng soccer.
Ang mga magulang ko ay kapwa mula sa Argentina. Marunong ng soccer ang lahat sa pamilya ko. Lumaki akong naglalaro nito at nanonood nito, na kasama lalo na ang tatay ko. Nang mapanalunan ng Argentina ang World Cup noong 2022, iyon na ang pinakamagandang araw!
Naituro sa akin ng paglalaro ng soccer na kung gagawin ko ang lahat ng makakaya ko, magagawa ko ang mga bagay na hindi ko inaakalang magagawa ko. Angkop din iyan sa pag-aaral, tulad sa mga test o pagsusulit. Maaaring mahirap ang mga test o pagsusulit, pero kung mag-aaral at magsisikap ako, alam kong magiging OK ako.
Nalaman ko rin na mas nalulungkot ako kung hindi maganda ang paglalaro ko kaysa sa kung matalo ang team ko. Kahit matalo kami, masaya pa rin ako kung naging maganda ang paglalaro ko.
Isang Pagsubok sa Pananampalataya
Agad-agad pagkatapos ng aksidente, dumating ang kapatid kong si Nicole kasama ang kanyang kaibigan na sakay ng isa pang four-wheeler, at mabilis na umakyat ang dalawang batang lalaki sakay ng kanilang four-wheelers nang makitang naaksidente kami.
“Nars ang tatay ko!” sabi ng isang bata. Habang tinatawagan niya ang kanyang ama para humingi ng tulong, nagmadaling bumalik si Nicole at ang kanyang kaibigan sa kampo namin para sunduin ang tatay ko.
Nang umagang iyon, nagplano ang nars na si Mike Staheli na umuwi mula sa isang kamping sa katapusan ng linggo kasama ang ilang kaibigan. Pero nadama nila na dapat silang manatili nang isang araw pa. Salamat na lang at hindi sila umalis.
Habang binibigyan ako ni Mike ng first aid at tinitingnan ang vital signs ko, may isang tao na tumawag ng ambulansya. Nangamba si Mike na baka nabalian ako ng braso at balakang, nabasagan ng ilang tadyang, at may pagdurugo ako sa loob ng katawan.
Sinabi ni Mike na malamang na maunang dumating ang ambulansya mula sa isang kalapit na bayan, pero seryoso ang lagay ko kaya dapat akong isakay ng helicopter papunta sa Primary Children’s Hospital sa Salt Lake City, Utah. May humiling din ng medevac helicopter.
Nang makita ako ng tatay ko at ng kaibigan niyang si Hector, nalaman nila na kailangan ko ng priesthood blessing. Tinanong ako ng tatay ko, “May pananampalataya ka ba sa kapangyarihan ng priesthood? May pananampalataya ka ba na matutulungan at mapapagaling ka ng Panginoon?”
“May pananampalataya nga po ako, Papá,” sabi ko sa kanya. Pero kasabay nito, naisip ko, “Paano kung hindi sapat ang pananampalataya ko?”
Pinahiran ako ng langis ng tatay ko, at binasbasan ako ni Hector. Nang magsimula ang blessing, bumagal ang paghinga ko, kumalma ako, at nakadama ako ng init kahit malamig sa labas. Nalaman ko noon na totoo na mayroon akong sapat na pananampalataya at na magiging maayos ang lagay ko kahit paano.
Nang dumating ang ambulansya, ginupit ng mga paramedic ang paborito kong soccer shirt at tiningnan ang vital signs ko. Normal nang lahat iyon. Dumating ang helicopter makalipas ang ilang minuto.
Nang lumapag ang helicopter sa ospital, isinugod ako sa loob. Sinimulan akong suriin ng mga nars at doktor at marami silang ginawang pagsusuri, kabilang na ang MRI. Inasahan namin ni Itay ang pinakamalala, at gayon din sila.
Pero wala silang nakita! Walang mga nabaling buto, walang pagdurugo sa loob, walang tanda ng pagkalog ng utak. Gayunman, masakit pa rin ang binti ko.
“Himala ito!” sabi ng isang nars sa akin. Kalaunan, sinabi ng isang doktor, “OK, Alan, mukhang makakauwi ka na ngayong gabi.”
Sabi ko, “Talaga po?”
Dahil hirap pa rin akong maglakad, magdamag akong nanatili sa ospital. Umalis ako kinabukasan na may brace lang sa kaliwang pulso ko. Makalipas ang ilang linggo, nag-training na naman ako para sa soccer.
Priesthood, Pananampalataya, at Pamilya
Iniisip ko kung ano kaya ang mangyayari kung walang priesthood ang tatay ko at si Hector. Mas malala pa siguro ang naging lagay ko. Nang araw na iyon natanto ko kung gaano kahalaga ang priesthood. Nalaman ko na ang pananampalataya kay Jesucristo at ang kapangyarihan ng priesthood ay makakagawa ng mga himala.
Nalaman ko rin na kailangang maging mabubuting halimbawa ang mga priesthood holder. Kung mayroon tayong priesthood pero pinipili nating gawin ang mga bagay na mali, ipinapakita natin na hindi natin nirerespeto o iginagalang ang kapangyarihan ng Diyos. Pero kapag nagpakita tayo ng mabubuting halimbawa, ipinapakita natin sa iba na iginagalang natin ang priesthood at alam natin na makakagawa ng mga himala ang Panginoon sa pamamagitan natin.
Nagpapasalamat ako sa aking pamilya at sa Simbahan. Lagi kong iniisip ang mga sakripisyong ginawa ng mga magulang ko para sa amin ng mga kapatid ko. Kami ang una nilang iniisip. Kamakailan ay nasaktan ang tuhod ng tatay ko sa paglalaro ng soccer at hindi makapagtrabaho. Maraming tao, lalo na mula sa Simbahan, ang nagbigay sa amin ng pagkain at iba pang mga bagay na kailangan namin. Para mapanatiling malakas ang aking pananampalataya, nagdarasal ako tuwing umaga, nagpupunta sa seminary, at nagbabasa ng mga banal na kasulatan gabi-gabi kasama ang aking pamilya. Nakakatulong talaga iyan sa akin.
Mula nang maaksidente ako, madalas kong isipin kung gaano ako napagpala ng Diyos. Tuwing may problema ako ngayon, ang unang ginagawa ko ay dumiretso sa Kanya. Nadarama ko na kung sapat ang pagmamahal Niya sa akin para pagpalain at tulungan akong makaraos sa aksidente ko, matutulungan Niya ako sa anumang bagay.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.