“Ang Aking Open-Heart Surgery,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2024.
Ang Aking Open-Heart Surgery
Napakahilig ko sa athletics, lalo na sa basketball. Gusto ko ng mga kompetisyon. At iyan ang isa sa mga dahilan kaya kinailangan kong danasin ang walong oras na open-heart surgery sa edad na 14.
Ipinanganak ako na may depekto ang isa sa mga balbula ng puso ko. Noong una, sinabi ng mga doktor na malamang na kailangan ko ng operasyon kapag matanda na ako—kapag nagretiro na ako, siguro. Pero sa paglipas ng panahon, lumala ang problema, dahil sa aktibo kong paglalaro ng isports.
Sa isang pagbisita noong taglagas, sinabi ng doktor na marahil kailangan ko nang maopera sa susunod na isa o dalawang taon. Samantala, sumali ako sa takbuhan sa paaralan. Pero sa halip na umayos ang pagtakbo ko, lumala pa ito. Ganoon ko nalaman na may isang bagay na hindi tama.
Binisita naming muli ang doktor noong Marso. Sa pagbisita, nadama ko na dapat akong maopera nang mas maaga kaysa sa plano namin. Nagsimula akong makadama ng espirituwal na kagalakan. Ang personal na paghahayag na iyon ay nagbigay sa akin ng kapanatagan. Bigla kong narinig ang sarili ko na nagsasabing gusto kong maoperahan sa lalong madaling panahon. Natakot ang mga magulang ko noong una, pero sinabi ko sa kanila, “Panatag po ako. Ano po ang pinakamaagang petsa na magagawa natin ito? Iniskedyul namin sa Abril ang operasyon.
Sa mahihirap na panahon, alam ko na palaging nariyan si Jesucristo para sa akin. Lagi akong makapagdarasal sa Ama sa Langit, at nakakatulong ito.
Nanampalataya ako na magiging maayos ang lahat, pero nakakatakot pa rin ang araw ng operasyon. Bigla akong kinabahan, nang papasok na sa operating room. Naaalala ko na nanginig ako! Tinulungan ako ng anesthesiologist ko sa sandaling iyon. Nagpapasalamat ako sa lahat ng taong tumulong sa akin sa buong karanasang iyon. Nabigyan din ako ng tulong mula sa langit. Halimbawa, nag-ayuno para sa akin ang buong ward ko, at talagang nadama ko ang kapangyarihan ng pag-aayuno at panalangin.
Ngayon ay maayos na ang lagay ng puso ko. Kung hindi ako nagpaopera, baka dalawang taon na lang ang itinagal ng buhay ko. Ngayon maaari nang magtagal ang buhay ko hanggang sa pagtanda ko.
Binago ng buong karanasang ito ang aking pananaw. Iba na ang tingin ko sa lahat habang dumaranas sila ng mga pagsubok. Mas nakadarama ako ng pagdamay sa kanila. Paminsan-minsan kapag nakikita kong may pinagdaraanan ang isang tao, nilalapitan ko siya at tinutulungan.
Para sa akin, ang talagang ibig sabihin ng pagiging disipulo ni Jesucristo ay maging halimbawa sa iba at pakitunguhan ang lahat ng tulad ng gagawin Niya. Magkakasama tayong lahat dito. Ang Diyos ang ating Ama, at tayo ay Kanyang mga anak. Lahat ay may layunin at kahalagahan. Maraming negatibong nangyayari, kaya sinisikap kong tulungan ang mga tao na ngumiti at maging positibo.
Pinatototohanan ko na makatatanggap ako ng personal na patnubay mula sa Panginoon araw-araw. Mas mapapalakas Niya ako bilang isang tao at mapapatatag ako. Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa akin (tingnan sa Filipos 4:13).