“7 Tinedyer na Nagpapabago sa Mundo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2023.
7 Tinedyer na Nagpapabago sa Mundo
Ano ang hinihikayat ng mga kabataang ito na gawin mo?
Lucy B.
Edad 14. Mula sa Tennessee, USA. Mahilig sa musical theater at paglalaro ng soccer.
Noong walong taong gulang ako, nagpaturo ako sa nanay ko ng pananahi ng kumot. Nagsimula akong manahi ng mga kumot para iregalo sa lahat ng mga kaibigan ko.
Pagkatapos ay nagpasiya kami ng nanay ko na mamigay ng mga kumot sa Instagram. Nakakuha kami ng 16 na nominasyon. Hindi ako maaaring pumili ng isang tao lang, kaya pinadalhan ko ng isa ang bawat isa sa kanila. Pagkatapos ay patuloy na nagdatingan ang mga nominasyon, at patuloy lang kaming nanahi ng mga kumot. Nitong huling limang taon, nakagawa kami ng 1,121 na mga kumot at ipinadala ang mga iyon sa 29 na mga bansa.
Karamihan sa mga kumot ay napupunta sa mga batang maysakit. Ang pinakamahirap para sa akin ay kapag pumanaw ang isang bata bago makarating ang kumot sa kanya. Kung minsa’y sinisisi ko ang sarili ko at nakokonsiyensya at nanghihinayang ako. Pero kapag ganito ang pakiramdam ko, nagdarasal ako, at napapayapa ako.
Nakakita na ako ng ilang bata na nagdaranas talaga ng mahihirap na bagay. Nakilala ko ang isang dalagita na katatapos lang operahan sa utak, pero napakasaya niya sa kabila ng lahat. Binibigyang-inspirasyon ako nito na magpasalamat para sa lahat ng mayroon ako.
Kung minsa’y tinatanong ako ng mga tao: “Bakit mo ginagawa ito? Palagay ko kung narito si Jesucristo, paglilingkuran Niya ang iba. Titiyakin Niya na madarama ng lahat na may nagmamahal sa kanila. Kaya maaari akong maging mga kamay Niya. Makakatulong ako sa paggawa ng Kanyang gawain.
Nate W.
Edad 14. Mula sa Hawaii, USA. Mahilig maglaro ng basketball at soccer, magbasa, at magpunta sa beach kasama ang mga kaibigan.
Ilang taon na ang nakararaan, napakalakas ng ulan sa lugar na tinitirhan ko, at binaha talaga nang husto ang isang bahagi ng bayan namin. May ilang tao pa nga na kinailangang lumangoy para makalabas ng bahay nila at makapunta sa kotse nila.
Nag-organisa ang aming ward ng isang service project para subukang tulungan sila, pero noong umagang iyon nag-isip ako kung bakit kailangan kong tumulong. Gusto kong maglaro sa parke, kung saan nagpapadulas ang mga tao sa basa at madulas na burol sakay ng mga boogie board.
Pinili kong sumama sa ward, at nilinis namin ang basura at tiniyak na OK ang lahat. Tumulong akong ayusin ang mga ari-arian ng mga tao at tiniyak ko na alam namin kung kani-kanino ang mga ari-arian.
May isang ina na binaha ang bahay. Nakatayo siya sa kanyang balkonahe kasama ang kanyang mga anak at pinanonood ang pagtatrabaho ng lahat. Nagsimula siyang umiyak dahil sa pasasalamat. Masayang-masaya siya na tinutulungan siya ng mga tao.
Pakiramdam ko tama ang ginagawa ko sa pagtulong. Sumigla ang katawan ko at sumaya ang kalooban ko. Talagang sulit ito.
Grant E.
Edad 17. Mula sa Texas, USA. Mahilig maglaro ng tennis at basketball, tumakbo, at makinig sa musika.
Kamakailan, nag-organisa ako ng clothing drive kasama ang ilang kabataan mula sa aking stake at high school. Nangolekta kami ng kahun-kahon ng gamit nang mga damit para ipadala sa mga clothing closet sa lugar para tulungan ang mga pamilyang nangangailangan at mga batang may mga espesyal na pangangailangan o kapansanan. Ang nakababata kong kapatid na lalaki ay may autoimmune disease, kaya may espesyal na puwang sa puso ko ang mga batang nagdaraan sa gayon ding mga hamon.
Bagama’t mahalaga sa akin ang resulta ng service project na ito, tungkol din ito sa pagtitipon ng mga tao at paglikha ng isang diwa ng komunidad at pagkakaroon ng layunin. Sa pagtutulungan, nagkaroon kami ng mga bagong kaibigan at koneksyon. Nakadama ako ng tagumpay sa paggawa ng isang bagay na mabuti para sa iba.
Ipinaalala sa akin ng karanasang ito kung gaano kahalaga na mahalin ang Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Madaling magtuon ng pansin sa sarili nating buhay at mga problema, pero kapag inuna natin ang iba at sinunod ang mga pahiwatig ng Espiritu na maglingkod, makapaghahatid tayo ng kagalakan at pagmamahal sa mundo.
Milagros H.
Edad 16. Mula sa Santa Ana, Argentina. Mahilig magbasa, makinig sa musika, at magsulat ng tula.
Kanina lang, sinimulan kong bisitahin ang aming local library at napansin ko na hindi maganda ang kundisyon nito. Matandang babae ang librarian, at hindi palaging iniingatan ng mga tao ang mga aklat na hinihiram nila.
Ako ang Young Women class president sa aking branch, at nagpunta kami ng ilan sa mga dalagita sa library isang Sabado para ayusin ang isa sa mga lalagyan ng aklat. Inilagay namin sa mga kahon ang mga aklat na medyo matagal nang hindi nahiram ng mga tao para ipamigay. Pagkatapos ay isinalansan namin ayon sa alpabeto ang iba pang mga aklat.
Nagpasalamat nang husto ang librarian sa tulong namin. Dinalhan pa niya kami ng masasarap na pastry na tinatawag na criollitos. Palagay ko napaganda ng aming paglilingkod ang pananaw niya sa Simbahan.
Marami pa ring ibang istanteng aayusin, kaya nagpasiya akong isumite ang aking proyekto sa JustServe. Makikita na ngayon ng mga tao sa aming lungsod ang proyekto sa JustServe at magboboluntaryong tumulong.
Sinasabi sa mga banal na kasulatan na naglibot si Jesucristo na gumagawa ng mabuti (tingnan sa Mga Gawa 10:38). Hindi siguro nagkaroon ng malaking epekto sa mundo ang proyekto ko, pero para sa librarian at sa mga taong nagpupunta sa library, nakagawa ito ng kaibhan.
Telia L.
Edad 17 Mula sa Saskatchewan, Canada. Mahilig sa pagkanta, taekwondo, boxing, at pagtugtog ng ukulele, gitara, at piyano.
Dinadala kaming magkakapatid ng nanay ko para kumanta at sumayaw sa mga senior home mula pa noong anim na taong gulang ako. Iyon ang paraan namin ng pagbabahagi ng ebanghelyo. Kamakailan kinanta namin ang “Sa Inyo, Aking Diyos, Lumalapit,” at nagsimulang umiyak ang isang babae sa likuran. Isa iyan sa mga paborito kong kantahing awitin.
Sa isa pang pagkakataon, naramdaman ko na dapat naming kantahin ang “You Are My Sunshine [Liwanag ng Buhay Ko].” Kinanta namin iyon, at sumali sa pagkanta namin ang lahat ng tao. Umiyak ang ilan sa kanila. Nagpapabago ng buhay ang karanasang iyon para sa akin. Tuwang-tuwa akong makinig sa pahiwatig na kantahin ang awiting iyon.
Bukod pa sa pagkanta sa mga senior home, nakagawa rin ako ng ilang service project sa aming bayan, tulad ng pagdadala ng pagkain sa mga walang tirahan. Nagboboluntaryo rin ako para sa dalawang organisasyon bilang mentor para sa mga batang gustong magplano ng sarili nilang mga service project.
Palagay ko sa kabuuan ay nalaman ko na maraming tao sa mundo ang nahihirapan. Hindi natin laging nakikita iyan, pero ang mga simpleng paglilingkod, tulad ng pagkanta ng ilang awitin o ilang pagsayaw, ay maaaring magpangiti sa mga tao.
Palagay ko dapat tayong makibahaging lahat sa paglilingkod—sa ating komunidad o maging sa sarili nating pamilya. Ang paglilingkod ay naghahatid ng kaligayahan sa mga taong tinutulungan ninyo at sa inyo. Kapag naglilingkod kayo sa iba, pinaglilingkuran ninyo ang Diyos at tinutulungan ninyo ang Kanyang mga anak, na mahal na mahal Niya. (Tingnan sa Mosias 2:17.)
Luca M.
Edad 16. Mula sa Alberta, Canada. Mahilig tumawa, mag-aral, at magluto ng perpektong hamburger.
Habang lumalaki ako, hindi ako naging aktibong masyado sa Simbahan. Madalas kong maramdaman na pinilit akong magpunta sa mga service project at wala akong mapagpilian. Nang lumaki na ako at patuloy akong nakilahok sa paglilingkod, natuklasan ko na nagawa ako nitong mas mabuti. Kapag hindi ako gaanong nakatuon sa sarili ko, mas masaya ako.
Minsan, nagkaroon ako ng pagkakataong pumunta sa looban ng lungsod kasama ang ilang iba pang kabataan para tulungan ang mga walang tirahan. Isang lalaki mula sa El Salvador ang nagsabi sa akin kung paano niya kinailangang lisanin ang kanyang bansang sinilangan dahil sa karahasan at nagpagala-gala siya sa mga lansangan sa Canada. Nakilala ko rin ang isang lalaki na nagpaalala sa akin na patuloy na mag-aral at huwag balewalain ang aking mga oportunidad.
Ang marinig ang kanilang mga kuwento at makita ang kanilang pagtitiyaga at pagpapakumbaba ay nagkaroon ng malaking epekto sa akin. Madaling balewalain ang mga walang tirahan at ipalagay na sila ang may kasalanan kaya sila nagkaganoon. Pero sinabi ni Isaias kung paano pinasan ni Jesucristo ang ating mga kalungkutan at hindi Siya tinanggap ng mga tao (tingnan sa Isaias 53:3). Naniniwala ako na bilang mga disipulo ni Jesucristo, hindi natin dapat balewalain ang mga taong hindi tinanggap na katulad Niya.
Bagama’t maaaring hindi ko malutas ang lahat ng problema nila, alam ko na kahit ang pinakamaliliit na paglilingkod ay makakagawa ng malaking kaibhan sa buhay ng isang tao.
Limna C.
Edad 16. Mula sa Mexico City, Mexico. Mahilig tumugtog ng gitara, kumanta, magbasa, magbisikleta, at mahal niya ang kanyang asong si Loki.
Noong panahon ng pandemya, nakita ko ang isang paanyaya mula sa Young Women General Presidency na ibahagi ang ebanghelyo sa pamamagitan ng paglilingkod. Naisip ko kung paano isinakripisyo ng mga doktor at medical worker ang kanilang oras at inilagay sa panganib ang kanilang buhay para tulungan tayo. Naisip ko na puwede siguro akong magsakripisyo nang kaunting oras at pera para tulungan sila.
Ang trabaho ko ay paggawa at pagbebenta ng cookies at panghimagas. Nagpasiya akong gamitin ang bahagi ng aking ipon bilang pambayad sa pagkain para gumawa ng mga tanghaliang nakapakete para sa mga medical worker. Tinulungan ako ng aking mga magulang at lolo’t lola na ihanda ang mga tanghalian, na may kasamang sandwich, mansanas, granola bar, at bote ng tubig. Pagkatapos ay sinulatan ko ng gracias (salamat) ang bawat supot. Umabot ng 150 ang mga supot, kaya pagod na pagod ang kamay ko!
Tinulungan ako ng aking stake president na humingi ng pahintulot na ipamigay ang pagkain sa ospital. Hindi ko madala ang pagkain sa loob, pero ipinakita niya sa akin ang mga larawan ng mga tao na tinatanggap ang pagkain. Masayang-masaya akong makita ang nakangiti nilang mga mukha.
Kung minsa’y naiinis ako sa mga tao at nalilimutan kong tratuhin sila tulad ng gagawin ng Panginoon. Mabait ang Tagapagligtas sa lahat, kahit galit sila o malupit sa Kanya. Kung sisikapin nating tingnan ang iba nang may pagmamahal ng Tagapagligtas, makakagawa tayo ng kaibhan sa buhay ng mga tao. Maaari tayong maging ilaw sa mundong puno ng pag-aalinlangan. Kung minsan maaaring pakiramdam natin ay wala tayong nagagawang kaibhan, pero kung sinisikap natin, sapat na iyan.