“Ang Iyong Bahagi sa Dakilang Gawain ng Panginoon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2024.
Ang Iyong Bahagi sa Dakilang Gawain ng Panginoon
Kapag ikaw ay nagmamahal, nagbabahagi, at nag-aanyaya, tinutulungan mo ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtulong sa bawat mahalagang kaluluwa na lumapit sa Kanya.
Itinuro ng ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson, na ang dakilang pagtitipon ng Israel “ang pinakamahalagang gawaing nagaganap sa mundo ngayon.” Sabi niya, “Walang maikukumpara sa laki. Walang maikukumpara sa halaga. Ang mga missionary ng Panginoon—ang Kanyang mga disipulo—ay nakikibahagi sa pinakamalaking hamon, pinakadakilang layunin, pinakamahalagang gawain sa mundo ngayon.”
Hindi kailangan na ma-set apart tayo bilang teaching o service missionary para makibahagi sa gawaing ito. Ang mga pagkakataon ay nasa lahat ng dako para ikaw ay magmahal, magbahagi, at mag-anyaya. Matutulungan mo ang iba na lumapit kay Cristo—ngayon mismo—sa pagpapakita ng iyong pagmamahal, pagbabahagi ng iyong mga paniniwala, at pag-anyaya sa kanila na sumama sa iyo na maranasan ang kagalakan ng ebanghelyo.
Maaari kang makibahagi sa dakilang gawain ng Panginoon!
Simulan sa Pagmamahal
Sa Halamanan ng Getsemani at sa krus, inako ni Jesucristo ang mga kasalanan ng sanlibutan at nagdanas ng lahat ng kalungkutan at “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” (Alma 7:11). Ito ang “dahilan upang [Siya], … ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat” (Doktrina at mga Tipan 19:18). Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, ginawang posible ni Jesucristo ang kaligtasan at kadakilaan para sa lahat.
Ang pagbaling sa Tagapagligtas at pagninilay sa lahat ng ginawa Niya para sa inyo ay pupuspos sa inyong puso ng pagmamahal sa Kanya. Pagkatapos ay ibabaling Niya ang inyong puso sa iba. Hiniling Niya na mahalin mo sila (tingnan sa Juan 13:34–35) at ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa kanila (tingnan sa Mateo 28:19; Marcos 16:15). Ito ang ginawa Niya noong nabuhay Siya sa mundo. Ibinahagi Niya ang Kanyang buhay at Kanyang pagmamahal at inanyayahan ang lahat na lumapit sa Kanya.
Sa pagbabahagi mo ng ebanghelyo, simulan ito nang may pagmamahal. Kapag tinutulungan mo ang iba nang may pagmamahal—na inaalala na sila ay mga kapatid mo at mahal na mga anak ng iyong Ama sa Langit—magkakaroon ka ng mga oportunidad na ibahagi ang alam mong totoo.
Maging Sabik sa Paggawa at Magbahagi
Wala nang mas dedikado sa pagbabahagi ng ebanghelyo kaysa kay Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023). Sa buong buhay niya, sabik siyang nagbahagi sa lahat na ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Inanyayahan Niya tayong gawin din iyon.
Itinuro ni Pangulong Ballard na maibabahagi mo ang ebanghelyo “sa pagiging mabuting [kapitbahay] at sa pagmamalasakit at pagpapakita ng pagmamahal.” Sa paggawa nito, “mababanaag ang ebanghelyo sa sarili [mong buhay], at … mababanaag sa [iba] ang mga pagpapalang maibibigay ng ebanghelyo.” Maaari ka ring “magpatotoo tungkol sa nalalaman mo at pinaniniwalaan at kung ano ang nadarama mo. Itinuro ni Pangulong Ballard na, “Ang dalisay na patotoo … ay maipauunawa ng kapangyarihan ng Espiritu Santo sa puso ng iba na handang tanggapin ito.”
Ang ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakamalaking hangarin ng puso ni Pangulong Ballard. Maaari kang maging sabik sa paggawa—tulad niya—sa pagbabahagi ng ebanghelyo kapwa sa salita at sa gawa. Hindi mo alam kung sino ang maaaring naghahanap ng liwanag ng ebanghelyo pero hindi lang alam kung saan ito matatagpuan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 123:12).
Mag-imbita nang Taos-puso
Sa pagtulong sa iba na lumapit kay Cristo, maaari mo silang anyayahang maranasan ang kagalakang hatid ng Tagapagligtas at ng Kanyang ebanghelyo. Maaari mo silang anyayahang dumalo sa isang aktibidad, basahin ang Aklat ni Mormon, o makinig sa isang lesson mula sa mga missionary. Maaari mo rin silang taos-pusong anyayahan na dumalo sa sacrament meeting na kasama mo.
Dumadalo tayo sa sacrament meeting linggu-linggo para “sambahin ang Diyos at tumanggap ng sakramento upang alalahanin si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.” Ito ay espesyal na panahon para madama ng mga tao ang Espiritu, mas mapalapit sa Tagapagligtas, at mapalakas ang kanilang pananampalataya sa Kanya.
Habang naghahanap ka ng mga paraan para magmahal, magbahagi, at mag-anyaya, subukang anyayahan ang pamilya at mga kaibigan na dumalo sa sacrament meeting kasama mo. Kung tatanggapin nila ang iyong paanyaya at dadalo, tutulungan sila nitong magpatuloy sa landas ng binyag at pagbabalik-loob. Naniniwala ako nang buong puso na darating ang malaking tagumpay kapag inaanyayahan mo ang iba at tinutulungan silang malaman ang mga pagpapalang matatanggap nila sa pagdalo na kasama mo.
Gagabayan Ka ng Panginoon
Hindi mo alam kung anong mga tagumpay at hamon ang mapapasaiyo kapag ikaw ay nagmahal, nagbahagi, at nag-anyaya. Ang mga anak ni Mosias ay nagkaroon ng malaking tagumpay sa mga Lamanita habang sila ay nangangaral at nagtuturo ng salita ng Diyos. Sa kanilang mga pagsisikap, “libu-libo ang nadala sa kaalaman ng Panginoon” at marami “ang nagbalik-loob … [at] hindi kailanman nagsitalikod” (Alma 23:5–6).
Bagama’t hindi naman laging ganito ang karanasan ninyo, nangako ang Panginoon na tutulungan Niya kayo dahil bawat kaluluwa ay mahalaga sa Kanya. Kapag nagtitiwala kayo sa Panginoon at naglilingkod sa Kanya, gagabayan Niya kayo kung paano ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa iba sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanila, pagbabahagi ng inyong buhay at patotoo sa kanila, at pag-anyaya sa kanila na sumama sa inyo sa pagsunod sa Kanya.
“Malaki ang inyong magiging kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 18:15) kapag tinatanggap ninyo ang mga oportunidad sa buong paligid ninyo upang tulungan ang Panginoong Jesucristo sa Kanyang dakilang gawain na magdala ng mga kaluluwa sa Kanya.